Para sa mga kapatid nating Persons with Disability

November 19, 2018

SA mga nakapanood na ng bagong advertisement ng Levi’s, sigurado akong naantig kayo sa naging istorya nito.

Sa patalastas, makikita ang isang tatay na nagpa-customize ng design sa maong na jacket at pinalagyan ito ng akala natin ay kalat-kalat na metal beads lamang. Yun pala, Braille ang pattern nito para sa anak niyang hindi nakakakita.
 

Patuloy ang inyong Kongreso para tiyakin na hindi napapabayaan ang ating PWDs. Patunay na rito ang pagpasa ng Republic Act 10754 o ang Magna Carta for Persons with Disability. Pinapalakas nito ang nauna ng Republic Act 7277.

Dinadamihan nito ang mga benepisyong natatanggap ng mga PWDs. Bukod sa binibigyan sila ng special facility sa mga establishment, marami na rin silang discount na makukuha mula sa mga business establishment.

Hindi naman ito dapat ipag-alala ng mga negosyante dahil kada discount na ibinibigay nila sa PWDs ay nakukuha nila bilang tax incentives.

Ang Magna Carta for PWDs ay listahan lang ng minimum benefits na pwede nating ipagkaloob sa kanila. Dapat ay patuloy tayong humahanap ng paraan para mas mapagaan pa ang kanilang buhay.

Nitong nakaraang Passport on Wheels 2 nga sa Malabon City, binitbit ni Vice Mayor Jeannie Sandoval ang DFA team para puntahan ang isa nating kababayan na bed-ridden na. Nais niyang makakuha ng passport kung kaya sina vice mayor na ang nagtungo sa kanyang bahay.

At nitong isang linggo lang, isinabatas na ng Pangulong Duterte ang isa na namang House bill na isinulat natin -- Ang Filipino Sign Language Act.

Layon ng bagong Republic Act 11106 na paigtingin ang paggamit at pagtuturo sa sign language. Isipin mo, paano na lang umoorder sa mga restaurant ang mga kapatid nating pipi o bingi kung hindi marunong sa sign language ang mga tauhan sa restaurant?

Paano na lang ang mga kapatid nating nasa korte -- maging akusado man, complainant o testigo, kung walang marunong mag-sign language na court personnel? O hindi kaya, paano na lang ang hirap ng ating kababayang PWDs na nakikipagtransaksyon sa government offices kung hindi sila ganun kadaling maintindihan ng ating mga kasamahan na frontliners?

Kaya sa bisa ng batas na ito, mandato na ng mga educational institutions na ituro ang sign language sa lahat upang mas mapadali ang komunikasyon natin sa mga PWDs.

Marami sa atin ang walang kapansanan. Dahil dito, tungkulin natin na gumawa ng paraan upang matulungan ang mga kapatid nating may dinadalang bigat sa pamumuhay.