Paglinisin ng hospital at punerarya ang mga pasaway!

HABANG tumataas ang bilang ng mga namamatay at nagiging positive sa COVID19, halos araw-araw ay paakyat din ang bilang ng mga nahuhuling pasaway.

Hindi na talaga malaman ng pamahalaan kung pano pa didisplinahin ang mga kababayan nating matitigas ang ulo na palaging nasa labas ng bahay kahit ipinatutupad ang ‘enchanced community quarantine’ (ECQ).

Biruan sa social media, hindi lamang PUI (person under investigation) at PUM (Person Under Monitoring) ang dumarami ang bilang sa ulat ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Mayroon na rin daw mga PDM (Person na Di Makaintindi), PNP (Person na Pasaway), MPMU (Mga Punyetang Matitigas ang Ulo) at marami pang mga klasikong abbreviation o acronym na may kinalaman sa mga pasaway nating kababayan.

Iyong ibang bayan at barangay ay gumagamit pa ng kabaong na iniikot sa kanilang lugar upang paalalahanan na kamatayan ang kanilang pupuntahan sakaling patuloy na maglalabas ng bahay.

Mula Marso 17 hanggang 27, umabot na agad sa 42,826 ang naaresto ng pulisya sa buong Luzon. Nasa 11-araw na ECQ pa lang tayo niyan at siguradong dumoble na ang bilang na ito ngayon.

Mismong mga barangay officials  ay hirap na rin silang kastiguhin at disiplinahin dahil nangingibabaw din minsan ang ‘pakisamahan’ sa kani-kanilang lugar.

At kung may mga pulis na napupuno na talaga sa katigasan ng ulo ng ating mga kababayan kaya sila nasasaktan ay ang ating mga alagad ng batas pa ang naba-bash sa social media.

Iyong ibang kritiko naman ng Pangulong Duterte ay wala nang ginawa kundi bantayan ang kamalian ng pamahalaan.

Isa sa halimbawa rito ay ang nangyaring kaguluhan sa EDSA, Quezon City kung saan ay tinangkang mang-udyok ng grupong Kadamay sa mga kababayang mahihirap na magsagawa ng rally.

Gamit ang isyu ng kagutuman at kawalan ng ayuda, ginagalit ng Kadamay ang mga pobre nating kababayan para magsagawa ng kaguluhan.

Ang resulta, 21 katao ang inaresto ng Quezon City Police at nagsalita ang Pangulong Duterte na kung kinakailangang ‘barilin’ ang mga pasaway na organizers ay gawin ng mga awtoridad.

Ang ginawa ng grupong makakaliwa at dilawan, nag-ipon ng pampiyansa para sa mga naarestong supporters ng Kadamay.

Karapatan ito ninuman.

Karapatan nilang magsagawa ng pahayag, kumuha ng abogado at karapatang magpiyansa.

Pero por pabor mga ate at kuya.

Sana naman, hindi na ginagatungan ng mga kritiko ni Duterte ang ginagawang pagdidisiplina sa ating mga pasaway na kababayan.

Isipin n’yo na lang na kung ang lahat ng taong gutom ay magwala at pasukin ang mga kabahayan, establisimento at tindahan para lamang makakuha ng pagkain. Hindi ba’t isa itong malaking kaguluhan?

Alam nating mahirap disiplinahin ang kumakalam na sikmura pero alam nating lahat na gumagawa ng paraan ang pamahalaan para matugunan ang ating pangangailangan kahit na may kabagalan nga lang.

Sa ganang akin, tama ang ginawang kautusan ng Pangulong Duterte.

Malupit na kung malupit.

Mag-iisang buwan na po tayong hirap lahat dahil sa ECQ. Ipaubaya na muna natin sa kinauukulan ang nararapat nilang gawin.

Hindi ngayon ang panahon ng galit, kundi panahon ngayon ng pagkakaintindihan at pagtitiis. Pasasaan ba’t magiging maayos ang lahat.

Kung talagang mali ang ginagawa ng pamahalaan – national government o local government man – makakabawi naman lahat tayo sa darating na halalan.

Dapat sa mga nahuhuling pasaway ay pagsama-samahin sa iisang lugar. Ikulong sila sa isang lugar na dapat nilang katakutan.

Puwede ngang isa-isa rin silang gawing  tagalinis ng hospital at punerarya.

Para maramdaman nila kung gaano ba talaga kadelikado ang mikrobyong dulot ng COVID19.

O kung di naman, patulugin sila ng isang buong gabi sa sementeryo. Walang ilaw, walang kuryente, walang cellphone at walang internet.

Para naman magtanda ang mga ungas na ‘to!