Parusahan ang pasimuno ng fake news!

HIHIRAMIN ko ang linya ni Senador Panfilo Lacson: ‘Walang karapatang mabuhay sa mundo ang mga opisyales na mangungupit sa pondo ng pamahalaan ngayong nasa krisis tayo ng COVID-19!

Una, tama ito.

Ikalawa, dapat lang!

At ikatlo ay sana magkatotoo --- bagaman labag ang mga kahilingang ito sa Bibliya!

Pansamantala nating iwan ang anggulo ng korapsiyon ngayong nasa gitna tayo ng ‘delubyo!’

Kung ganito ang pananaw ni Lacson,  halos ganito na rin ang pananaw natin sa mga taong nasa likod ng fake news!

Lalo na iyong walang ginawa ngayon kundi mag-isip ng ikagugulo ng taumbayan at saka ipakakalat sa social media.

Nasabi na ni PNP chief Gen. Archie Gamboa na unti-unti ay tine-trace na nila kung sinu-sino ang nasa likod ng fake news.
 
Magkakaroon aniya ng pag-aresto at tinitiyak  niyang mapaparusahan ang mga ito sa  mga susunod na araw.

Sa panahon ngayon, hindi magandang magkalat tayo ng ‘fake news.’

Lalo na iyong may motibong udyukan (agitation) ang ating mga kababayan na kesyo may nanghaharang na sa kalsada upang nakawan at holdapin ang ilang motorista.

May naglabas pa na may nakawala na raw na COVID-19 patient. At isang fake news naman ay pinasok na raw ang isang bahay para pagnakawan.

Meron pa na isang helicopter ang mag-iikot daw sa hatinggabi at ang pinakahuli ay idedeklara na raw ng Pangulong Rodrigo Duterte ang total lockdown kaya kailangan nating mag-stock ng pagkain na ‘good’ pang dalawang buwan!

Sabi ni Senador Bong Go, ang mga ganitong uri ng pekeng balita ay hindi nakatutulong sa ating lahat. “Dagdag na naman sa iisipin ng kababayan natin at dagdag sa problema. Pabigat at di nakatutulong. Please quarantine their mouth!” anang mambabatas.

Tama ang senador dahil kahit tayo ay hindi natin malaman kung bakit may mga taong natutuwa na gumawa ng mga pekeng balita?

Bakit mas gusto nilang mag-panic, matakot at magalit ang ating mga kababayan?

Alam ba nila ang magiging resulta kapag nahikayat natin ang ating mga kababayan na maging desperado?

Hindi ba dito magkakaroon ng malaking kaguluhan? Maimpluwensyahan silang magnakaw na rin sa kanilang lugar dahil ginagawa na sa ibang lugar.

Pinamumukha na dahil gutom na ang ating mga kababayan ay puwede nang gumawa ng masama sa kapwa.

Bukod sa posibleng malawakang ‘looting’ o nakawan, maaaring ito na rin ang hudyat upang magkasakitan o ‘magpatayan’ tayo sa isa’t isa.

Isinusulat ko ito ay may ‘special session’ na ang Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ginagawa po ng ating pamahalaan – mula Executive, Legislative at Judiciary – para maging maayos ang ating burukrasya.

Oo hindi tayo mayamang bansa, tulad ng Italy, Amerika at China. Pero sana naman ipakita nating mayaman tayo sa kagandahang asal.

Maging responsable sana tayong lahat sa paggamit ng social media.

Iwasan natin ang pumatol sa mga pekeng balita at tumulong na lang tayo sa pag-post at pag-share ng mga impormasyong makatutulong sa ating lahat.

Iyong iba kasi, nakikipag-unahan pang i-share ang mga hindi beripikadong detalye sa socmed!

Na sana ay mabago na natin sa mga sitwasyong ganito ngayon!