Pangarap na natupad

ISANG pangarap na unti-unting nabubuo.

Ganito ang paglalarawan ni Senador Bong Go sa itinatayong New Clark City sa Capas, Tarlac na pagdarausan ng Southeast Asian Games sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Ayon kay Go, bukod sa magsisilbing tahanan ng mga atleta at venue para sa SEA Games, isa sa layunin ng New Clark City ang paluwagin ang Metro Manila.

Plano kasing ilagay sa New Clark City ang ilang mga ahensya ng pamahalaan na hindi naman nangangailangan ng tanggapan sa Kalakhang Maynila upang makabawas na rin sa trapik.  

Noong Miyerkules, matapos inspeksyunin ang P13-billion sports complex sa New Clark City, ipinagmalaki ni Go at House Speaker Alan Cayetano na handang-handa na ang bansa para maging host sa SEA Games.

“Overall, we’re 100 percent ready,” saad ni Cayetano kasabay ng pagdagdag na lahat ng pasilidad ay tapos na at ginagamit na ng ilang atletang Pinoy.

Si Cayetano ang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na isa sa mga abala sa preperasyon sa SEA Games, habang si Go ang chairman ng Senate sports committee.

“Nakatutok ang ating gobyerno. Pinapaalala ni Pangulong Duterte na sa lahat ng involved ay dapat siguraduhin na in time for the opening ay handa na ang lahat, including security,” saad naman ni Go.

Umaasa rin ang bagitong senador na magiging maganda ang ranking ng Pilipinas sa SEA Games, kung hindi man maging overall champion, lalo na’t bukod anya sa world-class facilities ay matindi ang suporta ng mamamayang Filipino.

“I’m hopeful. Very much hopeful ako, not only with the kind of facilities we have right now but with the support of the Filipino people,” diin ni Go.

“Iba po ‘yung mayroon ‘yung mag-cheer sayo na hometown crowd. It will pump up your adrenaline,” dagdag ng senador.

Aba, hindi pa man tuluyang tapos, dapat na ring bigyan ng masigabong palakpakan ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA), na nagde-develop ng lugar.

Kasama sa ipinagmamalaking pasilidad ang 20,000-seater athletics stadium, 2,000-seat aquatics center na may Olympic-size pool, at pitong gusaling athlete’s village kung saan mananatili ang SEA Games athletes, officials at volunteers.

Bahagi ito ng 200-hectare na National Government Administrative Center, at isa sa flagship project ng Duterte administration.

Malinaw na isa itong legacy na maiiwan ng Duterte Administration na tulad ng mga gusaling iniwan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ay habambuhay na ipagmamalaki ng mga Pinoy.