Home>Editorial>Opinion>Pamilyang naghahanap ng hustisya, nabubuhay sa takot

Pamilyang naghahanap ng hustisya, nabubuhay sa takot

SA takot nabubuhay ngayon ang isang pamilyang humihingi ng katarungan sa ginawang pagpaslang sa isang miyembro ng kanilang pamilya dahil sa banta umano sa kanilang buhay.

Nagsimula ang kalbaryo ng pamilya ni Juvy Camino ng Navotas City nang ma-holdap noong Mayo ng taong 2013 ang kanyang anak na si Jerico sa Borromeo St., Bgy. Longos sa Malabon City at dahil nakilala niya ang mga holdaper, nadakip ng mga pulis ang mga suspek.

Naisampa sa korte ang kaso subalit nakapag-piyansa ang mga suspek at tinangkang aregluhin si Jerico pero hindi pumayag ang biktima kaya’t natuloy ang trial hanggang abutin ng pandemyang dulot ng COVID-19 ang paglilitis.

Nito lamang Setyembre 28, 2020, pinatay si Jerico sa harap mismo ng kanyang nakababatang kapatid sa kanto ng Maya-Maya at Pampano Sts,.. sa Bgy. Longos ng tatlong lalaki pero dalawa lamang sa mga ito ang nakilala ng kapatid ng biktima na sila ring humoldap umano noon sa kanyang kapatid.

Nahuli ng mga pulis ang isa sa suspek at kasalukuyang nakasampa na ang kaso sa korte pero ang masakit, ang pamilya Camino pa ngayon ang nagtatago at naghiwa-hiwalay ng kanilang mga tirahan dahil may mga pagbabanta silang natatanggap sa kanilang buhay.

Nagpasiya na rin ang pamilya Camino na lisanin na lamang ang kanilang tirahan sa Navotas City dahil may mga hindi kilalang naka-motorsiklong kalalakihan ang madalas na umaaligid sa kanilang bahay at nagmamasid kung naroon pa ang buong pamilya.

Sabi pa ni Juvy sa On The Beat, nang minsang dumalo sila sa pagdinig ay inihatid sila ng mobile patrol car ng pulis dahil sa natatanggap na pagbabanta at kahit may escort na sila ay may sumunod pa rin sa kanilang mga naka-motor bagama’t biglang nagpulasan nang magkasa na ng baril ang mga escort nilang pulis.

Dismayado si Juvy sa nangyayari ngayon sa kanilang pamilya dahil sa halip na makakuha sila ng katarungan dahil sila ang namatayan, sila pa ngayon ang parang mga daga na nagtatago sa lungga sa pangambang balikan sila ng mga may kagagawan sa krimen.

Mahirap lamang ang pamilya Camino at walang kakayahang bumayad ng pribadong abogado na makatutulong sa paghanap nila ng katarungan at lalong walang kakayahang umupa ng bodyguard para sila mabigyan ng proteksiyon.

Tanong pa ni Aling Juvy, kung ang paghahanap nila ng hustisya sa kasong panghoholdap na isinampa ng kanyang napatay na anak laban sa mga suspek ay inabot na ng mahigit pitong taon ng wala pa ring promulgasyon, ilang taon aniya ang kanilang bibilangin sa paghahanap naman ng katarungan sa pinaslang na anak? Nangangamba tuloy sila na baka isang araw ay malagasan muli ang kanilang pamilya sa paghahanap ng katarungan.

Sa nararanasan ngayon ng pamilya Camino, ang proteksiyon na lamang ng Malabon City police sa pamumuno ni P/Col. Angela Rejano ang kanilang inaasahan upang makaiwas sa banta ng mga taong nais silang patahimikin ng tuluyan.

Sorpresang clearing operation

Ginulat ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at lokal na pamahalaan ng lungsod ng Malabon ang mga operator at tsuper ng mga trailer trucks at pampublikong sasakyan na ginawa ng permanenteng paradahan ang mga lansangan sa Gozun Compound sa Bgy. Tonsuya.

Nasorpresa ang mga tsuper dahil hindi nila akalain na wawakasan ni P/Capt. Carlos Cosme, ang hepe ng Malabon Police Sub-Station 5, ang matagal na nilang pag-okupa sa mga lansangan na kinukunsinti umano ng mga tiwaling lokal na traffic enforcers na nakikinabang sa lingguhang tongpats na kanilang binibigay.

Mismong si Malabon police chief P/Col. Angela Rejano ang nagbigay ng basbas kay Capt. Cosme na linisin, hindi lamang ang Gozun Compound, kundi ang iba pang pangunahing lansangan na ginagawang illegal terminal at parking ng mga trailer trucks at maging pribadong sasakyan na nagdudulot ng masikip na daloy ng trapiko.

Kung tutuusin, trabaho dapat ng mga lokal na traffic enforcers ang hulihin at i-impound ang mga sasakyang ginagawa ng parking area ang mga lansangan pero may ilan kasing tiwaling opisyal na tumatanggap daw ng tongpats sa mga operator at tsuper kaya hindi sila nagagalaw.

Ayuda sa mga mangingisda

Laking pasalamat ng may 1,056 na rehistradong mangingisda sa Navotas na nabiyayaan ng tig P3,000 cash at P2,000 halaga ng pagkain tulad ng 25-kilong bigas, manok at itlog mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Nagpaabot naman ng lubos na pasasalamat si Mayor Toby Tiangco sa Department of Agriculture at BFAR lalo na’t ang kanilang mga kababayang mangingisda na unang nakatanggap ng tulong mula sa nasabing ahensiya.

Kabilang din sa mga nabigyan ng ayuda ang mga trabahador ng fishing boat, fish porters, fish vendors at iba pang manggagawa sa negosyo ng pangingisda.

Bukod sa ayuda, inalok din ng BFAR ang mga Navoteño fisherfolk ng hanggang P25,000 pautang ng walang kolateral at interes at sa kasalukuyan, 577 na ang nag-apply sa programa.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363

Publication Source :    People's Tonight