Para kay Comm. Jagger: ‘Tapang,’ ‘Talino’ at ‘Determinasyon’

November 16, 2018

BAGO ang lahat, mainit na pagbati sa aking pamangkin na si Reamay Gutierrez Edles, na isa sa mga bagong ‘civil engineer’ ng ating bansa matapos makapasa sa katatapos na CE Licensure Examination.

Ano kaya sa palagay mo, DPWH undersecretary, Robert Bernardo, “puwede” na kaya sa tanggapan mo itong pamangkin ko, hehehe! Congrats ulit, pamangkin, the ‘second engineer’ in the family!

* * *

Isa ring mainit na pagbati sa ‘DOST Family’ sa pangunguna ni Sec. Fortunato dela Pena at Dir. Richard P. Burgos ng DOST-STII (Science and Technology Information Institute), sa kanilang “inisyatiba” na magkaroon ng isang ‘media seminar’ upang “magabayan” ang mga mamamahayag sa pagsulat ng mga balita at impormasyon hinggil sa ‘S&T’ (science and technology).

At siyempre, natutuwa rin tayo na sa pangunguna ni NPC Pres. Lakay Gonzalo, isa na ngayon ang ating organisasyon sa ‘stakeholder-partner’ ng DOST sa mga proyekto at programa nito, partikular na ‘yung may kaugnayan sa larangan ng komunikasyon.

Sa ganang atin pa, ang patuloy na paglawak ng ugnayan ng NPC sa iba pang mga grupo at organisasyon, pribado man at sa gobyerno, ay “bunga” ng “matagumpay” na mga reporma ng ‘Press Freedom Party’ (PFP), sa pamumuno nito sa NPC, partikular na sa nakaraang anim na taon.

Sa pagsisimula nang nasabing ‘media seminar’ kahapon sa Maynila (na magtatapos ngayong araw kaya puwede pang “humabol” ang ating mga kapatid at mga kasamahan sa pamamahayag), agad nating nakita ang magandang “ibubunga” ng ‘partnership’ ng DOST at NPC sa mga darating na araw kaya... abangan! Tama ba, Pang. Lakay?

* * *

Nakatakdang “magpahinga” sa kani-kanilang mga trabaho ang mga customs brokers at mga ‘truckers’ simula sa araw ng Lunes, Nobyembre 19, hanggang Sabado, Nobyembre 24.

At mukhang “seryoso” na sila sa pagkakataong ito, mahal na Pang. Rody, dahil noon pa lang Huwebes ng gabi, halos “tumukod” na ang trapiko sa kahabaan ng Roxas Boulevard at sa iba pang mga kalye na “rota” ng mga ‘container van trucks’ na papuntang ‘port area.’

Kumbaga, pilit “inihahabol” ng mga customs brokers at mga ‘truckers’ ang kanilang mga kargamento para matiyak na sa Lunes, hindi na “maiipit” ang kanilang mga “biyahe.”

Simple lang kasi ang ‘translation’ ng kanilang ‘Day of Rest’ na tatagal ng anim na araw, DoF secretary, Carlos Dominguez --  walang magiging transaksyon sa Aduana sa susunod na linggo, aww!

Sa ganang atin din naman, dear readers, “unawa” natin ang mga ‘truckers’ at iba pang ‘waterfront stakeholders’ sa kanilang naging desisyon.

Una nga kasi ay pulos “dribol” at “laway” lang naman ang inaabot nila sa mga ahensiya ng gobyerno, partikular na sa DTI-PSB (Philippine Shipping Bureau), MARINA (kung saan “galing” si BoC commissioner Jägger Guerrero) at PPA, hinggil sa kanilang problema sa sindikato, agh, sa hanay ng mga ‘private arrastre operators’ (ATI/ICTSI) at mga shipping lines -- sa napakatagal nang panahon!

“Ano ba ang problema,” tanong mo ba, Pang. Digong?

Eh, “simple” lang naman— hanggang ngayon, “wala” pa ring mga ‘empty container depot’ ang mga international shipping lines!

