Paano kapag bumagsak ang koleksiyon ng Bureau of Customs?

November 14, 2018

MAGANDA ang intensyon ni Pangulong Rody Duterte sa pagtatalaga ng mga sundalo sa Bureau of Customs.

Ang “bold move” ni Duterte ay naglalayong wakasan ang “anarchy” sa ahensya.

Pero paano ang mga collection district sa mga probinsya?

Hindi kaya sa mga probinsya na mag-operate ang mga ismagler at iba pang mandaraya sa Aduana?

O ‘di kaya hindi na lang idadaan sa BoC ang mga undervalued o misdeclared na kargamento?

Malamang na “outright smuggling” na lang ang gawin ng mga magpapalusot ng mga kontrabando.

Mas “risky” pero wala na silang lalagyang tauhan ng BoC.

Dahil sa laki ng kita sa ismagling, siguradong mag-iisip ng paraan ang mga ismagler  para tuloy ang iligal nilang negosyo.

Ipinaliwanag din ni Pangulong Duterte ang pagtatalaga niya ng mga sundalo sa ahensya.

Ayon sa Chief Executive mula Davao City, “no soldier would be appointed or designated to any post in the BoC.”

Dagdag niya: “Ano bang alam ng  sundalo ng ledger pati journal? They are there to keep peace because customs is an anarchy.”

Ang mahirap lang, maraming importer ngayon ang “wait and see” para malaman ang mga polisiya ng bagong pamunuan ng BoC.

Marami nga ang nagtatanong, paano kaya kapag bumagsak ang koleksiyon ng ahensiya ngayong Nobyembre at Disyembre?

Baka naman mag-isip ng ibang paraan si Pangulong Duterte para ma-address ang mga problema sa Aduana.

Sensitive naman siya sa public opinion.

Tama ba kami, Presidential Spokesman Sal Panelo?

* * *

Hindi naniniwala si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na may kinalaman si dating BoC Chief Isidro Lapeña sa ismagling ng droga gamit ang mga magnetic lifter.

Sa lingguhang ugnayan sa Batasan Media Forum, sinabi ni Barbers na ito’y personal  niyang opinyon.

Sinabi niyang hindi siya nagsasalita bilang hepe ng House committee on illegal drugs.

“Ako personally...wala akong nakikitang (may) kinalaman si Commissioner Lapeña diyan sa pagpapalusot  ng mga shipment o illegal na shipment o kargamentong yan,” dagdag niya.

Inilipat ni Duterte sa TESDA si Lapeña dahil sa magnetic lifter isyu.

Nakalusot sa Aduana ang mga lifter na naglalaman daw ng shabu.

Bilang isang “good soldier” at “team player,” tinanggap ni Lapeña ang puwesto sa TESDA nang walang angal.

Matatandaan na bago maupo sa BoC, nauna munang naging hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency si Lapeña.

Sa pahayag ni Barbers, natuwa ang mga supporter ni Lapeña, na taga-Urdaneta City sa Pangasinan.

Ito’y patunay lamang na biktima si Lapeña ng mga taong galit sa kanya, lalo na ang mga ismagler at tinamaan ng paglilinis ni Lapeña sa mga pantalan.

* * *

Habang papalapit ang  Christmas Season, dapat paigtingin pa ang pagche-checkpoint sa mga lansangan.

Hindi dapat makalusot ang mga nakamamatay na paputok at pailaw.

Matindi ang perhuwisyong dulot ng mga paputok at pailaw na ito.

Puwedeng makamatay, makasugat at maglikha ng sunog ang mga depektibong paputok at pyrotechnic devices.

Bantayan din ng pamunuan ng Philippine National Police ang kanilang mga tauhan.

Noong mga nakaraang taon ay may mga pulis daw na nagbebenta ng mga paputok at pailaw na kinumpiska nila.

Naniniwala tayo na may political will si PNP chief Director-General Oscar Albayalde para arestuhin ang mga tiwaling pulis na ito.

Alam ni Albayalde na kailangang simulan niya sa kanyang bakuran ang paglilinis.

Ang mga iligal na gawain ng iilang bugok na pulis ay makadudungis sa imahe ng PNP.

Nakaugalian na ng mga Filipino na salubungin ang Bagong Taon ng pagpapaputok ng mga rebentador at pagsindi ng mga pailaw.

Pero dapat sumunod tayo sa batas  at regulasyon para maiwasan natin na magkaroon ng trahedya.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)