Home>Editorial>Opinion>Pamasko ni chairman sa taga-MDSW, hinirit sa SAP beneficiaries

Pamasko ni chairman sa taga-MDSW, hinirit sa SAP beneficiaries

TIYAK na mag-iinit na naman ang ulo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño sa oras na makarating sa kanyang kaalaman ang puwersahang panghihingi ng P1,000 ng isang punong barangay sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP).

Dito kasi sa isang barangay na sakop ng District II sa Tondo, may isa raw kabesa na humihingi ng tig-P1,000 sa mga tumanggap ng 1st at 2nd tranche ng kanilang SAP dahil yun daw ang napagkasunduan nila ng mga tinulungan niyang mapasama sa listahan ng mga benepisyaryo para pambigay naman nila sa dalawang kawani ng Manila Department of Social Welfare (MDSW).

Katuwiran daw ng kabesa, hindi sa kanyang bulsa mapupunta ang tig-P1,000 kundi sa dalawang kawani na gumawa raw ng paraan upang mabigyan ng importansiya ang kanilang barangay na mapabilis ang pagkakaloob ng ayuda sa mga residente.

May mga nakalista pa sa mga napagkalooban ng SAP na hindi naman pala residente o botante sa naturang barangay pero mas malaki raw ang kinuha sa kanila ng kabesa bilang “Pamasko” sa mga tumulong sa kanya sa city hall.

Sa isang video na ipinadala sa On The Beat, mistulang inamin ni chairman ang reklamo ng mga benepisyaryo dahil nagbanta pa nga siya na tatablahin at hindi na makakatikim ng biyaya ang mga hindi marunong makisama kahit pa sila mga botante o lehitimong residente sa barangay.

Maririnig sa video na sinabi pa ng kabesa na may parating pang biyayang pamasko ang pamahalaang lungsod at “itaga sa bato” na tablado at hindi na makakatanggap ng biyaya ang mga hindi marunong tumupad sa usapan.

Kung tutuusin, sa pay out pa lang ay bawas na ng P100 ang dapat ay P16,000 na tatanggapin ng mga benepisyaryo dahil sa convenience fee na batay sa napagkasunudan sa pagitan ng DSWD at financial service provider at wala naman itong problema sa mga benepisyaryo pero kung higit pa rito tulad ng umano’y hinihinging P1,000 ng kabesa, aba’y malaki na itong halaga para sa mga maralita.

Sino nga naman ang hindi sasangayon sa usapang bawas ng P1,000 kung P16,000 naman ang aasahang matatanggap?

JCI official,dumipensa sa Bikini Open

Dumipensa ang isang opisyal ng JCI Senate Philippines kaugnay sa kontrobersiyang nilikha ng Bikini Open sa ginanap na National Convention ng respetadong samahan noong nakaraang linggo sa Quezon City.

Ayon kay Rene Natividad, walang kaugnayan ang idinaos na Bikini Open sa kanilang okasyon.

Nangako pa nga si Natividad na kanyang ipapadala ang kanilang official statement matapos lumabas ang artikulo sa pahayagang ito.

Hindi rin daw ang JCI Senate Philippines ang organizer ng event kaya lang, ang hirap yatang ipaliwanag na habang nagpaparada ang babaeng halos wala ng saplot at walang suot na face mask ay kitang-kita naman sa background ang opisyal na kabilang sa kandidato sa kanilang halalan.

Maraming miyembro ang nadismaya lalo na’t hinikayat pa nga ng mismong miyembro ang mga kasapi na panoorin at makiisa sa kanilang virtual convention meeting dahil ehemplo daw ito ng masaya nilang panunungkulan.

Yun nga lang, isa pala sa naging tampok ang Bikini Open na malinaw na isang paglabag sa ipinatutupad na health protocols ng pamahalaan bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19.

Ang tanong ngayon ng ilang miyembro, sino kaya ang dapat na papanagutin dito?

Mga pagbati

Magdaraos ng kanyang unang taong kaarawan si Elizabeth Jairah “Liza” Reyes, panganay na anak ng mag-asawang Edgardo at Jackielyn Reyes sa araw ng Sabado, Disyembre 5 sa kanilang tahanan sa Biak na Bato, Tondo. Binabati si Liza ng kanyang mga pinsang sina Tintin, Yanna at Thea, mga lolo at lola, tiyuhin at tiyahing sina JR, E.R. Ednalynne, Sarah at Tweenie.

Sa araw naman ng Linggo, Disyembre 6, bibinyagan ang unang anak ng mag-asawang Carmelito “Melo” at Fatima Intal na si Carmelo Javier sa Minor Basilica of the National Shrine of Saint Lorenzo Ruiz (Binondo Church). Bagama’t naka-base sa Estados Unidos ang mag-asawang Melo at Fatima, minabuti nilang dito sa Pilipinas binyagan ang panganay na anak at tiniyak na lahat ng umiiral na alituntunin at panuntunan kaugnay sa social distancing, wearing of face mask at face shield ay kanilang tutuparin.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363

Publication Source :    People's Tonight