Home>Editorial>Opinion>P4M monthly mula sa jueteng

P4M monthly mula sa jueteng

LAHAT ng paraan ay ginagawa ng gobyerno para matigil ang jueteng. Nagbukas na ang PCSO ng maraming Small Town Lottery, mayroon pang Peryahan ng Bayan, pero iyong problema sa jueteng na nagsimula noon pang panahon ng martilyong bato ay nagpapatuloy hanggang ngayon.

Hindi naman mahirap hanapin ang sagot kung bakit namamayagpag ang jueteng kahit kaliwa’t kanan na ang mga palaro na pinakikinabangan ng bayan mula sa buwis. Sa STL at Peryahan ng Bayan, may buwis na pumapasok sa gobyerno at may inggreso para sa PCSO na nagagamit naman nila sa mga charity works.

Sa jueteng at mga illegal gambling, ang nakikinabang lamang ay mga tiwali sa PNP at mga tiwali sa lokal na pamahalaan. Sa kanila pumapasok ang intelihensiya sa halip na sa gobyerno.

Kaya nga sa ibang lugar, mas gusto nilang ginagambala ang mga legal na pasugal kaysa sa illegal.

Halimbawa na lamang ay sa isang jueteng operator lang sa Metro Manila, nagbibigay pala ito ng P1 million kada linggo or P4 million bawat buwan para lang huwag galawin ang mga jueteng operation. Isang nagpapakilalng Lawler na labas-pasok sa Kampo Crame ang naghahatid ng weekly intelihensiya. Hindi ko lang alam kung kanino niya ito ibinibigay.

Isang operator pa lang ang pinag-uusapan natin dito. Sa NCR, halos lahat ng city ay may jueteng pa rin, kung 16 cities at 1 municipality ang Metro Manila, kayo na ang magkuwento kung magkano ang bitbit ni Lawrel papasok sa kampo.

Kaya nagtataka tayo kung bakit sa Muntinlupa ay hihunuli ang mga collector ng Peryahan ng Bayan kahit may lisensiya ito sa PCSO at may desisyon pa ang Court of Appeals na nagdedeklara sa legalidad nito.

Iyong nagbubuwis sa gobyerno ang hinuhuli pero iyong jueteng na nagbibigay ng “buwis” sa bad cops ay pinababayaan.

Ngayon, gusto nating manawagan kay PNP Chief, Director General Camilo Cascolan na kung hindi siya busy, tumayo muna siya sa gate ng Kampo Crame para dakpin ang isang alyas Lawler na may bitbit na bayong-bayong na pera linggu-linggo.

Mr. General, huwag ka lang mag-uniporme para hindi magdalawang isip pumasok si Lawler sa kampo. Magpanggap ka lang magtataho na nakapuwesto sa gilid ng kampo para madakip mo yang kolektor na yan. Huwag mo lang kalimutang magtali ng good morning towel sa inyong noo!

Maganda rin siguro, huwag mo muna dakpin si Lawrel pag pasok sa kampo, sundan mo muna kung saang opisina pumapasok si Lawler para talagang masakote mo kung saang opisina ito papasok dala ang P4 million tongpats mula lamang sa isang jueteng operator.

Malapit-lapit nang magretiro si Chief Cascolan, alam ko Nov. 10, kaya dapat makapag-iwan naman siya ng malaking accomplishment bago niya isabit ang kanyang uniporme.

Malay mo, hepe, kapag nagawa mo ito ay mabasa bigla ni President Rodrigo Duterte ang liham na humihiling ng iyong extension pag dumating ang i-56th bday mo next week na mandatory retirement age mo.

Happy bday sa iyo General Cascolan! allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV