Pati ba naman uling?

October 15, 2019

Ang usaping sapat na enerhiya sa kabahayan para tugunan ang pangangailangan ng pamilyang Pilipino ay hindi lang payak na suliranin.

Ito ay nangangailangan ng dagliang lunas dahil ang isyu ay malapit sa bituka.

Kaya talakayin natin ito sa ating sariling wika.

Kasi, maniwala kayo o hindi, pati pala presyo ng uling – ang tinaguriang fuel of the poor – ay tumataas na rin.

Eh kung di na abot ng mahirapang halaga ng pinakamurang pang-gatong, eh ano pa and kanilang puwedeng gamitin para ipagluto ng makakain ng kanilang pamilya?

Kaya hindi kami nagtataka na mariing kinondena ngayon ni Sen. Imee Marcos ang Department of Trade and Industry  dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng mga pangunahing bilihin pati na ang presyo ng uling at 'gaas' o kerosene.

Ayon kay Marcos, lumalabas na walang silbi ang DTI dahil sa hindi nila nababantayan ang pagtaas ng presyo ng uling at 'gaas' na siyang tanging kayang bilhin ng mga mahihirap sa mga depressed communities.

"Pati ba naman uling at gaas tumaas na rin? Hindi kayang bumili ng mga kababayan nating mahihirap ng LPG kaya uling o gaas ang kanilang ginagamit sa panluto. Pero nasaan ang DTI?" tanong ni Marcos.

Sinabi ni Marcos na ang isang supot ngayon ng uling ay nagkakahalaga ng P15 mula sa dating presyo nitong P10.

Samantalang ang isang litro size ng bote ng soft drink ng 'gaas' ay nagkakahalaga ngayon ng P60 sa dating presyo nito na P55.

"Kaya nga nagtitiyaga sila sa uling at gaas dahil ito na lang ang kaya nilang bilhin. Ang P700 na tangke ng LPG ay napakamahal para sa mahihirap. Meron bang aksiyong ginagawa ang DTI sa problema ng mga kababayan nating mahihirap?" tanong ni Marcos.

Idinagdag pa ni Marcos na mapipilitang kahoy o anumang uri ng panggatong ang malamang na gamitin ng mga mahihirap na pamilya sa kanilang pagluluto kung pati ang presyo ng uling at 'gaas' ay hindi na kakayaning bilhin.

"Mapipilitan tayong ipaimbestiga sa Senado ang DTI kung hindi pa sila kikilos at hindi aaksyunan ang walang habas na pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalu na pati yung ginagamit ng mahihirap na uling at gaas. Maawa naman sila, paano pa ipagdiriwang ng mga mahihirap ang darating na kapaskuhan?" galit na pagtatanong ni Marcos.

Matatandaan ding kinondena  niya  ang mga kompanya na nagbebenta ng  LPG matapos na itaas nito ang kanilang presyo at magbunga ng napakataas na halaga ng LPG sa mga pamilihan o merkado.