Pangulong Duterte, dapat nang makialam sa Okada scandal

January 09, 2019

FOREIGN at local investors ang bloodline ng ating bansa. Lahat ng nagiging Pangulo, kasama si President Rody Duterte ay nag-iimbita ng mga negosyante para mamuhunan sa ating bansa kapag may mga state at official visits sila sa abroad.

Isa sa mga tumugon sa ganitong panawagan ay si Japanese tycoon Kazuo Okada kaya nag-invest siya ng bilyung dolyar para makapagpatayo ng world class hotel and casino na alam na natin bilang Okada Manila.

Sa maniwala kayo’t sa hindi, may mga kasunod pa sanang hotel/casino na itatayo si Okada dito sa atin dahil malapit siya sa maraming Pilipino kaya gusto niyang lumikha ng trabaho sa marami nating mga kababayan.

Pero sa sinasapit niyang dusa ngayon, baka kahit gawaan ng palitaw ay hindi na mangyari.

Isipin nyong mabuti, hindi man lang makatungtong si Okada sa kanyang property dahil sa grand conspiracy ng mga taong gustong agawin ang kanyang kompanya.

Nag-ugat lang naman ang lahat ng yan dahil sa traydor na kababayan ni Okada na kanyang pinagkatiwalaan. Sa tulong ng mga Pinoy din na walang magawa sa buhay, nagpatuloy ang kalbaryo ni Okada.

Inalis na siya bilang chairman ng Okada Manila kahit siya ang majority shareholder. Sa ngayon, ang combined shares ni Okada (48%) at ng anak niyang si Hiromi (9%) ay 57%.

Ilang beses nagtangkang pumasok si Okada sa kanyang casino pero siya ay pinaalis ng mga security. May pagkakataon pang binuhat siya palabas. Ano nga ba ang laban ng 75 years old sa mga maskuladong security guards?

Ang tanong, kung halimbawang inalis nga siya bilang chairman, bakit ayaw siyang papasukin gayong sa kanya pa rin ang property?

Dito tayo nanawagan kay Pangulong Duterte at sa Kongreso para panghimasukan na ang corporate dispute na sa tingin natin ay nagkakaroon ng injustice in broad daylight.

Para lalong  magtagumpay ang masamang plano ng kung sino man, sinampahan ng patung-patong na kaso si Okada at ang pinakahuli ay nanghimasok na ang DoJ.

Iyong estafa case ni Okada na nadismis na ay binuhay ng DoJ na ang boss ay si Secretary Menardo Guevarra. Incidentally, ang anak naman ni secretary na si Jay Meynard ay newly employed ng Okada bilang assistant director for Risk Management. Ang nag-hire sa anak ni secretary ay ang faction na nagdedemanda kay Okada.

Wala namang masama sa employment ng anak ni Secretary Guevarra, ang masama lamang ay pumasok ang DoJ sa pagbuhay ng kaso ni Okada,

Sa ngayon, may warrant of arrest si Okada kaya hindi pa makabalik sa bansa. Bagama’t nagtakda naman ng piyansa ang Parañaque court na P348K, malaking sagabal din ang may warrant at may kaso.

Nababalam nito ang pagsisikap ni Okada na mabawi ang kanyang kompanya mula sa mga taong nasa likod ng sabwatan para agawin ang kanyang kompanya.

Mananawagan sana ako sa kaibigan nating si Executive Secretary Badong Medialdea pero ang balita natin, sanggang-dikit sila ni Secretary Guevarra. At umaasa tayong wala ring kamay si Secretary Medialdea sa nangyayari kay Okada kahit protege niya si Guevarra.

Kaya nga gusto natin direkta na kay Pangulong Duterte umapela para paimbestigahan niya ang nangyayari sa Okada dahil baka maging ganito ang sapitin ng iba pang foreign investors.

Masamang balita ang sinasapit ni Okada ngayon  sa mga dayuhan na iniimbitahan nating maglagay ng puhunan dito sa atin.

Si Okada ang bumili ng binhi, si Okada ang bumili ng lupa, si Okada rin ang nagtanim tapos nang mamunga, iba ang kumakain!

Ang mas masakit, hindi na nga siya makakuha ng bunga, bawal pa siyang pumasok sa kanyang plantasyon!

Tsk, tsk, tsk.

allanpunglo@gmail.com