Palakasin natin ang Presidential Commission for the Urban Poor!

NOONG iniluklok ng sambayanan sa pwesto si Pangulong Duterte noong 2016, inihayag niya ang paglaban ng buong pwersa ng pamahalaan laban sa droga, kriminalidad, at kahirapan.

Tinutupad ng administrasyon ang mga pangakong ito sa pamamagitan ng samu’t saring mga programa.

Pero gaya ng sabi ng maraming social scientists, naka-angkla ang marami sa ating mga problema sa lipunan sa kahirapan.

May krimen -- dahil may ilang kumakapit na sa patalim; may mga nangangahas na gumamit ng iligal na droga -- dahil may mga nais tumakas muna sa realidad ng kahirapan; may mga nag-aaklas laban sa gobyerno -- dahil napagkaitan ng oportunidad sa komunidad.

Samakatuwid, hindi resulta ang kahirapan, hindi rin ito ang ugat, bagkus ang cause and effect ng isang cycle.

Ito ay isang kumplikadong problema na nangangailangan ng kumplikadong solusyon. Hindi pupwede na ma-hostage tayo ng analysis-paralysis. Pag natulala tayo rito, tayo ang talo.

Kailangan nating simulang resolbahin ito paunti-unti.

Isa rito ang pinagtutulungan naming isulong ng Presidential Commission for the Urban Poor sa Kongreso: ang House Bill 8253.

Alam natin ang bigat ng responsibilidad ng PCUP para sa kapakanan ng mga maralitang taga-lungsod.

Pero ang PCUP ay gawa ng isang Executive Order lamang noong panahon pa ng Pangulong Corazon Aquino. Ibig sabihin nito, madali itong repasuhin, o i-reorganize, o alisan ng pondo depende sa prayoridad ng isang administrasyon.

Mapalad tayo na isang dating alkalde si President Duterte. Alam niya ang mahalagang trabaho ng PCUP na nagsisilbing tulay sa pagitan ng gobyerno at tao.

May mga kakulangan din ang Executive Order na bumuo sa PCUP na tutugunan ng panukalang batas natin.

Bibigyan natin ng mas malawak na papel ang gagawing National Commission for the Urban Poor sa identification ng mga relocation sites para masigurong sustainable ang lilipatan ng ating mga kababayan.

Sisiguruhin natin na may regular na budget ang NCUP para may pondo itong pwedeng magamit sa pagbili ng lupa for socialized housing; sa pagpapatupad ng livelihood programs, at pagbigay ng basic services sa mga relocation sites.

Habang tinatrabaho namin ito sa Kongreso, kampante naman ako na sa liderato ni Chairman Alvin Feliciano na isang simple, hard-working, dedicated, at visionary na lingkod-bayan, pangangalagaan pa rin ng ahensya ang kapakanan ninyo.

Trailblazing nga ang kanyang mga programa kasama sina Commissioners Melvin Mitra, Norman Baloro, Randy Halasan, at Romeo Jandugan.

Maraming korporasyon ang naghahanap lang ng mga paggugugulan nila ng pondo para sa kanilang Corporate Social Responsibility. Kaya swak na swak dito ang Adopt-an-Urban Community ng PCUP.

Bukambibig na natin ang whole-of-government approach. Ang mga gagawing caravan ng PCUP kung saan magkakaroon ng isang one-stop-shop ng lahat ng government services ay malaking ginhawa para sa ating mga kababayan. Hindi mo na kailangang mamasahe pa kung ilalapit na sa inyo ang DTI, ang TESDA, ang DOH, ang DOLE atbp.

Ang planong pamimigay ng privilege cards sa mga urban poor ay isang programa kung gusto natin na sa mga tunay lang na nangangailangan napupunta ang mga programa ng pamahalaan.

Sa papalapit na election, problema marahil ng marami nating kababayan ang pagtira sa isang relocation site na malayo sa lugar kung saan sila rehistrado. Narinig ko na bubuksan ni Chairman Alvin ang linya sa COMELEC para maayos ito.

Sabi nga ni Chairman Alvin, walang forever na mahirap sa taong nagsusumikap. Ang pangakong pagbabago ng pamahalaang ito ay mananatili lang na pangako hanggat hindi natin isinasapuso na tayo ang pagbabago. Dahil kung hindi tayo, sino? Kung hindi ngayon, kailan pa?

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)