Palakasin ang Health Service System ng Pilipinas

March 23, 2020

MALAKI ang pagkukulang ng DoF sa kanilang hinanda na P27B Economic Stimulus Package ng Pilipinas para buhayin ang ekonomiya sa paglipas ng COVID-19 pandemic sapagkat 51.85% nito o P14 B ay para saTurismo.

Ang balanse na P13 B ay uubusin sa mga sumusunod : P3.1 B Test Kits ng COVID-19, P1B para sa DTI Pondo sa pagbabago at Pag-asenso(P3), P3.1B sa pagbili ng mga test kits, P3B TESDA Scholarships, P2.8 B Survival and Recovery Aid Program ng Dept of Agriculture, P2 B DOLE social protection for vulnerable workers, at P1.2 B SSS para sa unemployment benefits ng dislocated workers. Ang pondo ay magmumula sa PAGCOR, PCSO at ADB.

Maliban sa P3.1B na nilaan para sa pagbili ng mga test kits ng COVID-19, wala ng dinagdag na pondo para mapalakas ang marupok na Health Service ng Pilipinas na pumapasan ngayon ng napakabigat na COVID-19 pandemic sa henerasyong ito. Hihintayin pa ang 2021 para mapondohan ang DOH at DOST at UP-NIS.

Parang walang natutuhan ang DoF sa pandemic na ito. Kinaltasan ninyo ng malaki ang budget ng DOH ngayong 2020. Imbes na diyetahin ng pondo, kailangan palakasin at patibayin ng husto ang Health Service System ng Pilipinas sapagkat ang susunod na pandemic ay nandito na sa ating paligid. Busugin ng pondo ang health service, ayusin ang mga protocols nito at ugnayan sa CDC ng Amerika at Australia Genome Center. Para hindi magkulang ng mga doktor at nurses, ipagamit angunang wika ng mga bata sa pagtuturo sa edukasyon parad umami ang hanay ng mga health professionals, researchers at scientists.

Hindi din makatwiran na isama ng DoF sa kanilang listahan ang P14 B pondo ng DOT. Una, ang pondo ay galing sa travel taxes na kinokolekta ng TIEZA, at hindi ito buhat sa PAGCOR, PCSO at ADB. Pangalawa, uubusin ng DOT ang pondo sa mga programa saimprastraktura sa labas ng Metro Manila, ang lugar na dapat tulungan ng husto dahil ito ang unang naapektuhanng Enhanced Community Quarantine ng pamahalaan. Totoo naman na magkakatrabaho sa mga proyektong pang-imprastraktura ng DOT ngunit hindi sa industriyang turismo magmumula ang makikinabang dito at hindi rin sa Metro Manila manggagaling ang mga construction workers na dapat tulungan ng husto. Kung tama man o mali ang mga proyekto ng DOT, sa susunod na mga pitak ko na ito tatalakayin.

Samakatuwid, maling sabihin na P27 B ang Economic Stimulus Package ng pamahalaan. Ito ay P13 B lamang na lubhang napakaliit para umandar muli ang ekonomiya na nasalanta ng pandemic. Kung buhay si Keynes, baka napagalitan na nito ang DOF. Minumungkahi ko na baguhin ang Economic Stimulus Package ng pamahalaan para ang pangunahing mapopondohan ay health service.

Maling isipin na makakabalik na tayo sa normal pagkaraan ng pandemic.

Ang buong mundo ay binago ng COVID-19. Ang mga salita tulad ng “lockdown”, “ quarantine”, “social distancing”, “travel ban”, ay mananatili na sa isipan ng bawat tao sa daigdig at may nakakapit na itong emosyon na personal sa bawat tao. Baka nga mabuo ang bagong normal na wala ng kamayan, yakapan, at beso-beso ng tao. Lalaki ang bilang ng mga “online “workers. Lalong iinog sa internet at social media ang buhay ng tao. May itatanghal na mga bagong bida at kontra bida sa pamahalaan. Sa kabila nito, maiwan sana sa puso at isipan ng tao na mahalaga ang relasyon sa isa’t isa at tumibay ang pananampalataya sa isang Diyos na may gawa ng langit at lupa at tanging may kapangyarihan na pumuksa ng mikrobyo.

Sa ngayon, bagamat walang putukan ng baril, may digmaan ang USA at China sa COVID-19. China virus angtawag ni Trump sa COVID-19 na kinagalit ng China ngayon. Nag-uunahan ang dalawang magkaribal sa pagtuklas ng bakuna at gamot para sa COVID-19. Kung sino ang mauuna ang siyang itatanghal na pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo.

Nangyayari ito sapagkat nauso ang popularismo na nagwasak ng liberalismo na diwa ng dayalogo ng mga bansa sa mundo. Sa nangyayaring COVID-19 pandemic, hindi kaya ng sinumang bansa na harapin ito mag-isa.Kailangan ang pagtutulungan ng mga bansa sa buong daigdig para makapagpalitan ng kakayahan, kaalaman at kayamanan sa pagharap sa mga pandemic, financial crisis, climate change at marami pang problema na apektado ang buong daigdig sa ika -21 siglo. Ang “country-centrism” ay hindi kayang lupigin ang COVID-19 pandemic. Sa pagiging “internationalists” lamang ng mga bansa magagapi ito.