Pagpapatawad ni Duterte sagot sa gusot ng ABS-CBN

February 27, 2020

MALAKI ang epekto ng pagpapatawad ni President Rodrigo Duterte sa ABS-CBN sa gusot na kinasasangkutan ngayon ng naturang network.

Kung ang pinakamataas na opisyal ng bansa ay nagpatawad, bakit naman hindi ito magagawa ng iba pang government executive tulad ni Solicitor General Jose Calida na siyang naghain ng quo warranto petition sa Supreme Court laban sa ABS-CBN.

Bagamat iginagalang natin ang anumang desisyon ni Calida, umaasa ang maraming Pilipino kabilang na rito ang mga mawawalan ng trabaho kapag nagsara ang ABS-CBN na mangingibabaw ang mas malawak na pag-uunawa sa katauhan ng solicitor general.

Bilang pagrespeto sa direksiyon na tinatahak ni Duterte ukol sa isyu ng ABS-CBN franchise renewal, malamang na kumilos na rin ang House of Representatives upang maiwasan ang pagsasara ng higanteng network. Nakasalalay sa mababang kapulungan ang pagpapalawig ng lisensiya ng ABS-CBN na makapag-ere ng kanilang mga programa.

Kung ating iintindihing mabuti ang mga sinasabi ni House Speaker Peter Cayetano, tila binubuksan na ng Kamara ang bintana upang masikatan ng araw ang namumroblemang TV station na kailan lang ay nagpakumbaba sa isang Senate hearing.

Noong Lunes, maraming pinalambot na puso ang batang president ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak matapos siyang humingi ng dispensa kay Duterte at magpaliwanag sa mga masalimuot na isyung bumabalot sa ABS-CBN franchise renewal.

Sa naturang pagdinig, hindi lamang ang boses ni Katigbak ang narinig kundi pati na rin ang may mga hinaing sa ABS-CBN.  Sa kabila nito, naniwala  ang chairman ng Public Service Committee na si Sen. Grace Poe na kailangang maisalba ang network.

Samantala, suportado ni Vice President Leni Robredo ang krusada ng ABS-CBN na maipagpatuloy ang kanilang pag-eere.

Ipinaliwanag ni Robredo na mahalaga sa press freedom ang pagpapanatili ng ABS-CBN sa industriya ng pamamahayag.

Inihayag din ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Securities and Exchange Commission (SEC) at National Telecommunication Commission(NTC) sa hearing na sumunod ang ABS-CBN sa mga batas kabilang na rito ang pagbabayad ng tamang buwis sa nakalipas na walong taon.

Bagama’t hindi pa tuluyang natatapos ang problema ng ABS-CBN, magbibigay ng maraming solusyon ang pagpapatawad ni Duterte.  Hindi mahirap sundin ang isang lider  na may mataas na trust at performance rating.

***

Nagpapasalamat tayo sa poging anak ng ating kasama sa Peoples Tonight na si Edd Reyes dahil sa tulong na kanyang ibinigay sa inyong lingkod.

Aba’y, napakabait itong si JR Reyes na pinuno ng Manila City Hall Press Corp. dahil inaalagaan niya ang kapakanan ng mga mamamahayag kahit pa ang mga hindi nakadestino sa Manila City Hall.

Nagpapasalamat din tayo sa butihing maybahay ni JR na lubos din ang pagseserbisyo sa mga mediaman.
Mabuhay kayo!

***

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com