Home>Editorial>Opinion>Paging Mayor Inday Sara, may mga rumaraket sa HNP!

Paging Mayor Inday Sara, may mga rumaraket sa HNP!

GUSTO ko ulit na makita kung paano mag-left hook, right hook at upper cut si Davao City Mayor Sara Duterte.

Palagay ko ay may tatamaan sa ilang nagpapakilalang miyembro ng Hugpong Ng Pagbabago o HNP kapag nakarating kay Mayor Inday ang ginagawa nila.

Ayon sa impormasyon sa atin, agresibo ang mga nagpapakilalang HNP members sa pagre-recruit ng kanilang mga makakasama sa 2022 elections. Sa ngayon, wala pa namang desisyon kung tatakbo si Mayor Inday bilang Pangulo sa 2022 kaya hindi malinaw kung sino ang nagpapalawak ng HNP membership sa buong bansa.

Hindi man natin kakilalang personal si Mayor Sara, sigurado ako na hindi ito papayag na magamit ang HNP sa anumang kalokohan dahil masyadong mataas ang kanyang integridad, hindi lang bilang anak ni Pangulong Duterte bagkus ay bilang tao.

Sobrang higpit din nito sa korapsiyon sa kanilang lungsod kaya nga walang makapormang magnanakaw sa Davao City Hall. Kaya siguro sa malalayong lugar nagkakalat ang mga nagpapakilalang HNP members.

Batay sa impormasyon, kasabay ng recruitment, pinapangakuan ang mga gustong sumapi sa HNP na personal silang ihaharap kay Mayor Inday at sa kanya mismong pasusumpain.

Okey na sana iyong ganoong panghihikayat pero sinabi ng ating source na hiningian sila ng pera. At hindi basta pera ang pinag-uusapan dito, milyones!

Umaabot sa P3.5M ang asking price na discounted rate pa raw! Dapat talaga P5 million pero dahil hindi umano katalo kaya may diskuwento. Partida pa pala iyon!

Nanawagan tayo kay Mayor Inday na pulungon ang lahat ng miyembro ng HNP sa isang masikip na kuwarto habang nakasuot siya ng boxing gloves. Alamin niya kung sinu-sino ang mga nag-iikot kung saan-saang probinsiya para malaman kung organic or impostor lamang ang mga ito.

Hindi rin malayo ang posibilidad na ginagamit lamang ng kung sinu-sino ang pangalan ng HNP para mabigyan ng maayos ng pagtrato kapag dumating sa kanilang mga lokalidad.

Mayor Inday, gawin kong punching bag ang pagmumukha ng mga sangkot dyan kung talagang HNP members dahil ginagamit nila ang iyong pangalan para pagkakitaan.

Kung impostor naman, dapat maialarma na sa PNP at mga local officials para sila na mismo ang dumakip sa mga ito!

Tindi nyo!. allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV