Paalam Menggie Cobarrubias

March 29, 2020

Sa dami nang ginawang pelikula ng beteranong aktor na si Menggie Cobarrubias, hindi ko na matandaan kung nakasama siya sa pelikulang pilit kong inaalala hanggang ngayon.

Iniisip kong gumanap siya sa pelikulang Sakada ni Behn Cervantes ngunit kahit anong hanap ko sa Google ay hindi ito lumalabas.

Ngunit pumapasok si Menggie sa isip ko na kasama nga siya sa pelikulang Sakada.

Pumanaw na si Menggie ilang araw pa lang ang nakararaan. Laking gulat ko nang mabasa ko sa isang text na pumanaw na ang beteranong aktor ng tanghalan at pelikula. Umagang-umaga nang mabasa ko ang text. Tinalo siya ng Covid 19 ayon sa balita.

Nalungkot ako ng buong maghapong ‘yon.  Unang –una ay dahil sa tila bigla ang pagyao ni Menggie kundi may ilang pang pangalan ang binanggit na yumao na rin at ilang mga alagad ng sining ang naghihintay ng resulta ng kanilang test kung tinamaan sila ng sakit na Covid 19.

Nakasama ko si Menggie sa musical stageplay ko na Batibot. Siya ang gumanap na Damulag, ang nagsasalitang kalabaw na kaibigan ni Hajji Alejandro na gumanap sa papel na Batibot, ang batang anak ng isang magbubukid.

Napili ng Direktor ng dula na si  Behn Cerventes si Menggie na lumabas na Damulag dahil sa laki at ganda ng kanyang boses. Bukod dito ay tiwala si Behn sa kakayahang umaarte ni Menggie. Hindi madaling gumanap ng isang kalabaw na nagsasalita.

Palabiro si Menggie at dahil sa buo at malaking tinig ay umaabot daw sa buong UP Diliman ang kanyang halakhak at biro. Sa mga rehearsal ng Batibot, tinig niya ang namamayani lalo na kapag naka-break ang cast. Dalawang linya lang ang sasabihin ni Menggie ay natatawa na lahat ang mga kasama niya sa play.

Kahit sa mga pagtitipon kung saan siya naroroon,  hindi maaaring walang matuwa at matawa kapag narinig na siyang nagsasalita at nagbibiro. Biling-bili o bentang-benta ang mga “jokes” ni Menggie sabayan pa ng dumadagundong niyang boses.

Tila mahirap talunin si Menggie kung may timpalak sigawan, biro noon ng isang kaibigan.

Ngunit seryoso si Menggie pagdating sa trabaho. Nagtataka ang ilang nakasama niya kung tahimik na tahimik siya kapag nagpapaliwanag ang direktor o ang manunulat tungkol sa play o pelikula. May oras para sa biruan at may oras din ang pagtutok sa trabaho.

Dahil aral siya sa tanghalan, maraming kumukuha sa kanya sa pelikula dahil sa angkin niyang husay sa pag-arte. Minsang nag-usap kami ay pabiro niyang sinabi na “maraming kumukuha sa akin dahil mura na, magaling pa, “ at sinundan niya ng napakalakas na tawa.

Mahirap makalimutan si Menggie dahil isa siyang propesyunal na aktor.

Mahirap siyang makalimutan dahil marami siyang pinasaya. Pinasaya ng kanyang tila hindi mauubos na mga kuwentong nakatatawa.

Ngunit pagdating din sa kuwentong panlipunan, marami rin siyang kuwentong inilahad at pinaniwalaan lalo na ang pagmamalasakit sa mga kababayan nating mahihirap. Sinabi niya noon na huwag nating kalilimutan ang mga Pilipinong naghihirap at nangangailangan ng tulong natin.

Sa huli ay babasagin ni Menggie ang kaseryosohan ng usapan ng isang nakatatawang kuwento at papailanlang muli ang kanyang buo at malakas na tinig ng pagtawa.

Paalam Menggie. (bangonkalikasan@yahoo.com)