Home>Editorial>Opinion>Paano at alin ang “bumubuti?”

Paano at alin ang “bumubuti?”

BUMUBUTI” na raw ang paghawak ng Department of Health (DOH) sa problema ng bansa sa pandemya ng COVID-19, ayon kay Secretary Francisco Duque, sa kanyang ulat kay Pangulong Digong noong Lunes.
At ito ay batay sa sandamakmak na datos na ibinigay ni Secretary Duque sa mahal na pangulo na kesyo mas maliit na bilang na lamang umano ng mga aktibong kaso meron sa bansa kumpara sa mga bansang kanyang pinili, gaya ng Malaysia, Indonesia at Singapore.

Dahil hindi na “lumolobo” ang bagong bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, hindi ibig sabihin nito ay mabuti na ang nagiging paghawak ng DOH sa sitwasyon.

Kung titingnan kasing mabuti, wala namang nagbago sa polisiya o sistema ng DOH para dito.

Bagamat padating na ang inaasahang bakuna para sa COVID-19, ay muling nagkakaroon ng bagong variant nito sa ibang mga bansa gaya ng sa Europa at Africa.

Ang mga bagong variant na ito ay sinasabing mas nakakahawa ayon sa mga eksperto. Katunayan, bumalik sa lockdown ang ibang mga bansa doon gaya ng the Netherlands.

Kung sa orihinal na COVID-19 ay hirap na ang DOH, paano pa ang bagong variant kapag pumasok sa bansa?

At narito na nga ang bagong variant at sana syempre huwag na itong kumalat pa. Pero kung nagkataon, anong plano ba ang nakahanda na ginawa o ginagawa ng DOH para dito?

Sa totoo lamang, sa tinagal-tagal ng lockdown na ating naranasan, hindi nakakabilib ang naging trabaho ng DOH sa pagtugon dito.

Dahilan kung bakit lumobo ang bilang ng mga nagkaroon nito. Maging ang mga ospital ay kailangan pang magsara upang makapagpahinga ang health workers na walang naging pahinga sa pagtugon nila sa pandemya.

Tila nasanay na lamang ang mga Pilipino na nariyan ang COVID-19.

Nagkasya sa paglalagay ng face mask, face shield at paggamit ng alcohol.

Dahil nga kasi hindi naging epektibo ang DOH mula sa contact tracing nito hanggang sa pagbibilang mismo kung ilan talaga ang mga may COVID-19.

Malaki ang ating paniniwala na maraming bilang ng mga Pilipino ang naging asymptomatic at gumaling na lamang na hindi nagpapa-test. Dahil unang-una, hindi nagkaroon ng mass testing lalo na sa mga naging unang tala pa lamang sana noon ng mga kaso ng COVID-19.

Kaya naman ang tanong ulit natin, paano at alin ang bumubuti sa ginagawa ng DOH?

Kung sakaling biglang lomobo ulit ang bilang ng mga may covid gawa ng bagong variant, ano ang plano ng DOH?

Yung “plano,” mga kabayan, noong nakaraang taon pa natin hinahanap.

Hindi pwedeng magkukumpara lamang tayo ng numero sa katabi nating mga bansa para masabi nating bumubuti ang ating sitwasyon; kung ikukumpara natin ang ating nagiging pagtugon ikumpara natin ito sa mga bansang naging mabuti ang pagtugon sa pandemya gaya ng Vietnam at China.

Hindi natin sinasabing sinungaling si Secretary Duque, pero mukhang iba ang kaniyang pagtingin sa nagiging pagtugon ng DOH sa pandemyang ito.

Tandaan natin na ang kapalpakan ng DOH ay nagiging kapalpakan ng administrasyon. Sa totoo lang, sayang ang tiwalang ibinibigay ni Pangulong Duterte kay Duque, pramis!

Publication Source :    People's Tonight