Paboritong anak vs paboritong utusan

MARAMI akong kahinaan. Isa na siguro doon ang ang aking nanay.

Hindi naman ako sutil na anak. Wala pa akong problemang naiuwi sa aming tahanan magmula sa pagkabata.

Paborito ng aking nanay ang aming bunso na si Noel. Ako, bilang pangalawa sa limang magkakapatid, ang paborito naman ng nanay kong utusan.

May karinderya kami malapit sa terminal ng bus sa Novaliches noong mga dekada 70. Ako iyong palaging kasama ng nanay ko na mamalengke sa Balintawak tapos ako rin iyong madalas tumutulong sa paghihiwa ng mga rekado.

Habang tulog pa ang aming bunso at mga katulad niyang bata, alas tres ng madaling araw, gigisingin ako ni nanay para mamalengke. Araw-araw iyon. Kaya  maaga akong natutong magluto at ng mga gawaing bahay.

Umikot ang panahon, naiba ang linya ng aming kabuhayan. Si nanay naman ang namahala sa isang sash factory.

Sa sash factory na iyon, ako na rin ang isinama sa pagbili ng mga kahoy kung saan-saan hanggang kalaunan, wala na akong kasama. Ako na lang mag-isa ang namimili ng mga kahoy para sa gagawing mga pinto, bintana at iba pang wood products.

Ako na rin ang nag-aakyat at nagbaba ng mga display products kaya siguro bato-bato ako noong aking kabataan.
Pati pag-arkila ng jeep na gagamitin sa delivery ng mga finished products at pagbili ng raw materials, ako na rin ang gumagawa. High school na ako noong mga panahong iyon.

Hindi ko namalayan ang naging takbo ng panahon dahil maraming pinagagawa sa akin ang nanay ko. Batak talaga ako sa trabaho noong kahit noong bata pa.

Tsaka ko na lang namalayan na iyon palang bata na paboritong utusan ng nanay ay kalaunan ay naging mas malawak ang kaalaman sa buhay.

Pinanday pala ako ng aking nanay sa maraming trabaho. Hindi ko man lang naisip na kahit ang aming bunso ang paboritong anak, ako naman pala ang paboritong sanayin.

Parang si lolo na naghati ng burger sa kaharap na si Gina pero sa paboritong apo pala niya na si Karen nakalaan ang pagkain.

Pumanaw na ang aking ina may ilang taon na ang nakalilipas. Hindi pa ako lumuha nang matagal, hindi pa ako nasaktan nang husto sa maraming nangyari sa aking buhay maliban sa pagpanaw ng aking ina.
Hindi rin ako perpektong anak katulad din ng pagiging hindi perpekto ng aking ina. Pero sasagi rin sa isip mo ang matinding sakripisyo ng mga ina sa maraming aspeto ng buhay.

Ang konsolasyon lamang ng aking ina, hindi naging pasaway ang kanyang anak magmula sa pagkabata hanggang sa umabot sa adult age.

Hanggang ngayon, nakakaramdam pa rin ako ng sakit sa tuwing maiisip kong wala na pala ang aking nanay. Naiisip ko rin ang aking mga pagkukulang  sa kanya dahil sa pagiging abala sa trabaho at sa maraming bagay.

Sabi nga, wala ka nang babalikan kaya habang may pagkakataon tayo, mahalin natin ang ating mga ina dahil sila lamang ang sigurado sa mundong ito, wala nang iba pa.

Happy Mother’s Day po sa mga nanay!
allanpunglo@gmail.com