Home>Editorial>Opinion>P2M daily kubra sa lotteng

P2M daily kubra sa lotteng

HINDI natin alam kung bakit sa kabila ng pandemic ay nakakapagpalakas pa ng operasyon ang mga gambling lord saan man panig ng Metro Manila.

Nawala na iyong mga dating anti-illegal gambling drive ng mga nagdaang NCRPO chief na one strike policy, tanggal na ang station commander at ang district director.

Alam natin masyado lang busy ang kaibigan nating si Metro Manila cops chief, General Vic Danao kaya hindi nahaharap ang illegal gambling na naglipana na naman kahit saan.

Sa Quezon City mismo, hindi tayo makapaniwala may bago na palang gambling operator matapos magsara ang operasyon ni alyas Tisay.

Baka lang hindi pa alam ni QCPD director, General Danilo Macerin na parang pandemic na rin ang operasyon ng lotteng dahil sa sobrang lawak.

May mga dumating na impormasyon sa atin na may P200K na weekly intelihensiya ang umiikot sa Kyusi na dumadaan sa kamay ng isang Boy na dating pulis-Maynila.

Hindi natin alam kung kanino bumabagsak ang kotong money na ito mula sa gambling operator ng QC na kung susumahin ay P800,000 monthly.

Isa ito sa gusto nating paimbestigahan kay General Macerin para malaman niya kung saan dinadala ni Boy ang payola na ito.

Ang problema rito, mahigpit na pinaiiral ang social distancing pero ang mga kubrador ay malayang nakakaikot kung saan-saan para magpataya ng lotteng.

Walang kahirap-hirap ang lotteng operation dahil ang resulta ng labas ay nakabatay lang sa lotto draw result ng PCSO. Isipin nyo, laway lang ang puhunan, nakakakulekta ng P2 million daily mula sa taya ng mga kababayan nating mahihirap.

Nanawagan tayo kay General Danao na ipatigil ang nasabing lotteng dahil bukod sa sinisimot nito ang pera ng mga pobre nating kababayan, malaking banta rin na maging super COVID virus spreader ang mga kubrador na gumagala.

***

Gusto rin nating manawagan sa PCSO na kumilos na rin laban sa mga illegal gambling sa buong bansa dahil nakukumpetensiya nito ang dapat sana’y charity money na kailangan ng ahensiya.

Kailangang may masampulan ang PCSO gaya ng pagpapatigil sa illegal gambling sa Quezon City.

Ang problema sa mga illegal gambling na ito, walang buwis na napapakinabangan ang bayan mula sa kanilang kinikita.

Ang pagiging illegal na operasyon ang nagiging armas naman ng ibang awtoridad para pagkakitaan ang mga gambling lord.

Matindi ang pangangailangan sa pondo ng gobyerno kaya dapat lamang kumilos ang PCSO laban sa mga kumukumpetensiya sa kanilang dapat kitain para sa mga charity works. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV