Pagsuway kay Pangulong Duterte at Sec. Año

August 25, 2019

Nitong State of The Nation Address  (SONA) 2019 ni Pangulong Duterte, inatasan niya ang Department of Interior and Local Government na bawiin ang mga kalsada mula sa mga nakahambalang at sagabal sa mga ito.

Sa isang Memorandum Circular 2019-121 naman ni DILG Secretary Año, iniatas naman niya sa mga alkalde at mga Punong Barangay ng mga lunsod at munisipyo sa bansa na linisin ng mga ito ang kanilang nasasakupan mula sa mga sasakyan at istraktura na sagabal sa mga bangketa at lansangan sa loon ng 45 na araw o mapapatawan sila ng parusang suspensyon sa kanilang posisyon.  Kasama rito ang mga Punong Barangay.

Ibig sabihin ay walang dapat nakaparada, nakagarahe  anumang oras sa mga bangketa at kalsada, walang anumang itinayong gusali o bahay sa mga bangketa.

Alsin ang mga sasakyang nakapark at nakagarahe sa mga kalsada ng bansa lalo na sa Metro Manila.

Ngunit sa isang barangay sa Quezon City, pinauuso nila at may dry-run pa ang “one-side parking.” Ibig sabihin, ang mga sasakyang sobra-sobra ang sasakyan at walang dagdag na garahe, puwedeng pumarada at gumarahe sa mga kalsada!

Tuwang-tuwa ang mga pasaway na residente na lagi na ngang nakaparada at nakagarahe anumang oras sa mga tapat ng hindi naman nila bahay. Walang garahe ang kanilang lima o pitong sasakyan!

Mayroon pa ngang isang nagpapaupa ng  “van and car for rent” na halos nakaparada, nakagarahe na sa lansangan sa mga tapat ng bahay ng kaniyang kalye. Nakasasagabal na siya, siya pa ang nagagalit.

Matagal nang kinunsinti ng mga lunsod, munisipyo at pamahalaang barangay ang ganitong iligal na gawain.

Kaya ang pamamaraang “one-side parking” ay hindi sagot at pagsunod sa atas ni Pangulong Duterte at Secretary Año. Ito ay circumvention of the law. Palusot sa batas!

Ang “one-side parking” ay iligal pa rin. Pagsuway sa atas ng Pangulo ng bansa.

Sinabi namani ni Atty. Ariel Inton ng QC Task Force on Traffic and Transport Management na hanggang wala raw ordinansa ang QC hinggil sa “one-side parking” patuloy pa rin silang manghahatak ng mga sasakyang nakaparada at nakagarahe sa mga kalsada ng Quezon City.

Ngunit kung magkakaroon man ng ordinansa ang lunsod, ito ay pagsuway pa rin sa presidential directive at Memo Circular  ng DILG. May taning na 45 araw ang mga lokal na pamahalaan sa paglilinis ng mga sagabal sa kanilang nasasakupang kalsada at bangketa. Humirit ang QC nang 60 araw.

Malaki ang QC kaya kailangang makiisa ang mga mamamayan nito sa pagsasa-aayos ng lunsod at hindi sa pagbibigay pabor sa mga sasakyang walang garahe at tamang paradahan ngunit sa ligal na paraan.

Sa “one-side parking” na ito ng isang barangay sa QC tahasang sinuway at nilabag nito ang mga batas at ordinansa sa paggamit ng mga kalsada na kailangang bukas sa lahat ng oras sa upang makadaan ang mga sasakyan at makapaglakad ang mga tao sa bangketa.

Marahil ay kailangang mag-usap ang mga pinuno ng lokal na pamahalaan at DILG hinggil sa bagay na ito. Kailangang bigyang-diin ng DILG ang pagsunod ng mga lokal na pamahalaan at huwag mag-imbento ng mga “regulasyon.”

Sa isang ulat na natanggap ko, sa Paranaque City, bawal ang “one -side at both sides parking.” Malinaw sa mga pinuno ng lunsod na ito ang atas ng Pangulo at DILG. Gayundin ‘umano ang lunsod ng Marikina.  Malinaw, “no parking on the streets! (bangonkalikasan@yahoo.com)