Palpak ang ‘no take policy’ ng NCRPO?

November 04, 2019

KUNG majority ng police beat reporters ang tatanungin, malayong hindi hamak ang ‘performance’ ngayon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Debold Sinas kay dating Metro Manila police chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar.

Kung dati’y ‘darling of the press’ ang hepe ng NCRPO, ngayo’y parang ‘hostile to the press’ ang nag-iisang heneral sa Camp Bagong Diwa.

Hindi natin kilala si Gen. Sinas kaya walang dahilan para sabihin nitong pinepersonal natin ang gagawin nating pagbatikos sa kanya na dapat tanggapin nito bilang ‘constructive criticism.’

Mas gusto kong isipin na tinatawagan natin siya ng pansin ngayon upang malaman ang tunay na kaganapan sa kanyang mga police district commanders.

Unang ‘marching orders’ ni Sinas nang umupo ito bilang NCRPO chief noong Oktubre 16 ay ang ‘no take policy.’

Ibig sabihin, bawal sa sinumang pulis o sibilyan ang mangolekta sa lahat ng illegal na establisimento – illegal gambling man iyan, prostitusyon at higit lalo ang ipinagbabawal na gamot.

Ika ‘nga, bawal tumanggap ng lagay, dumampot ng intelihensiya at dapat bawal din ang magpalaro ng illegal gambling.

Marami na ang nakagawa ng ganitong direktiba. At isa sa maituturing na nakapagtala ng magandang kasaysayan at legasiya patungkol sa ‘no take policy’ ay si Senador Panfilo Lacson noong PNP chief pa ito mula 1999 hanggang taong 2001.

Sa umpisa’y aakalain nating seryoso ang direktiba ni Gen. Sinas patungkol sa ‘no take policy.’

Pero kalaunan pala, palpak ito saan mang anggulo tingnan!

Bakit ko nasabi ito?

Una, hanggang ngayon, tuloy ang illegal gambling sa Metro Manila.

Unahin natin ang lungsod ng Maynila na nasa ilalim ang pamamahala ng kapulisan ngayon ni Manila Police District (MPD) chief Brig. Gen. Bernabe Balba.

Maaaring hindi pa namamalayan nina Gen. Sinas at Gen. Balba. Pero lantaran at tuloy pa rin ang pasugalan nina Boy Abang, Noel de Castro, Paknoy, Zaldy Baba, Pacia, Ric Arce, Don Ramon, alyas Roda, Rene ‘Laway’ Ocampo, Tisay Pandete, Lito Sampaloc, Boni Abad, Mila Capati, Gina Guiterrez at Lando Simbulan.

Isang alyas Tata Delo at Sarhento Roni raw ang nagpapakilalang kolektor ngayon sa MPD – bagay na dapat linawin ni Gen. Balba para hindi masira ang kanyang pangalan.

Mahigpit ang tagubilin ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma na wag na wag gagamitin ang legal na palaro ng pamahalaan sa illegal na pasugalan.

Ang mga binanggit nating illegal gambling operators ay pasimuno ng sugal na jueteng mula sa small town lottery, bookies sa karera ng kabayo at lotteng.

Sa silangang bahagi ng Metro Manila kung saan director si Eastern Police District (EPD) Brig. Gen. Johnson Almasan, tuloy din ang bookies sa karera ng kabayo at pa-lotteng nina Laarnie, Rose at Cris sa Pasig City; sina Ben Tanda, Kapitan Dodo at Gerry Pulis naman ang may lagay sa Mandaluyong City; Kiko Payat sa San Juan; Pedong Labo at Egay Bokbok sa Marikina City.

Sa Quezon City kung saan hepe naman ng QC police district si Col. Ronnie Montejo, tuloy ang pa-jueteng nina  Conrad at Tepang. Gayundin siyempre ang lagay ni Tony Bolok sa lungsod, na may malawak ding illegal na operasyon ng sugal sa Maynila, Paranaque, Las Pinas at sa  northern and eastern part ng Kalakhang Maynila.

Alam ni Gen. Sinas na malaki ang ‘expectation’ sa kanya ng taumbayan dahil sa galing ng ‘performance’ ng pinalitan nitong ‘mistah’ na si Gen. Eleazar.

Ngayon, kung ang simple lamang niyang direktiba ay hindi pa masunod ng kanyang tauhan, maigi sigurong magmuni-muni ito ng husto.

Kung talagang seryoso si Sinas sa kanyang ‘no take policy,’ dapat bawal din ang illegal gambling sa buong Metro Manila.

Ang nangyayari kasi, ‘no take policy’ lamang sa salita, pero sa gawa ay ‘no talk policy’ na pala!

Sana makagawa ng aksiyon tungkol dito si Gen. Sinas sa lalong madaling panahon!