Pasaway na mga punong barangay, dapat sampulan

October 02, 2019

TAPOS na ang ibinigay na deadline  ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan para linisin ang mga lansangan sa buong bansa na isang paraan upang mapaluwag ang daloy ng mga sasakyan.

Pero mukhang may mga lungsod pa rin sa Metro Manila ang kinakailangan pa ring mag doble-kayod dahil hanggang ngayon ay may mga kalye pa rin silang hindi pa tuluyang nalilinis o kaya ay nalinis na pero balik na muli ang mga sagabal.

Kung tutuusin, hindi naman lahat ay dapat na i-asa sa isang alkalde ng lungsod at sa kanyang mga tauhan ang paglilinis ng mga lansangan dahil hindi lang naman nakatuon dito ang tungkulin ng isang pinuno ng lokal na pamahalaan.

Kaya nga tayo naghahalal ng mga punong barangay ay upang maging katuwang ng lokal na pamahalaan sa mga aktibidad pero mayroon talaga na makapal ang mukha at puro personal na interes lamang ang adhikain sa pagtakbo bilang kabesa.

Marami nga sa mga punong barangay ay sila pa ang pasimuno ng paglalagay ng mga sagabal sa lansangan tulad ng kubol, pagbibigay pahintulot sa mga illegal vendor na makapagtinda sa bangketa at lansangan, pati na rin ang pagpayag sa mga illegal terminal ng mga pampublikong sasakyan tulad ng tricycle na siyempre, may kapalit na kabayaran.

Hindi ko na tutukuyin kung saang barangay sa mga lungsod sa Metro Manila ang mga may pasaway na punong barangay dahil batid naman ng lahat na marami ang may ganitong uri ng lahi na wala yatang inatupag kundi mag-isip ng pagkakakitaan habang nasa posisyon.

Ang hirap kasi, panay ang pagbabanta ng DILG laban sa mga pasaway na punong barangay na hindi tumatalima sa kautusan pero mukhang wala naman atang nasasampulan kaya’t dedma ang karamihan sa pananakot ng ahensiya.

Kung mayroon lang sanang masasampulan na tiwaling opisyal ng barangay, baka sakaling matakot ang ilan na ituloy ang kanilang raket. Ang hirap kasi, maging ang karamihan sa mga nakatalagang kinatawan ng Commission on Audit sa lokal na pamahalaan na susuri sa gastusin ng mga kabesa, madaling aregluhin kaya’t nakakalusot ang mga tiwali.
Scholarship sa PWD

MAKAKATANGGAP na ng P500 kada buwan o P5,000 sa bawat academic year ang mga estudyante sa Navotas City na may kapansanan sa ilalim ng ipinasang ordinansa ng Sangguniang Panlungsod na iniakda nina Konsehal Ethel Joy Arriola-Mejia at Arnel Lupisan.

Nilagdaan na kasi ni Mayor Toby Tiangco at mga benepisyaryo ng Persons with Disabilities (PWD) Students Educational Assistance/Scholarship at kanilang mga magulang ang kasunduan para sa pagkakaloob ng scholarship sa buong panahon ng kanilang pag-aaral.

Sa kabuuang bilang na 467 na mga kuwalipikadong estudyanteng Navoteño na may kapansanan na tatanggap ng buwanang educational assistance, 324 dito ay pawang nasa special education (SPED) classes at 143 naman ang nasa pampublikong paaralan na binubuo ng 19 sa kolehiyo at 447 sa elementarya.

Sabi ni Mayor Tiangco, doble kayod ang kailangang gawin ng mga magulang o guardian ng mga kabataang may kapansanan upang maalagaan at masustentuhan ang pangangailangan ng kanilang pamilya kaya para mapagaan ng kaunti ang kanilang alalahanin at mahikayat na mag-aral ang kanilang mga anak, nararapat lamang na pagkalooban sila ng scholarship.

Nakapaloob sa kasunduan na kailangang makapasok ng hanggang 90% sa kinakailangang mga araw sa isang school year ang mga benipisyaryo at aktibong makilahok sa kanilang mga klase.

Dagdag pa ng alkalde, pangunahin nilang layunin na matiyak ang bawat kabataang Navoteño na mayroong oportunidad na matuto at malinang ang kanilang husay at galing para maging maayos ang kanilang kinabukasan.

Ang kailangan lamang ay Navoteño ang mga maga-apply sa programa, o isa sa kanilang mga magulang o guardian ay lehitimong residente at rehistradong botante ng lungsod.  Dapat din na naka-enroll sa alin mang pampublikong ekwelahan o SPED school sa Navotas.

Text ng readers

Sa text ng isang senior citizen sa Maynila, nais niyang ipaabot kay Mayor Isko Moreno ang taos-pusong pasasalamat sa mga benepisyo na kanila raw tatanggapin sa susunod na taon na tanging sa administrasyon lang ng alkalde naisakatuparan. Pero sana raw ay huwag ng paraanin ang biyaya sa barangay chairman dahil kung may hindi nakararating at kung makarating man ay mas malaki pa ang bawas. Ang katuwiran daw ng kanilang kabesa, wala pa raw ibinibigay na budget ang lokal na pamahalaan. Sana raw ay mabigyan kaagad sila ng ATM para sila na ang direktang kukuha ng biyaya sa bangko.

Isang vendor naman sa Sabalo St. sa Barangay 8 sa Caloocan ang nagrereklamo dahil nang mapaalis daw sila sa bangketa matapos gibain ang kanilang mga puwesto dahil sa clearing operation, muling itinayo ang talipapa sa bangketa pero naniningil na raw ng P20,000 hanggang P30,000 goodwill money ang nagpatayo na isa raw opisyal ng city hall kaya yung may kakayanan lang na magbayad ang nakakapagtinda. Sana raw ay makarating ang kanilang hinaing kay Mayor Oca Malapitan.
Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923347