“Papuri” at “saludo” sa ‘M8’ at ‘P70’ ng Kongreso

HINDI dapat “pinanghihinaan ng loob” ang ating mga mambabatas na nagbusisi sa aplikasyon ng bagong prangkisa ng ABS-CBN at ang mga bumoto na huwag nang pagbigyan ang hirit ng kumpanya ng oligarkiyang Lopez noong nakaraang Biyernes.

Dangan kasi, sa totoo lang, para sa mas higit na nakararaming bilang ng mga Pilipino—kung hindi pa alam ng ating mga kongresista—ang “pakiramdam” nila, “nakamit” na ng taumbayan ang “hustisya” laban sa isang oligarkiyang pamilya na ilang dekada nang nanloloko sa kanila at kahit ang gobyerno, palaging “ginungulangan!”

Kaya nga, “binansagan” na “P70” (hindi ito pangalan ng ‘cellphone,’ dear readers), o ‘Patriotic 70’ ang 70 kongresista na pumabor na huwag nang bigyan ng bagong prangkisa ang -ABS-CBN; “I-11+” naman ang kanilang mga kabaro na loyalista ng pamilya Lopez.

Ano kanyo yung “I-11+” dear readers? Hindi rin ito pangalan ng ‘cellphone,’ hane? Bagkus, ito yung… “Iyakin 11”—kasama ang kanilang mga kapanalig na Dilawan, Komunista at mga “tolongges” sa hanay ng media na hindi matanggap ang desisyon ng Kongreso ng mga Pilipino, tama ba, kasamang Rajak Paktil, hehehe!

Umabot sa 13 ang ginawang pagdinig ng ‘joint committee’ ng Legislative Franchise at Good Government and Public Accountability sa isyung ito.

At nasaksihan ng mga Pinoy ang “pagsasakripisyo” ng Patriotic 70 sa mga hearings na maagang nagsisimula at inaabot ng kalaliman ng gabi.

Kahit may COVID-19 at imbes na asikasuhin ang kani-kanilang pamilya, mas pinipili ng mga naturang kongresista na maghanda, mag-aral, at sumali sa bawat pagdinig upang maibunyag sa publiko ang mga naging “kasalanan” ng ABS-CBN sa taumbayan at pamahalaan.

Mayroon sa kanila na imbes lumahok sa pamamagitan ng ‘Zoom,’ mas ginusto pang magpunta sa Kongreso upang aktibong makalahok, ‘up-close and personal,’ wika nga, sa mga deliberasyon ng mga humahawak na komite. Ibang klase, kaya naman sinserong sumasaludos sa Patriotic 70 ang mayorya ng mga Pilipino, “our snappy salute,” yeheyy!

At kung may “P70” ngayon sa ating Kongreso, hindi rin dapat kaligtaan ang “M8” sa liderato ng Kongreso, o yung “Magnificent 8” na namahala at “nagtimon” sa buong proseso ng mga pagdinig upang matiyak na ang bawat ‘hearing’ ay “patas” sa lahat ng kasaling partido, partikular sa ABS-CBN.

Sa 13 pagdinig, alam ba ninyo, mga kabayan, na 10 sa mga ito ay inilaan sa ABS-CBN upang malaya nitong mailahad sa bayan ang mga batayan bakit nararapat lang na bigyan sila ng bagong prangkisa?

‘Asan ngayon ang ‘bias’ d’yan at ang batayan na “ginipit” at “pinulitika” lang ang pamilya Lopez, kaya hindi nabigyan ng bagong prangkisa, aber?

‘Yun nga lang kasi, sa napakahabang panahon at maraming pagkakataon na ibinigay sa kumpanya, nabigo itong mapatunayan na pulos “akusasyon na walang batayan” ang mga “nahukay” na ebidensiya ng M8 at pulos kasinungalingan lang ang sinabi ng mga testigo laban sa kumpanya ng mga Lopez.

Kaya sa pagkakataong ito, “palakpakan” din natin ang M8 ng Kamara— Speaker Alan Peter Cayetano; Majority Floor Leader Ferdinand Martin Romualdez; Deputy Speaker Jesus Crispin Remulla;

Deputy Speaker Rodante Marcoleta; Committee on Legislative Franchises Chair Rep. Franz Alvarez; Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado;

Rep. Mike Defensor; at, Rep. Elpidio Barzaga.

Kahit naging “madugo” ang proseso at may ilang nasugatan o lumuha, ang importante, mga kabayan, naisilbi ang katarungan na matagal nang ipinagkait sa masang Pilipino ng isang oligarkiyang pamilya.

Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Kamara, naipakita ng M8 at P70 na ang ating Kongreso ay tunay na ‘representative of the people and a bastion of the rule of law.’

At balikan lang natin saglit ang mga nabisto ng Kongreso na masamang gawain ng mga Lopez bilang mga “panginoon” sa ABS-CBN:

Pinakatampok sa mga ito ang foreign citizenship ni ABS-CBN chairman emeritus Gabby Lopez na direktang paglabag sa mandato ng ating Saligang Batas na hindi kailanman puwedeng maging may-ari ng ano mang uri ng ‘Philippine mass media’ ang isang dayuhan;

Pinasahol pa ito sa kanilang pag-iisyu ng Philippine Depositary Receipts o PDRs sa mga dayuhan upang maikutan ang Saligang Batas; hindi pagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno’

Pekeng block-time deal sa pagitan ng ABS-CBN at AMCARA (ang huli’y dummy account lang ng una), etc., etc.

Sa dakong huli ay nakapag-isip din ang mga matitinong Pilipino: Nagbabalita at bumabatikos ang ABS-CBN sa masahol na contractualization sa hanay ng mga manggagawa, pero marami pala sa mga empleyado nito ang contractual pa rin hanggang ngayon kahit nagtatrabaho na sa istasyon sa loob ng higit isang dekada, ayy sus, ginoo!

Abangan!