Panawagan sa Mercedez Benz-Alabang

February 13, 2019

BAGO ang lahat nais muna nating tawagan ng pansin ang mga opisyal ng Mercedez Benz Service Center diyan sa Alabang.

Ang hinaing ng isa nating kaibigan ay mukha daw yatang sumasama ang serbisyo sa nasabing service center.

Imbes daw kasi maayos ang kanyang sasakyan, lalo pang nadagdagan ang problema.

Sana huwag hayaan ng mga opisyal ng MB-Alabang na masira ang mahabang panahong pagtitiwala ng mga customer na “safe and comfortable to ride ang bawat MB unit.”

Kailangang umaksyon ang pamunuan  ng MB-Alabang sa reklamo ng kanilang mga customer.

Abangan!

* * *

Tahimik pero epektibo kung magtrabaho.

Ito ang tatak ng serbisyo ni District Collector Carmelita “Mimel” Manahan-Talusan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino international Airport (BoC-NAIA).

Dahil sa husay niya sa pamamalakad, ginawaran siya ng parangal noong nakaraang founding anniversary celebration ng Bureau of Customs.  

Ang BoC-NAIA ang may  pinakamaraming drug seizure sa lahat ng collection sa bansa.

Sa katunayan, habang isinusulat natin ang pitak na ito, may panibagong huli na naman sina Talusan na shabu na nagkakahalaga ng P90-M, na ipinalaman sa mga tambutso ng sasakyan.

Nangangahulugan lang na tagumpay ang kampanya ni Talusan laban sa iligal na droga.

Sa loob lamang ng sampung buwan ay nakapagrehistro ang NAIA ng 31 drug busts. Ang mga nakumpiskang droga ay kinabibilangan ng marijuana, shabu, cocaine, Ecstasy at iba pang ipinagbabawal na gamot.

Sa pamamagitan ng mga X-Ray machine ay nakita ang mga droga na nakatago sa mga parcel, baggage sa mga bodega at ito ngang pinakahuli ay sa mga tambutso ng sasakyan nanggaling sa Estados Unidos.

Sa ginagawang inspeksyon ng mga tauhan ni Talusan ay talagang mahirap lumusot ang anumang kontrabando.

Alam ni Collector Talusan na perhuwisyo sa bayan kung may makakalusot na droga sa NAIA.

Maraming buhay ang sisirain ng mga iligal na droga.

Napipilitan nang umangkat ng  iligal na droga sa labas ng bansa ang mga sindikato dahil halos lahat  ng mga laboratoryo ng shabu sa bansa ay nabaklas na ng mga otoridad.

Marami na ring banyagang chemists ang nakakulong sa bansa.

Sila ang mga nahuling gumagawa ng shabu sa mga nabuwag na shabu laboratory.

Nabisto ang kinalalagyan ng mga laboratoryo ng shabu sa tulong ng taumbayan.

Madali na kasing magbigay ng impormasyon sa tulong ng mga mobile phone.

Kaya napipilitan ang mga sindikato na magpadala ng shabu sa pamamagitan ng koreo.

Ang problema lang nila, nakahanda ang mga tauhan ni Collector Mimel sa modus operandi nila.

Si Mimel ay anak ni dating BoC Deputy Commissioner Julita Singson-Manahan na kapatid ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson.

Keep up the good work, Collector Mimel!

* * *

Nagumpisa na ang kampanya para sa mga kumakandidato bilang senador.

Ang masakit lang, marami talagang mga pasaway na politiko.

Kahit bawal, naglipana pa rin ang mga illegal election material.

Iyan ang sakit ng ulo ng Comelec.

Paano pa kaya pagdating ng Marso 29 kung kailan mag-uumpisa na rin ang kampanya para sa mga lokal na posisyon?

Makaya pa kaya ng Comelec na pagtatanggalin ang mga illegal campaign materials ng mga kandidato?

Iyan ang malaking katanungan.

Alam naman natin na kulang sa tao ang Comelec.

At sa obserbasyon natin, masyadong maraming pera ang aagos sa eleksyon na ito. Nakikita naman natin ito kung paano maglagay ng anunsyo sa mga diyario, telebisyon at radyo ang mga kandidato ngayon.

Napakaraming pera!

Ang tanong: Saan naman kaya nanggaling o nanggagaling ang sandamukal na mga kwartang iyan?

Huwag naman sana sa iligal na droga!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)