Home>Editorial>Opinion>Pahirapan sa building and business permit

Pahirapan sa building and business permit

ISA sa marching and standing order ni President Rody Duterte nang maupo siya sa Malacanang noong 2016 ay huwag pahirapan ang ating mga kababayan.

Inatasan niya ang mga ahensiya na pabilisin ang proseso ng paglalakad ng mga permit and clearance sa anumang aspeto ng serbisyo ng gobyerno.

Bawasan din ang sangkatutak na taong pipirma sa isang dokumento na nagpapatagal sa proseso.

Kahit sa mga local government ay nagbabala na rin si Presidente na sasampalin niya ang mga nagpapahirap at nagpapabalik-balik para lang makuha ang permit.

Ugat ng katiwalian sa mga lokal na pamahalaan ang business at building permit dahil ito ang gatasan ng ibang bugok sa mga munisipyo.

Iyong ibang local government, sumunod sa direktiba ni Presidente pero mayroon ding mga matigas ang bungo.

In fairness sa Tagaytay City at Mandaluyong City, marami tayong naririnig na magandang feedback sa proseso nila. Kayang makuha ang building permit sa loob ng isang linggo na hustle and corruption-free.

Sa Quezon City ay malaki na rin ang ipinagbago magmula nang maging alkalde si Mayor Joy. Noon, aamagin ka na at susuka ka ng malaking halaga kapag maglalakad ka ng permit sa Kyusi. Ngayon, maayos na ang sistema.

Sa Tagaytay City, maganda ang liderato nila Mayor Agnes Tolentino at ni City Administrator Greg Monreal dahil business and people-friendly ang standing policy na umiiral.

Sa ibang city, lalo na dito sa Metro Manila, napakabulok ng sistema, lahat ng dadaanan ng papel mo, dapat may tongpats!

Exemption ang Mandaluyong dahil mismong mga kaibigan natin ang nagkuwento kung gaano ka-efficient ang pinaiiral na sistema. Walang humihingi, walang kalabit-penge basta kumpletuhin lang ang dokumento.

Pangarap na lang ito sa ibang city, lalo na kapag ang nakaupong alkalde ay benggatibo at ipinaglihi sa pulitika.

Malaman lang na supporter ka ng kalaban niya sa pulitika, hindi ka nga kikikilan ni mayor, iipitin naman lahat ng permit na kailangan mo kapag nag-apply ka.

Kapag minalas-malas ka, ipapasara pa negosyo mo or papahukayan ang harapan ng tindahan mo or ipatitigil ang construction ng building para lang makaganti sa hindi mo pagsuporta sa kanya. Ganyan kakitid ang utak ng ibang alkalde, nasa dugo nila palagi ang basurang pamumulitika.

Masarap sana kung maayos na sistema ang lahat ng ahensiya ng gobyerno, lokal man o national, dahil mas mabilis na uunlad ang bayan.

Hindi natin alam kung mangyayari pa ito sa ating buhay.

Sa tingin ko, magpapaltos ang palad ni Presidente sa kasasampal sa mga local executives na sagad sa pambebengga at matakaw sa anomalya pero hindi titino ang sistema.

Pag ganyan ang alkalde nyo, itapon nyo na sa basurahan ang kanyang pangalan at huwag iboto ang sino man sa kanyang iendorso!

allanpunglo@gmail.com

Publication Source :    People's Tonight
Allan L. Encarnacion
Former Writer, Associate Producer, Magandang Umaga Pilipinas (ABS CBN) | Former writer, creative of Iba-BALITA, Studio 23 | Former host, Good Morning Kuya, UNTV