At ang siste pa, ang mga “bakanteng espasyo” sa loob ng mga “yarda” ng ATI/ICTSI, mukhang “reserbado” na sa iilang “pinagpala” na mga shipping lines!

Isa sa mga resulta nito? “Port congestion!”

Ang masakit pa dito, mga kabayan—at ito ay alam ng mga taga-pantalan— hindi rin naging solusyon sa problema ng port congestion itong ‘TABS’ (Terminal Appointment Booking System) ng rehimen ni Noynoy Aquino!

Bagkus, naging isa lang itong malaking “sindikato” na ang daang milyones na kinikita ay napupunta lang sa mga “pribadong bulsa,” tama ba, kasamang Rey Soliman ng Customs Brokers and Truckers’ Alliance?

At bagaman din ilang beses na nating naisulat dito ang problemang ito sa pantalan— ang “mala-sindikatong” ‘tandem’ ng mga arrastre at shipping lines—  hindi tayo “magsasawa” na ulitin ito ng ulitin dahil naging ‘trade facilitation saboteur’ na sila sa ating pambansang ekonomiya.

Na may bilyones na kuwartang “umiikot” sa bulsa ng iilan dahil sa problemang ito, hindi na ito dapat pang pagdudahan, DTI secretary, Ramon Lopez.

Bagaman nga “ipinipilit” ng mga arrastre operators at shipping lines “walang port congestion,” eh, sino ba ang mas dapat paniwalaan? “Sila” ba o, ang mga napeperwisyong truckers at iba pang stakeholders sa pantalan?

At ano itong mga sandamakmak na ‘other charges’ na palaging ipinapatong ng mga shipping lines sa kanila? A’ndyan ang ‘import/holiday surge charge,’ container imbalance charge, ‘detention charge,’ etc., etc.

Kumbaga, “binago” lang ng mga gahamang ito ang “pangalan” (mula sa dating port congestion charge) at hindi pa “nakuntento,” nagdagdag pa ng ibang singilin na sa kanilang bulsa lang naman din mapupunta!

At siyempre, “nakangisi” rin ang mga arrastre operators dahil sa bawat oras na “naiipit” sa kanilang mga yarda ang mga kargamento, “tumitiba” naman sila sa “demurahe” at ‘storage fees.’    

Eh, ano naman ang “kinalaman” dito ng DTI, MARINA at PPA, mga kabayan?

Eh, susme, sa daang milyones at bilyones na ‘extra income‘ nitong mga arrastre operators at shipping lines, dapat pa bang magtaka kung bakit wala pa rin silang makitang epektibo at pangmatagalang solusyon sa problemang ito?

Translation? Basta may problema, may kuwarta!

At ang “kawawa” sa sitwasyong ito ay ang Bureau of Customs (BoC) dahil nga kung walang transaksyon sa pantalan, wala rin silang koleksyong buwis!

Sa pag-upo ni Gen. Jagger Guerrero bilang customs commissioner, alam niya na “kailangan” niyang kumolekta ng hindi bababa sa P55 bilyon ngayong buwan at sa pagtatapos ng taon.

At tataas pa ang kanyang ‘average monthly target collection’ dahil “papalo” sa P644 bilyon ang ‘target collection’ ng BoC sa 2019, mula sa target na higit P584 bilyon ngayong 2018.

Ano naman kaya ang “solusyon” upang labanan at buwagin ang “sindikatong” ito, mga kabayan?

“Simple” lang din, sa tingin natin— tapang, talino at determinasyon ni Comm. Jagger.

“Tapang” na igiit ni Comm. Jagger na bagaman ‘private property’ ng ATI at ICTSI ang mga yarda sa POM at MICP, “siya,” ang “gobyerno” ang may hurisdikyon sa kanila. Kumbaga, “siya” ang boss.

“Talino” (at “gulang sa katawan”) na hindi siya “mapaikutan” ng mga grupong ito at siyempre, “political will” o “determinasyon” na labanan at supilin ang kanilang mga pang-aabuso.

Abangan!