Pag-ikot sa mga apektado ng Bulkang Taal

January 20, 2020

IBA rin pala iyong nababasa mo lang, iba rin pala ang napapanood mo lang sa social media o sa mga telebisyon o naririnig sa radyo.

Akala ko may tulo ang bubong ng aking sasakyan. Luha ko na pala iyon. Hindi ko alam kung bakit habang nagmamaneho ako ay tumutulo ang aking luha.  Tahimik, malalim na buntong hininga sa bawat sulyap sa magkabilang panig na mga saradong negosyo at mga namatay na halamanan.

Nagtungo ako sa Tagaytay City, January 18, 2020,  alas siyete ng umaga.  At dumeretso ako sa Tanauan, Batangas. Dumaan ako sa tinatawag na ground zero sa Talisay na nasa mismong paanan ng bulkan.

Matapos kong lakbayin ang matarik at zigzag road na patungo sa Ligaya drive, hindi ako nakapasok sa Tanauan na gamit ang shortcut na niyon. Fully lockdown na pala ang lugar kaya may mga nakaharang na mga pulis at mga sundalo.

Kung nakadaan ako, doon, in 15 minutes, nasa Tanauan na ako dahil sa Tagaytay City na ako galing. Kinailangan kong umikot ulit ng Tagaytay-Calamba Road at makipagbuno sa traffic ng Sta. Rosa, SLEX hanggang makarating sa Star Tollway. Naging 1 hour and 20 minutes ang biyahe. Pero ano ba naman ang hirap na iyon kumpara sa mga dinaranas ng ating mga kababayang apektado ng pagsabog ng bulkan.

Sa mga nadaanan kong lugar gaya ng Talisay, Sta. Rosa (pagka-exit ng Calax); hindi mo na kakayanin pang ngumiti man lang sa sitwasyon na iyong makikita.

Walang pusong bato ang kakayaning tumingin sa ganitong sitwasyon na hindi maapektuhan. Isang lugar na repleksiyon ng masiglang kabuhayan, maayos na pamayanan, malamig na klima at payapang komunidad—sa isang iglap, isa nang ghost territory.

Parang karayum na tumutusok sa aking puso ang bawat  himig ng koro sa Lourdes Church. Dito ako karaniwan nagsisimba sa  tuwing ako’y nasa Tagaytay. Mga awitin ng simbahang mistulang ipinaalala sa akin na ako’y nagmula sa alabok at sa alabok din ako’y babalik.

Damang-dama ko ang sakit ng damdamin ng bawat isang nasa simbahan. Tahimik subalit parang naririnig mo ang bawat bulong ng panalangin na sinusundan ng paghikbi ng kalungkutan.

Huwag lang tayong mapagod sa pagdarasal para sa kaligtasan at mabilis na pagbangon ng ating mga kababayang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.

Katulad ng Pampanga at ng buong Central Luzon na nilupig ng  pagsabog ng Mt. Pinatubo, ang Batangas at Cavite ay babangon din na may panibagong lakas at sigla.

Kilala tayong matibay sa kahit anong unos. Laban lang kaibigan.
allanpunglo@gmail.com