Papanagutin ang Chinese vessel!

WALA tayong makuhang mabuting salita sa ginawa ng isang Chinese vessel na nagpataob sa bangkang pangisda ng ating mga kababayan sa Recto Bank (Reed Bank) sa West Philippine Sea noong nakalipas na Linggo.

Higit na nakapanlulumo ang ginawa ng barkong banyaga nang iwan sa malawak na karagatan ang 22 nating kababayan na nagpaanod nang lumubog ang sinasakyan nilang F/B GimVer 1 matapos silang banggain.

Ang malademonyong inasal na ito ng mga Chinese ay isang malinaw na paglabag sa itinatadhana ng International Maritime Law of the Sea kung saan ay pangunahing prayoridad ng sinumang marino, mangingisda  at mga awtoridad pang-dagat ang kaligtasan ng bawat taong nasasangkot sa trahedya – aksidenteng insidente man o sinadyang pangyayari sa karagatan.

Ibig sabihin, kalaban o hindi, sibilyan man o hindi, lahat ng makikitang tao na palutang-lutang sa karagatan ay kailangang sagipin agad upang hindi sila malunod at mailigtas sa tiyak na kamatayan.

Mabuti’t dumating para sumaklolo ang isang Vietnamese vessel kaya nailigtas ang ating mga kababayan, ngunit ang barko ng China na bumangga sa kanila ay nag-ala-hit-and-run!

Hinahangaan natin si Defense Sec. Delfin Lorenzana sa mabilis na paglabas ng pahayag ng pagkundina sa inasal ng barko ng mga Chinese nationals.

“We denounce the actions of the Chinese fishing vessel for immediately leaving the incident scene abandoning the 22 Filipino crewmen to the mercy of the elements. We condemn in the strongest terms the cowardly action of the Chinese fishing vessel…this in not the expected action from a responsible and friendly people,’” sabi pa ni Lorenza.

Naganap ang insidente noong Hunyo 9, ngunit kamakalawa ng hapon lamang ito napaulat sa media kung saan ay natiyempo pang ipinagdiriwang ng bansa ang ika-121-taong anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas!

Ang palasyo ng Malakanyang ay nag-utos na ng agarang imbestigasyon upang malaman ang buong detalye ng naturang pangyayari.

Sa ngayon, tamang hakbang ito ng Pangulong Duterte. Dapat malaman muna ang punu’t dulo ng insidente at tama lang din sigurong hindi muna maglabas agad ng marahas na hakbang o pahayag.

Bilang alter-ego ng Pangulo, sapat na pahayag ni Lorenzana na inaasahan din nating maglalabas ng kahalintulad na kalatas ang Foreign Affairs department.

Pero hindi natin masisisi ngayon ang ating mga kababayan o iba’t ibang sektor ng lipunan, kung manggigil, magalit at maglabas ng masasakit na pahayag laban sa bansang China.

Mula nang manungkulan ang Pangulong Duterte, tatlong taon na ang nakararaan, wala tayong naririnig na matapang na pahayag laban sa pamahalaan ng China kahit na kabi-kabila ang lumalabas na balitang binu-bully ng Chinese Coast Guard ang ating mga kababayang walang ibang nais lamang kundi mangisda sa sarili nating karagatan.

Mas brusko at matapang pa nga si Presidente laban sa pamahalaan ng Canada dahil naman sa isyu ng mga tone-toneladang basura na pinasok ng mga ito sa ating bansa.  

Nakuha pa ngang magbiro ng Pangulo na puwedeng maging probinsiya na lamang ng China ang Pilipinas – isang hindi magandang biro kung usapin ng kasarinlan ang pag-uusapan.

Iginagalang natin ang desisyon ng Pangulong Duterte na ‘wag na munang ipaglaban upang ipatupad ang pagkapanalo ng Pilipinas sa South China Sea Arbitration na inihain ng dating administrasyon sa United Nations Convention on the Law of the Sea.

Bilang commander-in-chief, siya lamang ang maaaring magpasya kung kailan ito dapat ipaglaban o hindi dahil kasama iyan sa mandato niya bilang Pangulo ng bansa.

Pero sa nangyaring kalapastanganan sa 22 nating kababayan na nalagay ang kanilang buhay sa panganib, siguro naman ay hindi kalabisan na kalampagin ang pamahalaan na gumawa ng isang malinaw, tuwid at matapang na hakbang upang papanagutin ang kapitan at mga pahinante ng sumalbaheng Chinese vessel.

Hindi na ito usapin ng dilaw, Liberal Party o Pro-Duterte. Usapin ito ng karapatan at katotohanan na tulad ng nakaukit na titik sa ating Pambansang Awit na Lupang Hinirang na: “Sa Manlulupig ay Di Ka Pasisiil!”

Kung tunay na kaibigan ng Pilipinas ang China o sabihin pa nating kung ‘BFF’ nga talaga ni Digong si Xi Jinping, personal nitong hilingin ang pagpapanagot kung sinuman ang barkong China na sumalbahe sa ating mga kababayan.

Hindi natin pinapaypayan upang lumaki pang lalo ang nasabing insidente.

Pero hindi rin naman siguro kalabisan na hilingin ito ni Digong para maipakita nito sa ating mga kababayan na ang ating Pangulo ay hindi takot sa bansang Tsina.

Sa kabilang dako, mahalaga ring personal na pasyalan at kausapin ng Pangulong Duterte ang 22 mangingisda upang marinig mismo niya sa bibig ng mga ito kung paano sila pinagtangkaang patayin ng mga Tsino sa mismong karagatan na sakop ng ating bayan.  

Kung nakukuhang puntahan ng ating Presidente ang mga sugatan nating sundalo at pulis, maganda ring dalawin nito ang 22 nating kababayan na walang ibang hiling kundi mangisda lamang bilang pantustos sa pagkain ng kani-kanilang pamilya.