Home>Editorial>Opinion>Pasalubong!

Pasalubong!

KAPAPASOK lang ng Bagong Taon pero bagong ‘tsika’ agad ang usap-usapan ngayon hinggil sa X-ray Inspection Project (XIP) ng Bureau of Customs.

Alam kong kapag nakarating ito kay Customs Commissioner Leonardo Guerrero ay gagawa agad ito ng aksiyon para masawata ang kalokohan ng isa niyang tauhan.

Eto ang kuwento, mga ate at kuya.

Ang nasabing tauhan ay walang humpay na ‘umorbit,’ ‘umikot,’ ‘nagtara,’ o ‘nanghingi ng tong’ bilang ‘Pasalubong’ dahil papasok na raw siya sa XIP

Ang terminong ‘Pasalubong’ kung matatandaan ay palasak na salita sa lahat ng ‘corrupt’ na ‘government officials o employees’ na humihingi ng lagay sa tuwing papasok sila sa isang puwesto sa pamahalaan.

Siyempre, kapalit ng ibibigay na ‘Pasalubong’ para sa kanila ay ang katiyakang kukunsintihin o hahayaan ang isang departamento sa lahat ng kanilang kabulastugan.

Ang nasabing tauhan ay may koneksiyon sa Customs Police na nagpapa-assign sa XIP kamakailan lang. Tumutulong sa paggapang sa kanyang bagong ‘appointment’ ang mga kakosa na pinangakuang ‘mamamantikaan’ sakaling regular na makakubra tungkol sa umiiral na kalakarang ‘tongpats’ sa XIP.

Diumano, bukod sa ‘kotong,’ sadyang nagpa-assign sa XIP ang nasabing tauhan dahil umiiwas sa mabigat na responsibilidad sa Enforcement and Security Service (ESS).

Matagal nang kumukulo ang dugo ni Commissioner Guerrero sa nasabing tauhan dahil mismong ito ang nag-utos kamakailan kay Deputy Commissioner Raniel Ramiro na ilagay sa ‘floating status’ ang BOC employee.

Ang catch, halos lahat ng mga importer at broker ngayon ay hinihingian umano nya ng P100,000.00 para pasalubong raw sa kanya.

Kung hindi tayo nagkakamali, umabot na sa milyong piso ang nakolekta nito bilang Pasalubong sa inaasintang puwesto sa XIP.

Hindi ko alam kung saan humugot ng lakas ng loob ang taong ito para mangikil sa mga broker at importer.

Alam nating lahat na noon pa ay maraming beses nang may ‘warning’ si Pangulong Rodrigo Duterte kay Commissioner Guerrero para linisin nang tuluyan ang BOC.

At kung may isang uri ng nasabing tauhan ang gumagawa ng ganito papasok pa lang ang Taong 2021, sigurado tayong papayag ang opisyal na muling madungisan ang pangalan ng kagawaran.

Umaasa tayong masisibak sa lalong madaling panahon ang nasabing tauhan, kasya tuluyan itong magkalat ng lagim sa BOC.

Publication Source :    People's Tonight
Marlon Purificacion
Journalist At Large