Home>Editorial>Opinion>P10K ayuda para sa ‘Bangon Pamilyang Pilipino’

P10K ayuda para sa ‘Bangon Pamilyang Pilipino’

EXTRAORDINARY times require extra ordinary measures.’

Ito ang damdamin at nasa isip ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano at ng kanyang mga kaalyado sa pagsusulong ng hakbang na magbibigay-tulong na PINAS Hal sa ating mga kababayan na nalugmok ng COVID-19.

Ayon sa mga miron sa Kongreso, “ikinasa” ni Cayetano sa Mababang Kapulungan ‘Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) Assistance Program’ na magbibigay ng ayuda na P1,500 bawat miyembro ng pamilya o P10,000 sa bawat pamilya, whichever is higher.’

Kasama ni Cayetano sa paghahain ng panukalang batas ang kanyang may bahay na si Congw. Lani Cayetano (Taguig), dating Deputy Speakers Lray Villafuerte, Raneo Abu, Dan Fernandez, Bulacan 1st District Cong. Jose Antonio “Kuya” Sy-Alvarado, at Anakalusugan Partylist Cong. Michael Defensor.

Sa unang tingin pa lang, malaking ginhawa ang panukala para sa ating mga kababayan lalo na at hindi pa tayo nakakabalik sa ating normal na pamumuhay dahil hanggang ngayon nandyan pa din ang COVID-19.

At magsisimula pa lamang magbakuna ang ating bansa ngayong buwan o kaya sa Marso na sinasabing magpapatuloy hanggang sa susunod na tatlong taon.

Alam naman natin na sumadsad ng -9.5 porsiyento (minus 9.5 percent) ang ating ekonomiya sa taong 2020 dahil sa COVID-19.

Ito ang pinakamatinding lagapak ng ating ekonomiya ng Pinas mula ng mangyari ang World War II.

Translation? Ano mang naging pag-unlad ng ating ekonomiya sapul ng matapos ang WW2 noong 1945, “naubos” nang lahat dahil sa pandemya.

Pag-amin pa nga ni Pang. Rody, halos P2.5 B kada araw ang nawala sa atin dahil sa COVID-19.

Sa kanilang explanatory note, ipinaliwanag ng mga may akda ng House Bill 8597 o BPP Assistance Program na sinisiguro ng hakbang na ito na mabigyan ng dagdag allowance ang ating mga kababayan na lugmok pa din sa ngayon.

Prayoridad na makakatanggap ng cash aid na ito ang mga senior citizens, persons with disabilities, mga solo parent, mga nawalan ng trabaho, mga medical frontliner, pamilya ng mga overseas Filipino workers (OFWs), mga indibidwal na hindi nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP), mga may Philippine National ID, at ang mga nasa vulnerable sektor ng ating lipunan.

Sinabi pa ni Cayetano na kapag maipasa ang nasabing panukalang batas ay makatutulong din umano ito na “lumakas ang household consumption, na makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya” na dumanas ng pinakatinding economic contraction sa ating modernong kasaysayan.

Hindi naman natin maikakaila na matatag ang dibdib at matatapang ang loob ng mga Pilipino kahit ano mang pagsubok ang ating hinaharap ngunit ayon kay Cayetano at kanyang mga kaalyado, kailangan pa ring tulungan ang ating mga kababayan na makabangon sa kanilang sitwasyon na dulot ng COVID-19. Dangan nga kasi, hanggang ngayon marami ang nawalan ng trabaho at kabuhayan, maraming negosyo ang nagsara, at limitado pa din ang galaw ng mga tao para maghanap ng mapagkakakitaan dahil sa mga pinapatupad na basic anti-COVID protocol.

Ayon pa kay Cayetano, “Yung P10,000 per family, parang kukuha ka sa kaliwang bulsa, babalik din sa kanan, dahil iikot din ‘yon sa ating ekonomiya.” Korek ka dyan, Cong. Alan!

Dagdag pa niya na kung itutuloy ang pamimigay ng ayuda ay matutulungan hindi lang ang consumer kundi pati ang mga supplier at buong ekonomiya ng bansa.

Ang ating panawagan sa liderato ngayon ng Kamara ay aksyunan agad (sana) ang panukalang ito dahil mahaba-haba pang panahon ang titiisin ng ating bansa at ng ating mga kababayan.

Translation ulit? “Beke nemen” Speaker Lord Velasco…

Abangan!

Publication Source :    People's Tonight