Paboritong bidder sa multi-million tax stamps

October 30, 2019

MUKHANG  dog with the same collar ang nagiging taktika ng bidder sa P450 million tax stamps ng APO Production Unit at ng Bureau of Internal Revenue.

Noong nakaraang Aquino administration, ang ka-joint venture sa tax stamp contract ng Internal Revenue Stamps Integrated System o IRSIS ay ang CAI- STA Philippines, at PHILCOX.

Sa panibagong bidding ngayong taon, ang kasosyo naman ng IRSIS ay Mara Linux Business Solution.

Ang nangyayari, sila-sila rin ang nakakakuha ng kontrata dahil balitang-balita sa bakuran ng APO at ng BIR na ang IRSIS na naman paborito nilang manalo sa bidding kahit marami itong violations at kulang sa mga isinumiteng dokumento.

Aabot sa P1.8 billion para sa limang taon ang kontrata ng sinomang mananalo sa bidding ngayon para sa tax stamps, ito iyong selyo na inilalagay sa mga kaha ng sigarilyo.

Huwag nating kalilimutan na panahon ng kontrata ng IRSIS nang mabunyag ang paggamit ng mga pekeng tax  stamp ng Mighty cigarettes kaya nga pinagbayad ito ni Pangulong Duterte ng mahigit P40 bilyon.

Ang tanong, paanong nakapag-imprenta ng mga pekeng tax stamps ng sigarilyo ang sindikato kung may legal namang kakontrata ang gobyerno?

Nangyari na nga ang pagkalat ng fake tax stamps sa panahong buhay ang kontrata ng IRSIS, bakit sila pa rin ang mukhang pinapaboran sa nangyaring bidding? Hindi natin sinasabing may kinalaman ang IRSIS sa mga kumalat na fake tax stamps noon pero bilang contractor ng gobyerno, dapat kasama sila sa nag-safeguard para hindi ito magawa ng sindikato.

Isipin nating mabuti, ang ceiling price ng BIR at APO ay 10 cents tapos ang bid price ng IRSIS ay 2 cents, paano mangyayari na ganito kababa ang presyo? Ito ang sinasabi ni Presidente Duterte na hindi dapat tingnan sa pababaan ang bidding dahil sa madalas na pagkakataon, nagiging disadvantage masyado pa ito para sa gobyerno dahil sa kuwestiyunableng kalidad.

Ano kaya ang paliwanag dito nila BIR Commissioner Cesar Dulay at APO Production Unit chief operating officer Michael Dalumpines?
allanpunglo@gmail.com