Oplan kontra baha!

OPISYAL nang idineklara ng Pag-Asa ang simula ng tag-ulan o rainy season kaya’t asahang makararanas na tayo ng malalakas na buhos ng ulan, thunderstorm o bagyo.

Tulad ng dati, asahan na rin ang malalaking baha o ang masama pa’y mga nakapanlulumong trahedya na puwede naman sanang maiwasan kung preparado ang pamahalaan at ang atin mismong mga kababayan.

Tuwing tag-ulan, paulit-ulit ang lumalabas na ulat na malalaking baha at landslide na ang kalimitang sanhi rin naman ay dahil na rin sa ating kapabayaan at pagyurak sa kalikasan.
Katatapos lang ng mid-term elections at hindi natin alam kung pabor ba ito o hindi para maging handa ang ating mga kababayan sa ganitong uri ng panahon.

Likha ng natural na kalamidad ang mga bagyo, thunderstorm o tsunami. Ngunit hindi tulad ng lindol na hindi alam kung kailan  tatama o aatake sa lupa, ang mga binanggit nating kalamidad ay naaagapan ng ilang araw bago manalanta sa ating mga kababayan.

Maraming dahilan kung bakit binabaha ang ating kapaligiran. Una na rito ang hindi matapus-tapos na problema sa basura, baradong kanal, imburnal at iyong iba’y binabarahan pa ng ilang ‘informal settlers.’

Durog na rin ang ating kalikasan. Mula sa polusyon, illegal mining, illegal quarry at iyong walang patumanggang pagtatayo ng matataas na gusali na walang malinaw na drainage system.

Kaya natin nabanggit ang ‘mid-term elections’ dahil malaking tulong ang lahat ng lokal ng pamahalaan upang matugunan ang paghahanda sa panahon ng tag-ulan.

Dapat ay noon pa o kahit na ngayon na mismo ay kumilos  ang lahat ng local government units (LGUs) upang matukoy ang mga ‘baha prone area’ sa kanilang nasasakupan. Matukoy kung ano ang sanhi nito at kung saang lugar nagmumula ang baha.

Malaking tulong dito ang ating barangay.

Sila ang unang makatutukoy ng mga dahilan ng pagbaha at sila rin ang unang lalapitan at tutugunan ng tulong ng mga kababayan nating mabibiktima ng kalamidad.

Malaking bagay din siyempre ang tulong mula sa  pamahalaang nasyunal.

Ang Department of National Defense (DND),  Office of Civil Defense (OCD), Interior and Local Government (DILG), Bureau of Fire Protection, Public Works and Highways (DPWH), Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Pag-Asa, Phivolcs,  Department of Health (DoH), Department of Education (DepEd), Napocor at iba pang ahensiya.

Alam nating ngayon pa lang ay preparado na ang ilang LGUs sa mga ‘evacuation center,’ mga gagamiting tent, relief goods at kung anu-ano pa. Pero tulad ng matagal nang kasabihan, mas mainam pa rin ang ‘prevention,’ kaysa ‘evacuation.’

Dapat hindi tayo tumigil sa paglilinis sa ating kapaligiran, kanal at pagbantay sa kalikasan – panahon man nang tag-ulan o hindi.

Kung ngayon pa lang ay matutukoy na ang mga sanhi ng pagbaha; mapaalis ang mga informal settler at mailipat sila sa maayos na relokasyon; malinis ang  ating mga kanal at mapanagot ang mga malalaking gusali na nakababara rin sa ating ‘drainage system,’ natitiyak nating mababawasan ang bilang ng biktima ng sakuna.

Hindi pa naman huli ang lahat. Ang nakayayamot lang, paulit-ulit na ang dinaranas na problema, pero paulit-ulit pa rin tayong nagpapabaya at di gumagawa ng kongkreto at pangmatagalang solusyon.