Pagsabog ng bulkang Taal at mga school reunion

January 20, 2020

Maraming mga nagsipagtapos ng high school noon ang magdiriwang ng kanilang reunion ngayong taong ito. Tinatawag itong golden jubilee. 50 taon na!  ‘Yung ibang high school graduates naman ay nagrereunion taun-taon sa kanilang dating paaralan.

May narinig akong kuwentuhan sa isang programa sa radyo nitong nakaraang taon. Nakatatawa o nakatutuwa!

May kuwento ang isang host na marami ang nagpapabatak ng balat ng mukha ng babae, at lalaki upang magmukhang bata.

Wala akong datos kung sino ang higit na marami - ang mga babaeng nagpapabatak ng mukha o ang mga  lalaki.

Sa karanasan ko sa mga reunión, ‘yun lamang may mga sobrang pera ang gagawa nito. Nakita ko naman ang aking mga kaklaseng babae  na maganda pa rin kahit hindi nagpabanat ng mukha. Halata naman kasi kung may retoke sa mukha. Nagiging singkit ang mata at ang ilong ay tumitikwas. Uso na rin ngayon ang botox na nagpapainiksyon ng isang bahagi ng mukha upang umangat at hindi manatiling nakalaylay. Nakakapagmukhang matanda daw ito.

Ang mga naging kaklase kong lalaki ay ganoon pa rin naman ang mga mukha, pogi at may magagandang mga ngiti. Nagkaroon ang ilan ng mga puting buhok. Ang isang kaklase ko na noong kahit na elementary pa kami ay baby face na, hanggang ngayon baby face pa rin! Parang hindi tumanda!

Nakalulungkot at ang mga kababayan nating nakatira sa mga bayan ng Batangas at Cavite na sinalanta ng pagsabog ng bulkang Taal ay hindi makapagiriwang ng kanilang hight school reunion. Higit na mahalaga ngayon na makabalik sila sa kani-kanilang mga bayan at bahay at nang makapagsimula muli ng pamumuhay.

Ang ilan ay itinuloy ang kanilang kasal kahit na may nakaamba pang panganib dulot ng bulkang Taal. Ang ilan ay inalok ng Manila Cathedral na doon na sila magpakasal.

Nakatutuwang maraming mga kababayan natin ang naghandog ng kanilang tulong sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan. Ang ibang tumulong ay ayaw pang magpakilala.

Hindi ko maiwasan na manlumo kapag napapanood at nababasa ko sa media ang kinahantungan ng mga kababayan natin.

Ma kantina ang isang kamag-anak ko na napilitang magsara dahil sa pagyanig at ashfall. Nawalan din sila ng kuryente.

Ang isang kaibigan ay umalis sa kanilang bahay at pumunta sa ibang lugar. Hindi niya ‘umano sana papansinin ang ashfall ngunit nang yumanig nang maraming ulit ay kaagad na silang lumikas.

May isang kamag-anak din na sa simula ay nagsabi pang huwag magpanic ngunit di naglaon ay pinaalis na rin ang mga kasama niya sa bahay na nakatira malapit sa bulkan.

Maraming itininuro ang pagbasabog ng bulkang Taal. Ang pinakamahalaga ay dapat bang ginawang tirahan ang mga lugar na malapit sa bulkang Taal? Dapat ay maraming taon na ang ginawang paghahanda hindi lamang sa Taal kundi maging sa iba pang bulkan sa buong Pilipinas.

Dapat ay natuto na sa aral na ibinigay ng pagsabog ng Mt. Pinatubo.