Pabagu-bagong klima pa rin

March 03, 2019

Marami nang pananim sa mga bukirin at taniman ang naninilaw. Makikita agad ang pagkalanta ng mga dahon ng mga tanim pagkain man o ornamental. Kalagitnaan pa lang ng Pebrero ay pumasok na ang init mula umaga hanggang ikatlo ng hapon.

‘Ika nga’y pasingit-singit o nagsisingitan ang init at ang lamig ng Amihan na hanggang ngayon ay narito pa. Ang lamig  ay sa madaling araw “sumasalakay.”

Ang resulta, marami na naman ang nagkakasakit ngayon ng trangkaso, ubo at sipon bukod sa palagiang dengue at ang malalang krisis sa tigdas.

Kawawa ang mga magsasakang natuyuan ng mga tanim ngayon na maagang tinamaan ng tagtuyot, tag-init.

Taon-taon ay tumataas ang level ng pag-init dahil sa global warming. Ngayong taon, sinabi ng isang meteorologist, higit na magiging matindi ang init ng ating klima.

Kawawang magsasaka, tinamaan na ng boldyak ng Rice Tarrification Law, tatamaan pa ng higit na matinding init sa taong ito.

Kahit ang mumunti kong pananim na sili, kalamansi, papaya at iba pa ay mabilis manilaw ang mga dahon kaya kailangang magdilig nang dalawang ulit sa isang araw. Natural na rasyon ang tubig upang hindi ito masayang.

Ang kapitbahay ko tinakpan na ng telang bubong ang kanyang dayap at kalamansi. Araw-araw din siyang nagdidilig. Lahat halos ng mga kapitbahay ko na may mga tanim ay palagian na ang pagdidilig.

Sa madaling araw naman ay kailangan pa ring magkumot dahil “sumasalakay” ang lamig ng panahon. Sa gabi ay mainit na nakababalam naman ng pagtulog.

Ag nakaaawa ay ang mga sanggol na sa tuwing maiinitan ay magigising at iiyak. Gayundin naman ang mga matatanda. Ngunit nagagawan ng dahilan sa sarili ng matatanda ang nangyayaring climate change o pabago-bagong klima ngunit ang mga sanggol ay hindi.

Isang kaibigan kong magsasaka ang dumaing kailan lang na napakahirap na ngayon na maging magbubukid. Lagi silang biktima ng anumang masamang panahon. Maganda ang panahon, biglang magkakaroon ng habagat at lanos ang kanyang tanim na palay. Dumapa ‘ika niya ang mga tanim. Ngayon ay kailangang lagi ring diligan ang marami niyang tanim kasama ang palay.

Habang dumadaing ng tagtuyot ang mga magbubukid sa kapatagan , andap (frost) naman ang dinaranas ng mga taga-Benguet. Malamig na klima ang bumibiktima sa kanila. Nasisira rin ang kanilang pananim. Tinamaan na talaga maging ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kalusugan at kabuhayan ng mga Pilipino ang pangunahing biktima ng global warming at climate change.

Kailangan talagang seryosong bigyan na ng pansin ang global warming at climate change. Maraming nilalabag na environmental laws sa ating bayan na nagpapalala ng pag-init ng mundo na nagdudulot ng pabago-bagong klima.

Kasama ang mga sakit sa paglala ng global warming at climate change. Sinasabi ngang hindi ka Pilipino kung wala kang sipon o allergy. Napakarumi ng ating kapaligiran bukod pa mainit, malamig na panahon.Ang hirap ng huminga sa Metro Manila at mga kalapit lalawigan. Kahit nga ang mga malalayong lalawigan sa Visayas at Mindanao ay nagdurusa na sa usok-lason polusyon.

Kailangang lahat tayo ay kumilos na nang mapabagal ang pinsala ng painit-na painit na mundo at pabago-bagong klima. (bangonkalikasan@yahoo.com)