Pandaigdigang Taon ng mga Katutubong Wika ang 2019

March 02, 2019

IDINEKLARA ng UNESCO ang 2019 bilang Pandaigdigang Taon  ng mga Katutubong Wika upang sa loob ng 12 buwan, maitampok, mapalaganap at mataguyod ang katotohanan na napakahalaga ng lahat ng mga  wika upang makamit ang kaunlaran, kapayapaan at papagkasunduan sa ating daigdig na “multi-lingual”. Kasama na rito ang Pilipinas na may lipunang multi-lingual.

Sayang at ilan lang ang nakakaalam ng dahilan bakit nagkaroon ng ganitong deklarasyon  nung 1999 ang UNESCO tungkol sa kahalagahan ng mga katutubong wika. Nag-umpisa ang kwento nuong  Pebrero 21,1948; may limang kabataan estudyante ang namatay  sa isang mapayapang kilos protesta sa kalsada ng pagbabarilin sila ng mga pulis sa East Pakistan.  Marami rin ang nasugatan mula sa pulutong ng mga estudyante ng Unibersidad ng Dhaka.  Kanilang pinoprotesta ang pagdeklara ng kanilang pamahalaan na gawin tanging pambansang  wika ang Urdu na wika sa West Pakistan samantalang mas maraming tao ang nagsasalita ng Bangla sa East Pakistan. Hinihiling nila na gawin din pambansang wika ang Bangla. Nagbuwis ng buhay ang limang estudyante dahil sa kanilang pagmamahal sa kanilang sariling wika.  Ang pangyayaring ito ang naging mitsa  para humiwalay at magsarili ang East Pakistan sa West Pakistan at ngayon ay kilala na bilang bansa ng Bangladesh.  Mayroong itinayong bantayog para sa mga martir ng wikang Bangla na ang tawag ay “Shahid Munir”.

Nuong 2013, ang Pilipinas, na mayroong 170 na katutubong wika, ang kauna-unahang bansa sa Asya na ginawang patakaran ang paggamit ng katutubong wika sa pampublikong sistema ng edukasyon sa bansa.  Niyayakap nito ang konsepto ng Mother Tongue Based Multi Lingual Education (MTBMLE) na napatunayang mabisa upang mabilis magbasa, magsulat, magkwenta at matuto ang isang bata sapagkat ang kanyang unang wika, ang wikang kanyang natutuhan sa kanyang nanay at ginagamit ng kanyang pamilya, ang wikang ginagamit ng guro sa silid paaralan.  Samakatuwid , pagtungtong ng bata sa pre-school o nursery, pagkaraan ay kindergarten, at mula unang baitang hanggang high school, gamit ang unang wika ng bata sa loob ng silid paaralan bilang wika ng pagtuturo at pagsusulit (RA 10533, RA 10410 at RA 10157).

Ako ay naniniwala na kung nung una pa lamang ay isinama, at hindi ipinuwera, ang mga katutubong wika tulad ng maranao at maguindanaon bilang wika ng pagtuturo, ang mga kababayan nating Muslim ay hindi maglalayon humiwalay sa Republika ng Pilipinas at lalong bibilis ang pag-unlad ng bansa  dahil mataas ang ating pagtingin sa ating mga Kababayan na hindi unang wika ang Filipino na malaking bahagi ay batay sa Tagalog.  Talaga naman pong napakasakit para sa isang bata na madisiplina, laitin at hiyain sa paaralan dahil nagsasalita lamang siya ng kanyang unang wika na ayaw ipagamit ng pamahalaan. Walang paliwanag bakit kailangan Ingles at Filipino, mga pangalawang wika na hindi niya gamay at lubos na nauunawaan, ang tanging mga salitang gagamitin sa paaralan. Hindi siya bobo subalit nabobobo siya dahil hindi niya maintindihan ang aralin na itinuturo lamang sa dalawang wikang ito. Isa marahil ito sa mga nagpapalakas ng kaisipan na siya at ang kanyang mga kauri ay hindi bahagi ng sambayanang Pilipino.

Taong  2008 pa lamang ay sumali na ako sa pagsusulong sa Kongreso ng panukala ng multilinguwalismo ( MTB MLE/ Mother Tongue Based Multi Lingual Education).  Nung umpisa, ako lang ang nag-iisang tinig sa parang. Masigasig akong nangampanya sa aking mga kasamang mambabatas.

Kasama ko ang 170 Talaytayan na umikot sa Luzon, Visayas at Mindanao upang magsalita sa mga pamantasan at mga pagtitipon ng mga guro upang alisin ang pangamba na hihina ang pagkatuto ng bata sa Ingles at Filipino bagkus lalo pang iinam ang pagkatuto ng bata sa pagsasalita ng ikalawa at ikatlo o higit pang mga wika. Ang daming datos at pagsasaliksik ng mga dalubhasa sa linguwistika at edukasyon ang ating inilahad at ipinakita sa kanila.  Pagkaraan ng limang taon, napakalaking kagalakan sa akin at sa mga kasama ko ng maging mahalagang bahagi ito ng K To 12 law (RA 10533) na naging batas nung 2013. Isa po tayo sa mga pangunahing may akda ng batas na ito.

‘Nakakalungkot nga lamang sapagkat sa ating adbokasiya, ni anino ng National Commission on Indigenous People (NCIP) at Komisyon sa Wikang Filipino ( KWF) ay hindi ko nakita na kumilos para matulungan ang DepEd  sa pagpapatupad ng multi-lingual na edukasyon.  Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit magpasa hanggang ngayon ay hindi pa nababago ng

DepEd ang kanilang Department Order No 16 Series of 2012 na pinapagamit ang 12 wika: Tagalog, Kapampangan, Pangasinense, Iloko, Bikol, Cebuano, Hiligaynon, Waray, Tausug, Maguindanaon, Maranao at Chabacano.  Hindi ko mawari kung  bakit ito lamang ang mga wikang pinili. At pagkaraan ng 6 na taon, wala po tayong balita kung magdadagdag ang DepEd ng iba pang mga wika sa natitirang 158 na mga katutubong wika.