P1.45B ambag ng PCAG para sa kaban ng BoC

July 31, 2019

HINDI tayo magtataka kung bumalik sa outright smuggling ang maraming tiwaling negosyante.

Sa ngayon, mahirap na ang magparating ng kontrabando sa pamamagitan ng technical smuggling.

Nandiyan na ang mga CCTV camera, sniffing dog, X-Ray machine at bagong henerasyon na mga opisyal at empleyado ng Bureau of Customs (BoC).

Ito ang mga tinatawag na “incorruptible public servants.”

Dadaan na sa butas ng karayom ang mga kontrabandong pinapasok sa bansa sa pamamagitan ng undervaluation, misdeclaration at iba pang pandaraya.

Mas magastos ang outright smuggling pero hindi naman napaka-risky katulad ng technical smuggling.

Una, wala namang barko at eroplano ang BoC para habulin sa dagat ang mga sasakyang dagat ng mga ismagler.

Pangalawa, kulang ang manpower ng BoC para bantayan ang mahabang dalampasigan ng Pilipinas.

Ang masakit, kapag nakalusot ang mga kontrabandong lulan ng mga barko ay komisyuner ng BoC ang sinisisi.

Bakit naman natin sisisihin ang hepe ng ahensiya, kung wala naman siyang kapasidad na hulihin ang mga ismagler?

Sa tingin ng marami, unfair naman ito sa customs commissioner.

Ano sa palagay niyo, Secretary Carlos Dominguez III?

***

Kumita ng dagdag na P1.45 bilyon ang Bureau of Customs  bunga ng implementasyon ng tinatawag na post-clearance audit on imports and goods.

Ito ang kinita ng BoC’s post clearance audit group o PCAG mula nang  i-reconstitute ito six months ago.

Ito ay ayon kay BoC Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, na siya ring hepe ng PCAG.

Sinabi ni Maronilla na ang P1.45 bilyon ay lampas na sa record collection na P950 milyon na naitala ng dating PEAG noong 2007.

Ang pakay ng PCAG ay makakolekta pa ng P2.5 bilyon para ma-meet ang kanyang P4 bilyong collection target sa taong ito.

Binuo ang PCAG alinsunod sa Customs Administratiue Order 01-2019, na nagre-require na magsagawa ng post audit clearance on importers at brokers.

Ang PCAG ay makakatulong ng malaki sa kampanya ng BoC na maabot ng ahensya ang mataas na assigned tax take sa taong ito.

Meron pang limang buwan ang BoC para kolektahin ang mahigit P650 bilyon na target nito.

Sana hindi makaapekto sa performance ng ahensiya ang nakaambang pagsibak sa puwesto ng iba pang kawani ng BoC.

Kung sabagay, iilan lang namang taga-BoC ang hinihinalang sangkot sa mga kalokohan sa Aduana.

***

Sa galit ni Pangulong Duterte ay pinatigil niya lahat ng gaming operations ng Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO).

Mabuti na lang (habang isinusulat natin ang pitak na ito ay ibinalik na ang operasyon ng lotto, na malaki ang naitutulong sa mga mahihirap na may sakit na nadamay sa galit ni PRRD.

Nagalit si Duterte dahil sa malawakang katiwalian at korapsyon na nangyayari sa PCSO.

Kaya naman maraming natuwa nang muling payagang magbukas ang mga lotto outlet.

Libu-libo rin ang mawawalan ng trabaho sakaling natuloy ang pagsasara ng mga lotto outlet sa buong bansa.

Pero dapat hindi lang sibakin ni Pangulong Digong ang mga sangkot sa anomalya sa PCSO.

Kasuhan sila at ilabas sa diyaryo, radyo at telebisyon ang kanilang mga pangalan para hindi sila pamarisan ng iba.

Hindi matitigil ang katiwalian sa gobyerno kung hindi sila ipapahiya at ipakukulong.

Sila ang pumapatay sa mga mahihirap na may sakit na nakakakita lang ng doktor at ospital dahil sa tulong mula sa PCSO.

Masahol pa sila sa drug addict.

Sa paggamit ng iligal na droga, sarili lang ng adik ang sinisira.
Ang mga magnanakaw na lingkod-bayan, libu-libo ang pinapatay nila sa gutom at sakit.

Ano sa palagay niyo?
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.cm. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)