Panawagan kina Usec Diño, Yorme Isko at Mayor Vico

March 25, 2020

Hindi natin alam kung kailan matatapos ang enhanced community quarantine na isinasagawa ng gobyerno para makontrol ang paglaganap ng Covid-19.

Pero nakasalalay sa atin kung lalawig pa o hindi ang quarantine. Huwag na tayong lumabas ng bahay kung hindi rin lang mahalaga ang lakad natin.

Kusang mamamatay ang virus na ito kung walang makakapitang tao.

***

May mga reklamo pa rin tayong tinatanggap kaugnay ng mga checkpoints.

Alam natin na hangad lang naman ng otoridad na mapigil ang pagkalat ng Covid-19 kaya nagsasagawa ng checkpoint.

Kung mga pulis at sundalo ang pag-uusapan wala na sigurong problema dahil alam na nila ang gagawin.

Pero ang problema, may mga barangay official pa din na hindi yata alam ang mga ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Katulad na lang diyan sa Binondo, may ilang nagtatrabaho sa bangko ang ayaw padaannin  ang mga opisyal ng barangay.

Mabuti na lang at nakahingi ng saklolo sa mga pulis sa lugar si Paulene Fajardo, isang opisyal ng Security Bank  diyan sa Elcano, Binondo.

Ayon sa sumbong ni Fajardo, nakiusap na daw siya at nagpakita pa ng ID kay Richmon Liu, opisyal ng barangay sa Binondo pero ayaw daw talaga siyang padaanin. Ang siste, maangas pa daw ang damuho. Siguro naman Mayor Isko Moreno at DILG Undersecretary Martin Diño, kahit na grade school pupil ay alam na ang patakarang exempted sa home quarantine ang nga nagtatrabaho sa bangko, katulad ng mga pulis, sundalo, doktor, narses, money remittance center at iba pa.

Tama lang, mahalagang sumunod tayo sa mga iniuutos ng gobyerno, kabilang na ang home quarantine, social distancing, pagsusuot ng face mask at paghuhugas ng kamay. Pero sana ay mabigyan din ng sapat na kaalaman ang mga opisyal ng barangay, lalo na ang mga katulad ni  Richmon Liu.

Habang isinusulat nga ang pitak na ito, nakatanggap naman tayo ng sumbong na nagpapatupad daw ng Home Quarantine Pass (HQP) ang  bgy chairman ng  Ugong, Pasig, na si Lizbeth Santiago.

Hindi natin alam kung sumusuway ba ito sa utos ni Mayor Vico Soto na hindi na kailangan ang HQP sa Pasig?

Mas mainam sigurong magpalabas ulit ng paliwanag si mayor Vico.

Kailangan talagang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga opisyal ng barangay, Usec. Diño, upang hindi magkaroon ng kalituhan.

Nahaharap ngayon sa mabigat na trabaho ang mga opisyal ng barangay kaya marapat lang na maalam sila.

Hindi pwede ang maaangas at hambog na opisyal ng barangay na nabigyan lang ng kaunting kapangyarihan ay nagha-hari-harian na.

Sa mga kababayan naman nating pasaway at pilosopo, huwag na kayong dumagdag sa problema ng ating gobyerno.

Ginagawa naman lahat ng mga opisyal ng pamahalaan ang kanilang magagawa upang mabigyang tulong ang mamamayan, lalo na ang mga mahihirap at mga nawalan ng trabaho.

Sisiguruhin din ng mga otoridad na hindi mamamatay sa gutom ang mga kababayan natin.

Patuloy din ang pamamahagi ng relief goods ng mga lokal na opisyal ngayong panahon ng emergency.

Ibinabalik lang nila ang perang galing din sa tao para mabuhay sila sa panahon ng krisis.

Huwag natin kalimutan na pati kasisilang na bata ay nagbabayad na ng buwis.

Ang kanyang iniinom na gatas ay may value-added tax (VAT).

Bantayan na lang natin ang mga opisyal na lokal at barangay dahil sa kanila dadaan ang mga tulong.

Huwag lang suspendihin kundi tanggalin sa serbisyo ang mga kurakot na opisyal ng probinsiya, syudad, bayan at barangay.

****

Kagaya ng mga doktor, kaawa-awa din naman ang mga taga-Bureau of Customs (BoC) na magsasagawa ng 100 percent examination sa mga questionable shipment.

Lalo na ang mga kargamentong galing sa mga bansang pinapahirapan ng Coronavirus.

Hindi natin alam kung may virus ang mga binubuksang shipment.

May mga doktor na ngang namatay sa pagganap ng tungkulin.

Mga doktor na ito na malamang na kumpleto ang gamit para huwag silang mahawa.

Pero sa hindi  maiiwasang pagkakataon, dalawang empleyado na ng BoC sa Manila International Container Port (MICP) ang nagpositibo sa Covid-19.

Kaya ngayon, ang lahat daw ng empleyado ng BoC-MICP ay under home quarantine na.

Kaya mahalagang kumpleto rin ng gamit ang mga taga-BoC, lalo na ang mga magsasagawa ng inspeksyon sa mga alerted shipment.

Kagaya ng nasabi natin sa nakaraang kolum, dapat may hazard pay ang mga taga-BoC.

Hindi baril ang papatay sa kanila kundi ang hindi nakikitang virus.

Mabuti pa ang bala, magsuot ka lang ng bullet proof vest at helmet ay okay ka na.

Ang virus, hindi natin nakikita na puwedeng dumaan sa iba't-ibang parte ng katawan.

***

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjt08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)