‘Palpak na Mahindra, tatak Mar Roxas’

PATULOY na bumubulusok ang rating ng dating senador at dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Mar ‘ekonomista’ Roxas.

Sa kabila ito ng sangkaterbang advertisement at kung anu-anong pakulo ng Kampon ng Kadilawan para pabanguhin muli ang pangalan ni Roxas.

Bakit nga ba? Hindi naman na kasi maikakaila na nakatatak na kay Roxas ang palpak na Mahindra service vehicles na binili ng Philippine National Police (PNP) noong siya pa ang kalihim ng DILG.

Sa 2017 report ng Commission on Audit (CoA), nakuwestyon ang kalidad ng P1.8 bilyong halaga ng 2,000 patrol cars.

Kabilang dito ang P1.5 bilyong halaga ng 1,656 Mahindra Enforcer patrol units at P349 milyong halaga ng 398 Mahindra Scorpio light transport units.

Idiniin ng CoA na “sadyang” ibinaba ng DILG ang minimum standard specifications para sa mga sasakyan kabilang ang seating capacity, torque details, at piston displacement capacity.

Dahil depektibo, hindi rin nagamit ang mga sasakyan.

Hindi na rin maiaalis na balikan ang napakasakit na pangyayari na Mamasapano massacre noong 2015 habang DILG secretary pa ang senatorial bet.

Sino ba ang makakalimot sa insidenteng ito lalo pa’t  44 miyembro ng Special Action Force ang namatay at hindi pa nabibigyan ng hustisya.

Ayon kay Roxas, wala siyang kinalaman at nalalaman sa Mamasapano massacre dahil hindi ipinaalam sa kanya ng PNP ang nangyaring operasyon.

Pero kung hindi man niya ito alam, sana nakitaan siya ng delicadeza. Nang mga panahong iyon, pakunswelo na lamang sa pamilya ng mga biktima ang kanyang pagbibitiw sana sa tungkulin at hayaang gumulong ang hustisya.

Dahil kung ang isang opisyal na naninindigan na wala siyang alam sa operasyon ay mas hahangaan kung ipakikita nito ang pinakamataas na antas ng pagkondena sa pangyayari.

* * *

‘NCRPO, walang pahinga ngayong  Semana  Santa’

HABANG marami sa atin ang nag-iisip kung saan magbabakasyon ngayong Semana Santa, doble kayod naman ang  ating mga pulis sa pagbabantay sa iba’t ibang lugar sa ating bansa.

Partikular na rito ang  National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ng pamumuno ni General Guillermo Eleazar.

Sa pahayag ng magiting na heneral, tiniyak na walang terror threat sa Metro Manila ngayong Holy Week subalit hindi sila magbababa ng armas upang sugpuin ang anumang karahasan.

Ipinag-utos pa nga ni Guillor ang pagsasagawa ng bomb explosion simulation exercises sa limang distrito dito sa Metro Manila lalo na sa mga simbahan.

Layon nito na hindi na agad masolusyunan ang anumang kapalpakan ng mga pulis sa gitna ng mga ganitong senaryo.

Magde-deploy din si Eleazar ng 11,600 police officers upang tiyakin ang seguridad sa bus at jeepney terminals, airports, seaports at iba pang vital government at private installations.

Sa isang aktibong opisyal ng pulisya, makaaasa tayo na magiging payapa ang ating pagmumuni-muni ngayong

Holy Week kaya dapat nating pasalamatan at saluduhan si Gen Eleazar.