Home>Editorial>Opinion>Pahiya ang kritiko nina Mayor Oca at Cong. Along Malapitan

Pahiya ang kritiko nina Mayor Oca at Cong. Along Malapitan

BUMALANDRA agad sa pagmumukha ng ilang kritiko nina Caloocan City Mayor Oca Malapitan at Rep. Along Malapitan (1st District) ang ginawang paninira sa kanila na nabubulok lamang sa Caloocan High School ang mga ‘relief goods’ na dapat sana’y ginamit noon pang kasagsagan ng ‘lockdown’ bunsod ng COVID-19.

Hindi ko kilala sina Mayor Oca at Cong. Along pero nang mabasa ko ang ‘press statement’ ni City Administrator Engr. Oliver Hernandez hinggil sa ‘tsismis’ na may nabubulok na relief goods sa nasabing paaralan, bigla agad akong nagduda na may naninira lamang sa kanila. >

Una kasi, imposibleng sa sunud-sunod na pagsubok at kalamidad ay makukuha pang magpabulok ng pagkain at ilang de-letang pagkain, gayung alam nating lahat na kung hindi sapat ay kakaunti lamang ang maaaring sumobra sa ipinamimigay na ‘ayuda’ ng pamahalaang lokal. Kulang na kulang ito upang ipantustos sa mga mahihirap nating kababayan – ngayong panahon ng pandemiko, sakuna, kalamidad at kahit ilang kababayang nasusunugan ng tahanan!

Pangkaraniwan po para sa mga lokal na pamahalaan ang pagkakaroon ng mga naka-imbak na relief goods upang handa ang Pamahalaang Lungsod na mag-abot ng tulong sa mga mamamayan nito sa oras ng kalamidad at hindi (saka lamang) bibili kung kailan may sakuna na,’ anang masipag na City Administrator ng lungsod.

Ang mga relief goods na ito ay nakareserba sa mga pagkakataon tulad ng mga inaasahang ‘lockdown’ ng mga barangay kung saan marami ang covid victims. Hindi maaaring ubusin ang mga relief goods na ito na walang kapalit na stock sapagkat ang layunin ng syudad ay laging may handang maibibigay sa mga hindi inaasahang pagkakataon.

Sinisinop po natin ang bawat sentimo na inilalaan natin sa pagbili ng relief goods kung kaya’t mahigpit po ang monitoring natin sa mga expiration dates ng mga produkto at atin ding ipinatutupad ang “First In, First Out” policy sa ating mga imbentaryo upang matiyak na walang masisira o masasayang na relief goods. Tinitiyak po natin na ang ating stockpile inventory ay dumaan po sa maayos na pagpaplano at konsultasyon sa mga kinauukulan,” dagdag pa ni Hernandez.

Makatwiran ang pahayag na ito na inilabas ilang araw bago ang pananalanta ng #BagyongUlysses dahil na rin may ilang desperadong pulitiko sa lungsod ang pilit sinisiraan ang magandang pamamahala ng pamilya Malapitan!

At nagkatotoo ang sinabi ni Engr. Hernandez, noong gabi ng pananalanta ng #BayongUlysses, agad napakinabangan ang mga nakapondo nilang ‘relief goods’ – isang klasikong halimbawa sa matandang kasabihan na ‘kapag may isinuksok ay may madudukot!’

Kaya sa mga naninira sa Malapitan: ‘Ano kayo ngayon, mga epal? Hindi ba nag-backlash agad yung maruming laro n’yo sa pamumulitika?’

Uulitin ko, ‘di ko kilala sina Mayor Oca at Cong. Along, pero dapat naman sigurong papurihan ang mga tao sa pamahalaan kung kinakailangan!

Totoo hindi masyadong nasalanta ng bagyo ang lungsod kumpara sa ilang kababayan natin sa Marikina, San Mateo, Rizal, Catanduanes at Bicol province. Pero inuna ko lang talagang isulat ang ‘isyu ng relief goods sa Caloocan’ dahil pangit po tingnan na sa gitna ng sunud-sunod na krisis, pagsubok at kalamidad na ating dinaranas ay may ilang indibiduwal pa sa pamahalaan ang wala nang ginawa kundi manira ng kapwa.

Sa halip ubusin ang werpa sa pagtulong sa kapwa at namumuno sa pamahalaan ay mas inuuna pa nilang maglabas ng walang kabuluhang intriga!

Ang nakatutuwa, wala tayong makitang paninira sa mga Malapitan. Kahit sa bawat pahayag ni City Adminitrator Hernandez ay maayos nitong naipaliliwanag ang bawat isyu at mas inuuna ang aksiyon at gawa maiparamdam lamang ang tunay na malasakit nila sa mga mamamayan ng Kankalo.

Katunayan, bago pa man manalanta ang bagyo, may 23 evacuation centers agad ang binuksan sa Caloocan. Sa gitna ng pananalanta, sumugod din sa bagyo para magtungo sina Cong. Along sa iba’t ibang ‘evacuation centers,’ gayundin ang pagsasagawa ng ‘rescue’ at ‘clearing operations.’

Idagdag pa natin ang maagap na pagtulong sa kanilang mga kababayan ni Councilor Vince ‘ConVinced’ Hernandez na presidente ng Sangguniang Kabataan Federation sa Caloocan na walang humpay sa pamamahagi ng lugaw, tinapay at kahit itlog.

Dakila at halos walang tulog din ang ginagawang pagtulong ng mga miyembro ng Caloocan Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM), City Engineering Office (CEO), Mayor’s Action Team (MAT), Caloocan City Social Welfare and Development Department (CCSWDD), City Health Deparment, Bureau of Fire Department, Caloocan City police at kahit ang Public Information Office (PIO) ng lungsod.

Saludo po ang ‘Uncovered’ sa inyong lahat mga bossing!

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large