Panalo ng magkaka-alyadong pulitiko, sino ang wagi?

May 28, 2019

KUNG may ilang hindi kagandahang ibubunga sa isang lungsod o munisipalidad ang panalo ng magka-alyadong pulitiko, mas marami naman siguro ang idudulot na maganda na pakikinabangan ng mga residente.

Sa resulta kasi ng nagdaang halalan, maraming mga opisyal na magka-alyado sa mga lungsod sa Metro Manila ang nagwagi at nakatakda ng manungkulan simula sa unang araw ng Hulyo.

Sabi ng mga kritiko, hindi raw ito maganda dahil walang check and balance at magkakaroon ng kutsabahan sa mga proyekto at programang popondohan ng lokal na pamahalaan at bentahe ito sa mga nanunungkulan dahil maisusulong nila ang kanilang personal na interes.

Sabi naman ng marami, ang mamamayan ang panalo kung magkaka-alyado ang mamumuno dahil madaling maisasakatuparan ang magagandang programa at proyekto ng walang hahadlang at tiyak na makakarating kaagad ang wastong serbisyo sa mga residente.

Dito kasi sa area ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela), lahat ng mga nagwaging alkalde, bise alkalde at kinatawan sa Kongreso ay pawang magkaka-alyado, kung hindi man mag-ama ay magkakapatid.

Huwag na lang nating tingnan ang napakabilis na pag-unlad ng lungsod ng Valenzuela at Caloocan dahil sa laki ng kanilang kinikita bunga ng pag-usbong ng napakaraming negosyo at mahusay na pamamahala ng mga nakaupong opisyal kundi silipin natin ang maliit na lungsod ng Navotas na pamumunuan din, hindi lang ng magkapatid na Toby at John Rey Tiangco kundi ng kanilang mga ka-alyado sa pulitika.

Kung tutuusin, tulad ng malalaking lungsod, malaki na rin ang ipinagbago ng Navotas City mula nang pamunuan ng magkapatid na Tiangco lalo na’t tinutukan nila ang mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon, imprastraktura at pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan.

Noon nga lang nakaraang linggo, binasbasan ng magkapatid na Congressman Toby at Mayor John Rey Tiangco ang dalawang pasilidad na kabilang sa programang pangkalusugan at kasunod nito ang pagbabasbas naman sa Tangos Elementary School – Mother sa Bgy. Tangos North na may karagdagang 12 silid-aralan na magagamit ng lumalaking bilang ng mga nagpa-enroll na mag-aaral ngayong pasukan.

Sumunod naman ang pamamahagi ng magkapatid ng 500 mobile trash bin sa mga street sweeper upang mapalakas naman ang programa sa ecological solid waste management at tulad ng Valenzuela City, mahigpit din ang pagbabawal sa lahat ng uri ng sugal bilang programa sa peace and order sa paniwalang isa ito sa pinagmumulan ng paglaganap ng droga, kaguluhan at tukso sa mga opisyal para tumanggap ng padulas.

Sa susunod na tatlo hanggang siyam na taon, ang mga Navoteño rin ang maghuhusga kung bentahe nga ba o walang bungang maibubuti ang pagluklok nila sa magkapatid at magka-alyado sa pulitika.

Ang tunay na kuwento ng shabu sa paleta

Nabigyang kulay ng ilang kritiko ang P1 bilyong halaga ng shabu na nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA) sa isang warehouse sa Malabon City na unang binatikos ni Pangulong Duterte dahil umano sa paglaganap ng droga.

Pero ang hindi batid ng marami, walang kinalaman maging ang may-ari ng bodegang nakuhanan ng shabu sa Malabon City at pinatotohanan na rin ito ni PDEA Director Aaron Aquino kaya’t hindi makatuwiran na isising muli sa mga taga-Malabon ang nakumpiskang droga.

Sa kuwento ng isang opisyal sa On The Beat, mismong ang negosyanteng may-ari ng Goldwin Enterprises sa Bgy. Santulan, Malabon City ang nag-report sa barangay, pulisya at PDEA nang matuklasan nila ang shabu sa aluminum na paleta nang kumalat ito matapos mabutas ang paleta nang masuyod ito ng forklift.

Nauna ng inihayag ng PDEA na isinailalim nila sa subasta ang kargamento upang mahuli ang utak sa pagpapalusot nito sa bansa pero nagwagi nga ang Goldwin Enterprises na regular na lumalahok sa auction ng Bureau of Customs at posibleng hindi lumahok ang nagpalusot nito sa bansa.

Sa ulat ng PDEA, bahagi ito ng shabu na natuklasan sa Dasmariñas at Tanza sa Cavite at natunton nila ang paparating na droga galing ng Cambodia sa pamamagitan ng palitan ng mensahe ng mga nahuli nilang suspek nang isailalim sa forensic examination ang kanilang mobile phone.

Dagdag pa ng opisyal, maging si Malabon City Mayor Len-Len Oreta ay pinuri ang mga taga- PDEA sa pagsasabi ng katotohanan hinggil sa likod ng natuklasang droga lalo na’t mismong ang naturang ahensiya pa nga ang nagdeklara na 15 sa 21 barangay sa lungsod ay drug free, na nangangahulungan lamang na 71% sa kabuuang barangay sa lungsod ang drug free na pinakamataas sa buong Metro Manila.

Kung susuriin lamang ang mga pahayag ng PDEA, pati na ang tunay na kaganapan sa likod ng pagkakatuklas sa P1-bilyong halaga ng shabu, mapapatunayan na hindi taga-Malabon o mismong sa lungsod ito ibinabagsak.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.