Pagsubok kay GSIS chairman Macasaet

KAILANGAN tingnan ng bagong pamunuan ng Government Service Insurance System ang reklamo laban sa binagong polisya ng ahensiya sa pagpapautang sa mga miyembro nito na mga senior citizen at nangangailangan.

Ayon kay Marcelino Sy, dati  ang kanyang asawa na si Aida Laborte Sy, isang disabled pensioner ng GSIS, ay nakakautang gamit ang kanyang pension.  Pero binago ito nuong panahon ni dating pangulong Benigno Aquino kung saan ipinagbawal ang pagpapautang sa mga disabled pensioner.

Hindi na tuloy nakakabili ang mag-asawa ng kanilang mga gamot o bitamina upang tumagal ang kanilang buhay.

Kailangan bang ipagkait ang pension loan ni Mrs. Marcelino na dating teacher sa Albert Elementary School sa Sampaloc, Manila kung saan ibinuhos niya ang kanyang buhay sa paghuhubog ng ating mga kabataan upang maging kapakipakinabang sila sa ating lipunan sa kasalukuyan?

Hindi naman siguro magiging bagong chairman ng GSIS si Rolando Macasaet kung hindi siya tinuruan ng kanyang mga guro nuon.  At malamang, hindi pareho ang pananaw ni Macasaet kumpara sa GSIS chairman na iniupo ni Pnoy dahil ang nag-upo sa kanyang posisyon ngayon ay ang Duterte administration na malapit sa puso ng mga senior citizen.

Isa pa, base sa kanyang mga pahayag, siryoso ang pamunuan ngayon ng GSIS sa pagpapatupad ng mga programa na nakakatulong sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga GSIS member at mga pensioner nito.

Test case ito para kay chairman Macasaet.
**

Posibleng hindi na patawan ng buwis ang mga inaangkat na de kuryenteng sasakyan mula ibang bansa.Ito ang pahayag ng Department of Trade and Industry base sa isang report.

Ayon sa DTI, pwedeng alisin ang 30 porsyenteng taripa sa mga imported electric vehicle o EVs lalo na kung magtatayo ng mga planta sa Pilipinas ang mga gumagawa nito.

Gusto ng DTI na palakasin ang industriya ng EV sa bansa dahil environment-friendly ang mga ito hindi tulad ng mga de gasolinang sasakyan na nagdudulot ng polusyon sa ating kapaligiran at panganib sa ating kalusugan.

Ang pahayag ng DTI ay kaugnay ng hiling ng Toyota Philippines na humihiling ng tax incentives mula sa gobyerno sa pag-aangkat ng EVs. May senyales ang Japanese company na tataas ang bilang ng  EVs na kanilang aangkatin.

Naniniwala naman ang DTI na malaki ang potensyal ng EV industry dito sa bansa sa kabila ng mataas na singil sa kuryente at kakulangan sa mga charging station.

Nasa 19 lamang ang bilang ng mga charging station sa buong bansa habang inirereklamo ng ating mga kababayan ang patuloy na pagtaas sa singil ng kuryente.

Kung paano ito haharapin ng EV industry at ng ating gobyerno ay malalaman natin sa mga darating na panahon. Ang sigurado ay mas malinis na hangin ang ating mahihinga kapag nagtagumpay ang programa para sa EV.

**

For comments, please call or text 09055080126 or email lastmohican2004@yahoo.com