Pandaigdigang Araw ng Kababaihan

March 09, 2019

NAPAKAPALAD ng isang babae na mapanganak bilang isang Pilipina sa mga panahong ito. Bukod sa bantog ang mga Pinay sa angking kagandahan, maraming oportunidad sa buhay  ang kanilang nagagamit na nananatiling pangarap lamang ng mga kababaihan sa ibang bansa.  

Sa larangan ng pulitika, ang Pilipinas ay nagkaroon na ng dalawang babaing Pangulo ng bansa, dalawang Punong Mahistrado ng Korte Suprema, at mayroon tayong Bise-Presidente,  isang Ispiker ng Malaking Kapulungan, mga senadora, mga kongresista, at mga  punong-lalawigan,lungsod, bayan, at barangay.  

Sa pribadong sektor, mayroon tayong mga kababaihang bilyonarya na namumuno sa kanilang mga negosyo at mga propesyonal sa medisina, abogasya, edukasyon, mass media, sports at marami pang iba.  

Ang tema ng International Women’s Day 2019 ay “think equal, build smart, innovate for change” na ang pangunahing punto ay ang  pagpapahusay ng mga pamamaraan para maisulong ang pagkakaparehas ng kasarian, pagpapalakas ng kababaihan sa larangan ng  sistema ng panlipunang proteksyon at mas madali at mabilis na pases para  makahingi ng tulong dito.  At ang “  campaign theme” nito ay “ #BalanceforBetter” -- ang isang mundong balanse ang pagtingin at pagtrato sa lalaki at babae  ay isang mas mainam na mundo.  Paano tayo makakatulong para makamit ito? Ipagdiwang ang mga tagumpay ng kababaihan; pataasin ang kamalayan  laban sa diskriminasyon sa kababaihan; kumilos para sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian.

Hindi nakapagtataka na ang mga Pilipina ay maraming natatamong karangalan at tagumpay sa pampubliko at pribadong sektor.  Bago pa man dumating ang mga Kastila, ang mga Pilipina ay marunong magbasa at magsulat at may karapatan mag-ari ng lupa. Iyan ang aral na  makukuha natin sa isang Kasunduan ng Bilihan ng Lupa sa Tongdo sa pagitan ng dalawang babae na naisulat sa Alibata sa papel na yari sa kawayan na isa sa pinakatatanging piraso ng kasaysayan na iniingatan ng Aklatan ng  Miguel Benavidez sa Unibersidad ng Santo Tomas na akin mismong nakita nung pumasyal ako sa pagdiriwang ng ika 400 taon anibersaryo ng pagdiriwang ng UST.  

Tama si Michelle Obama, dating Unang Ginang ng Estados Unidos, na nagsabing ang isang bansa ay hindi lalago at uunlad kung pinipigil nito ang pagyabong ng mga kababaihan nito at pinagkakaitan ng bansa ang kanyang sarili sa maiaambag ng kalahati ng populasyon nito.  Hindi ito lihis bagkus tumutugma ang sinabing ito ni Obama sa tinuran ni Margaret Thatcher, isa pang bantog na pinunong babae ng Inglatera: Kung gusto mong may ipahayag ka, iutos mo sa lalaki. Kung gusto mong may ipagawa ka, iutos mo sa babae.  Kitang-kita ang katotohanang ito sa larong ahedres o chess -- ang reyna ang pinakamakapangyarihang piyesa na nagtatanggol sa hari.  

Kahit ang Banal na Kasulatan ay itinatampok ang mga pambihirang babae na mahalaga ang naging papel sa buhay ng Israel tulad ni Reyna Esther at ng sangkatauhan tulad ni Eba at Maria. Ang Kawikaan 31 ay naglalarawan ng isang ulirang babae na masipag, mapagmahal, tapat sa asawa, maaruga sa mga anak, at mahusay sa negosyo. Sa sobrang galing ng babae, may paalala sa mga asawang babae na magpasakop sa asawang lalaki na may tungkulin namang mahalin ang ang asawang babae.  

Sa panahong ito ng administrasyong Duterte, may bagong batas na nagpahaba ng maternity leave ng isang babaing empleyado na bagong panganak, imbes na 60 araw, 105 na araw na ang maternity leave. Pinahaba ang maternity leave upang ang isang bagong nanay ay hindi agad mawalay sa kanyang bagong silang na sanggol na pasusuhin pa.  At parehong babae ang namumuno sa kampanya ng Hugpong ng Pagbabago at ng Otso Diretso.  Mabuhay ang mga Pinay na nagbibigay kulay at sigla sa ating bansa!!!