Panawagan sa IATF ng mga trabahador ng mga importer/broker

March 29, 2020

Lingid sa kaalaman ng marami, may  mga lingkod bayan na tuloy-tuloy na nagtatrabaho para masiguro ang agarang paglabas ng mga  shipment na naglalaman ng mga bagay na kinakailangan sa kampanya laban sa COVID-19.

Sila ang mga opisyal at tauhan ni Bureau of Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Kahit naka-skeletal force, sanay magtrabaho nang "under pressure" ang mga taga-BoC.

Ang mga imported face masks ay maayos at mabilis na nailalabas sa aduana.

Hindi puwedeng pabagal-bagal ang pag-process ng mga papeles ng mga kargamentong kailangang-kailangan natin para labanan ang COVID-19.

Sa katunayan, ayon  kay Asst. Commissioner Atty. Philip Vincent Maronilla, zero backlog sila. Halos lahat ng kargamentong nasa mga pantalan ay tapos na ang proseso. Ang mahirap lang, me mga broker at importer na hindi nailalabas ang kanilang shipment dahil wala namang mga tauhang magtatrabaho pagdating ng bodega.

Ang kinakatakutan ngayon ng mga taga-BoC at Philippine Ports Authority ay baka magkaroon naman ng port congestion sa mga pantalan. 

Kapag nangyari ito, tataas na naman ang presyo ng mga bilihin. Ayon sa ulat mahigit dalawang libong container ang hindi pa naiilabas sa mga pantalan. 

Hindi rin naman natin masisisi ang mga broker at importer kung hindi nila mailabas papuntang mga bodega ang kanilang kargamento dahil pagdating nga sa mga warehouse, wala namang mga trabahador. 

Kailangang maging klaro ang patakaran ng DTI o IATF kung paano mabibigyan ng exemption ang mga trabahador ng mga negosyanteng may kinalaman sa import,export business.

Kaya walang katotohanan ang bintang na iniipit ng BoC ang paglabas ng mga kargamento.

Napaka-unfair at napakasakit naman ang mga bintang na ito.

****

Dapat bantayang maige ng mga otoridad ang mga lokal at barangay official na namamahagi ng mga food assistance sa taumbayan.

May mga report na may palakasan daw sa pamimigay ng tulong.

Ang masakit may mga bigas daw na pati aso o pusa ay hindi makain dahil may amoy na kapag naluto.

Sa ibang lugar naman, bakit daw bigas lang ang ipinamimigay sa kanila.

Samantalang sa nga kalapit  na barangay ay may sardinas, kape, pancit ang food pack.

Hindi lang dapat huwag pagalitan o suspindihin ang mga demonyong opisyal na ito.

Dapat sa kanila ay tanggalin agad sa tungkulin.

Kapag ginawa ito ni DILG Secretary  Eduardo Año titigil ang panloloko ng ilang local at barangay officials.

Ang mga opisyal na ito ay walang karapatang manatili sa puwesto kasi  nagagawa pa nilang manloko kahit may emergency na.

Ang ginagago nila ay si Pangulong Duterte mismo na talaga namang galit sa mga tiwali at korap na lingkod-bayan.

***

Laging sinasabi sa diyaryo, radyo at telebisyon na bawal magtaas ng presyo ng mga bilihin.

Lalo na ang basic commodities na kagaya ng bigas, sardinas, asukal, kape at iba pang pangangailangan ng tao.

Pero may mga lugar na tumataas ang presyo ng mga produktong ito.

Pati tindahan yata na pagmamay-ari ng mga opisyal ng barangay ay nag-ooverprice din.

Please naman, DILG Secretary Año at Trade Secretary Mon Lopez, magpakalat kayo ng undercover agents at hulihin ang mga profiteer na ito.

Kasuhan sila sa korte.

Naniniwala tayo na matutuwa pa si PRRD  kapag may nakasuhan kayong mapagsamantalang negosyante.

Lalo na siguro kung opisyal pa ng barangay ang masasakote niyo.

Hataw na Sirs Ed at Mon!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )