PACC at NPC, “sanib-puwersa” laban sa katiwalian

September 06, 2019

MULING naging matagumpay ang ‘Meet the Press – Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) kahapon, isang ‘weekly regular media forum’ na itinataguyod ng NPC tuwing Biyernes sa tulong ng PAGCOR, DENR at Smart Communications Philippines.

Muli, salamat sa ating mga panauhin sa pangunguna ng ating maganda at magaling na “kapatid” sa pamamahayag, Cong. Niña Taduran, Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner, Atty. Manny Luna at, Mr. James Amparo, presidente ng ‘Yovel East,’ isang kumpanyang may malaking interes sa pagtulong sa ating sektor ng agrikultura.

Sa panig ni Cong. Niña, natutuwa tayo na ang kanyang unang panukalang batas, HB 2476, ay tumutugon sa kapakanan ng sektor ng media o ang ‘Media Workers’ Welfare Bill.’

Magpapatawag na ng mga ‘committee hearings’ para dito ang Kongreso at ang atin namang panawagan sa lahat ng grupo sa media, partikular sa mga ‘media organizations’ na “kumikilala” sa NPC bilang kanilang “lider” sa pambansang antas (national level), na suportahan ang HB 2476 at ang posisyon dito ng NPC.

Alam natin na puwedeng maging “madugo” ang proseso ng “paglusot” ng panukalang ito sa Kongreso subalit, kung may pagkakaisa ang ating sektor at sa ilalim na maayos na “pagtitimon” dito ng ACT-CIS Partylist, wala namang “imposible,” hindi ba, mga kabayan?

Abangan.

***

Nagkaroon na pala ng pulong sa pagitan ni Department of Agriculture (DA) secretary, William Dollente Dar at ang kumpanyang ‘Yovel East’ kung saan nagpahayag ang huli ng kahandaan na ‘mag-invest’ ng mula US$100 milyon hanggang US$500 milyon sa ating sektor ng agrikultura.

Harinawang matuloy ang binabalangkas na programa ng ating agriculture department at ng grupo nitong si Amparo dahil alam naman natin na nahaharap (na naman) sa krisis ang ating mga magsasaka dahil sa negatibong epekto ng ‘Rice Tariffication Law’ kung saan “bumabaha” sa merkado ang ‘imported rice’ samantalang bumagsak na lang sa higit P7/kilo ang presyo ng palay.

Bagaman, napakalaki pa rin ng potensiyal ng ating agrikultura na ang isang malaking “depekto” ay ang pagiging “primitibo” pa rin ng ating mga pamamaraan sa pagsasaka, bukod pa nga sa kakulangan ng seryosong atensyon ng pamahalaan upang masolusyunan ang mga problema nito— noon at ngayon.

‘Andyan pa rin siyempre ang isyu ng pulitika (impluwensiya ng mga malalaking panginoong maylupa na siya ring nasa poder ng gobyerno) at ang katumbas nito, ang impluwensiya ng “panis” na “idelohiya” na “inilalako” ng mga komunista sa hanay ng ating mga magsasaka.

Ayon pa kay Amparo, mayroon na silang ‘holistic solution’ sa kumplikadong mga problema ng ating agrikultura para matulungan ang ating mga magsasaka at muling ibalik ang ating agrikultura bilang mahalagang tagapag-ambag sa ating ekonomiya.

Abangan natin ang mga susunod na kabanata, dear readers!

***

Sa tatlong pagdinig ngayong linggo ng Senado sa bagong eskandalong kinasangkutan ni ex-BoC commissioner at ngayon ay ex-Bureau of Corrections director, Nicanor Faeldon, isa sa “nakabantay” ay ang Presidential Anti-Corruption Commission, sa pangunguna— mismo— ni PACC chairman Dante Jimenez at commissioner Manuelito ‘Manny’ Luna.

Dangan nga kasi, malinaw ang “mandato” ng PACC— imbestigahan ang ano mang alingasngas ng katiwalian at pang-aabuso sa tungkulin ng mga nasa Ehekutibo, partikular na ang mga nasa matataas na posisyon bilang mga ‘presidential appointee,’ katulad ni Faeldon at ilan pang matataas na opisyal ng Bucor.

Translation? Kung iniisip ng grupo nitong si Mang Kan, err, ex-DG Nick, na “lusot” na siya at ang kanyang grupo sa Bucor sa “pangil,” err, “pagbusisi” ng PACC, nagkakamali sila. Your “ordeals” are just beginning, aguy, aguy, aguy!

‘Similarly,’ wika nga, kung inaakala rin ng mga LGUs— mga mayor at mga gubernador— na “hindi” rin sila “sakop” ng kapangyarihan ng PACC, aba’y nagkakamali rin kayo, mga Bosing.

Aber, kahapon nga ay ibinisto pa ni Comm. Luna na aabot sa 10 opisyales sa Kabisayaan na “humawak” ng bilyones na pondo para sa “rehabilitasyon” ng kani-kanilang mga lugar matapos ang pananalanta ng bagyong “Yolanda” noong 2013 ay tahimik na “binabalatan,” err, “iniimbestigahan” na ngayon ng PACC!

Alam natin na ‘in due time,’ wika nga, mabubulgar din ang pangalan ng mga tulisan, agh, local officials, na ito na mga walang konsensiya sa pagbubulsa ng pondo para makatulong sa “pagbangon” ng kanilang mga kababayan na dumanas ng matinding trahedya.

Sa ganang atin, personal kong naramdaman kahapon ang sinseridad ni Comm. Luna na tuparin ang utos ni PDU30 sa PACC na hubaran at parusahan ang mga korap sa kanyang administrasyon.

At ang paglaban sa salot na ito sa mabuting pamamahala (the scourge of good governance), ay alam natin na hindi kayang ipagtagumpay nang mag-isa ng PACC. Ang kailangan dito ay pagtutulungan.

Kaya nga, sa aming naging pag-uusap kahapon, and with due respect to our president, Lakay Gonzalo, who was still in Mindanao yesterday on official business, “tinanggap” natin ang “panukala” ni Comm. Luna na “magtulungan” ang PACC at ang media, sa pamamagitan ng NPC, sa paglaban sa katiwalian sa pamahalaan.

Translation? Magkakaroon ng kasunduan ang PACC at NPC sa paglaban sa katiwalian.

Abangan!