Home>Editorial>Opinion>Paglabag sa social distancing talamak sa Obrero Market

Paglabag sa social distancing talamak sa Obrero Market

SUMIKIP na ng tuluyan ang mundo ng mga manininda sa kahabaan ng Antipolo Street sa likod ng Obrero Market sa Sta Cruz, lungsod ng Maynila, dahil sa proyektong gagawin ng pamahalaan na magpapaluwag ng daloy ng trapiko mula sa North Luzon Expressway (NLEX) papasok ng Maynila.

Noon pang kasing huling bahagi ng 2018 binalangkas ang naturang proyekto na aprobado ng National Economic and Development Authority (NEDA) at kung hindi lang sana nagkaroon ng pandemyang dulot ng COVID-19, mapapakinabangan na sana sa susunod na taon ang naturang proyekto.

Kung tutuusin, maganda talaga ang mga ganitong uri ng proyekto ng Duterte Administration sa ilalim ng Build, Build, Build Program dahil isa itong paraan, hindi lamang upang matugunan ang lumalalang problema sa daloy ng trapiko, kundi sasalamin din ito sa unti-unting pag-unlad ng ekonomiya at kabuhayan ng bansa.

Pero ang masaklap na pangyayari, posible pa ngayong magdulot ng masamang epekto ang naturang proyekto sa kalusugan, hindi lamang sa mga vendors, kundi higit sa lahat ay sa mga mamimili dahil nagsiksikan na sila ngayon sa bangketa ng Antipolo Street at sa mga lansangan ng P. Guevarra, Felix Huertas at Oroquieta kaya’t hindi na nasusunod ang social at physical distancing.

Isipin na lamang na lahat ng mga vendors na umookupa sa lansangan ng Antipolo Street ay pinagkasya sa mga bangketa at lansangan sa paligid na lugar na dati na rin namang inookupa ng maraming vendors, aba’y tiyak na dikit-dikit ang mangyayari para lamang sila mapagbigyang makapag-hanapbuhay.

Panawagan na lamang ng On The Beat kay Blumentritt Police Detachment commander P/Maj. Rocky Desear at sa mga opisyal ng barangay sa lugar na sana’y pagtulungan nilang ayusin ang bawa’t puwesto ng mga manininda upang masunod ang physical at social distancing dahil kapag hinayaan nila ng tuluyan ang pagsisiksikan ng mga mamimili at pagkakadikit-dikit ng mga manininda, malamang na lumobong muli ang kaso ng COVID-19 sa Maynila.

Kung tutuusin, alerto naman talaga ang mga pulis sa pagsasa-ayos ng mga vendors sa pangunahing lansangan ng Blumentritt at pagtaboy sa mga pumaparadang sasakyan, pero mukhang pinabayaan nila ang mga secondary road tulad nga ng P. Guevarra. F. Huertas at Oroquieta kaya’t labo-labo ang nangyayari sa mga naturang lansangan.

Hindi naman siguro mahirap isipin kung bakit hinahayaan ng barangay at pulis ang pagsisiksikan at pagkakadikit-dikit ng mga manininda pero kapag nakarating ito sa kaalaman nina Mayor Isko Moreno o nina Manila Police District (MPD) Station 3 chief P/Lt. Col. John Guiagi, lalu na kay MPD Director P/Brig. Gen. Rolando Miranda, aba’y baka me paglagyan ang mga opisyal na nagpapabaya sa kanilang tungkulin.

Hindi naman siguro kailangan pang iparating ang problema kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Maj. Gen. Debold Sinas dahil kilala namang “action man” si Gen. Miranda lalu na kapag ang posibleng hawahan na dulot ng sakit na COVID-19 na ang pag-uusapan.

Navotas LGU AT ARTA, sanib puwersa

Tuluyan ng matutuldukan ang maliligayang araw ng mga fixers at tiwaling kawani sa pamahalaang lungsod ng Navotas na nagsasamantala sa mga negosyante at ordinaryong mamamayan na may transaksiyon sa city hall.

Ito’y dahil sa nabuong kasunduan sa pagitan nina Mayor Toby Tiangco at Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director General Jeremiaha Belgica na naglalayong magtulungan sa paglikha ng pamamaraan upang itaguyod ang magaan at madaling pamamaraan ng pagnenegosyo sa lungsod na nakabatay sa ipinasang batas sa ilalim ng R.A. No. 11302 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.

Sa simula pa lamang ng panunugkulan sa gobyerno ni Mayor Toby Tiangco, itinulak na niya ang epektibo at mahusay na pagkakaloob ng magandang serbisyo kaya’t nang maupo siya bilang alkalde noon ng lungsod, pinalagyan niya ng CCTV camera ang lahat ng tanggapan, ipinatupad ang panuntunang “no lunch break policy” at iniutos ang mabilis na pagkakaloob ng business permit na makukuha sa loob ng tatlong araw.

Sa ilalim ng kasunduan, pabibilisin ng lokal na pamahalaan ang proseso ng pagkakaloob ng permit, lisensiya at iba pang serbisyo sa lahat ng 18 barangay at palalakasin ang binuong Business One-Stop-Shop o BOSS at gagawin itong electronic o E-BOSS kung saan madaling ma-access ang electronic services at digital applications para sa publiko.

Bubuo rin ang lokal na pamahalaan ng Committee on Anti-Red Tape o CART upang makasunod sa probisyon ng R.A. 11302 at sila na rin ang tutugon sa mga reklamo at gagawa ng hakbang upang matugunan ito.

Sa kabilang banda, magkakaloob nama ang ARTA ng seminars, workshops, trainings at pagtuturo sa mga opisyal at kanawi ng lokal na pamahalaan, kabilang na rito ang mula sa 18 barangays upang makaagapay sila sa mga pamamaraan ng pagkakaloob ng maayos na serbisyo.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363

Publication Source :    People's Tonight