Home>Editorial>Opinion>Pacquiao laban sa Asian hate

Pacquiao laban sa Asian hate

NAKAKAGULAT ang mga nangyayaring karahasan laban sa Asian American community sa gitna ng dinaranas na pandemya sa buong mundo.

Anumang uri ng karahasan ay sadyang hindi katanggap-tanggp kahit kanino lalo pa’t diskriminasyon ang ugat.

Kaya naman sa gitna ng mga insidenteng ito, hinahamon ng eight-division boxing champion at Senador Manny Pacquiao ang mga sangkot sa karahasan laban sa Asian American community na siya ang labanan.

Sa pamamagitan ng social media, nanawagan ang 42-anyos na People’s Champ na tuldukan na ang anti-Asian hate at racism.

Makikita sa kanyang post sa social media ang kanyang larawan kasama ang collage ng mga hate crime victims at suspects.

Itrinanslate ang mga kataga sa post sa Tagalog, Chinese at Korean, na nagsasaad ng “Stop attacking Asians who can’t defend themselves! Fight me instead.

We have one color in our Blood! Stop discriminating. LOVE AND PEACE TO EVERYONE!!” pahayag pa ni Pacquiao sa kanyang tweet.

Sa datos, kasama sa mga biktima ang Pinay na si Jessica Dimalanta, 19 anyos na binaril sa kanyang kanang mata; ang Pinoy na si Noel Quintana, 61-anyos na tinaga sa kanyang pisngi sa New York subway; at isa pang Pinoy na si Danny Yuchang, 59-anyos na travel agent na sinuntok sa kanyang lunch break sa San Francisco.

Nakalagay din sa post ang larawan ng suspek na si Brandon Elliot na umatake naman sa Pinay na si Vilma Kari, habang patungo sa simbahan sa New York.

Si Elliot, na isang parolee ay una nang na-convict sa pagpatay sa kanyang ina at inaresto nang lumabas ang video ng brutal attack.

Kasama rin sa collage ang larawan ni Xiao Zhen Xie, isang 75-anyos na ginang na sinuntok sa San Francisco subalit gumanti nang makakuha ng kahoy.

Plano rin ni Xiao na magdonate ng $1 million mula sa kanyang organisasyon laban sa mga karahasan.

Batay sa ulat ng Stop AAPI Hate, isang national coalition na nagbabantay sa anti-Asian American discrimination, mula March 19, 2020 hanggang February 28, 2021, nasa 3,795 firsthand incidents ng racism at discrimination mula sa 50 estado at District of Columbia ang kanilang naitala.

Sa naturang numero, nasa 503 incidents ang nangyari sa unang dalawang buwan ng 2021.

Kung ang lahat ng popular na taong tulad ay Pacquiao ay mangunguna sa paglaban sa mga ganitong karahasan, tiyak tayong malulunasan ito.

Kaya naman, ating ikinatutuwa ang matapang na hamon na ito ng Pambansang Kamao at umaasa tayong marami pa ang susunod sa kanyang hakbangin.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large