Parusa sa mga anak na ‘pabaya’ sa magulang!

MAGANDA ang panukala ni Senador  Panfilo “Ping” Lacson na magpapataw ng parusa sa mga anak  na nag-aabanduna ng matatandang magulang at maysakit.

Sa Senate Bill 29 o ang tinawag na proposed  “Parents Welfare Act of 2019,” nais ni Lacson na obligahin ang mga anak na suportahan ang kanilang tumatandang magulang lalo na kapag may karamdaman o wala nang kakayahang mabuhay mag-isa.

Sa panukala, gagawing criminal offense ang pagpapabaya sa mga magulang.

Maaaring maghain ang isang magulang na nangangailangan ng suporta ng ‘petition for support’ sa korte laban sa kanyang anak na tumatangging mag-aruga sa kanya.

Ang mga anak na hindi magbibigay ng suporta sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan ay papatawan ng isa hanggang anim na buwang pagkabilanggo o multang aabot hanggang P100,000.

“Whoever, having the care or protection of a parent in need of support, leaves such parent in any place with the intention of wholly abandoning the latter shall be punished with imprisonment of six years to 10 years and a fine of not less than P300,000,” saad pa ni Lacson sa panukala.

Nakasaad din sa panukala ang pagtatatag sa  Old Age Homes.

Sa ganang akin, makabuluhan ang mga ganitong uri ng panukala.

Aminin man o hindi ng ilan nating kababayan, marami sa atin ang walang patumanggang basta na lamang iniiwan ang kanilang magulang.

Lalo na iyong mga salat sa pananalapi.

Pero hindi sapat na dahilan ito upang pabayaan natin ang ating mga magulang na silang tunay na dahilan kung bakit tayo isinilang sa mundong ito.

Umaasa tayong mapagtitibay agad ang naturang batas dahil kung wala man silang mga konsensiya, kahit papano ay makapagbibigay takot sa kanila na gumawa ng masama sa ating mga magulang.

Sa kabilang dako, dapat ay sinsero ring ipinatutupad ngayon ang batas na nagbibigay parusa naman sa mga magulang na nagpapabaya sa mga menor de edad na anak.

Maraming mga kabataan ang naliligaw ng landas o naaaksidente sa kalsada dahil  naman sa kapabayaan ng ilang magulang.

Kung tungkulin ng anak na pangalagaan ang mga tumatandang magulang, higit na tungkulin din ng mga magulang na gabayan, arugain at palakihin ng maayos ang kanilang mga anak.