Patuloy na serbisyo ng NPC

January 16, 2020

UNANG-UNA nais nating bigyan ng isang malaking WELCOME ang mga bagong miyembro ng National Press Club matapos ang deliberasyon ng NPC Membership Committee nitong araw ng Miyerkules.  

Sa dami ng mga patuloy na nais maging miyembro ng ating organisasyon, ikinatutuwa natin at ikinararangal ang muling pagkilala at pagtitiwala ng mga lehitimong miyembro ng media sa NPC.

Syempre alam nating ito ay produkto nang patuloy nating ginagawang reporma at serbisyo hindi lamang sa ating mga miyembro kundi maging sa publiko.  

Nitong nakaraang Sabado lamang ginanap ang ating unang-unang medical and dental mission kasama ang UNTV at Nueva Ecija Press Corps sa Barangay Langka sa Palayan City, Nueva Ecija. Nais din nating pasalamatan ang lokal na gobyerno ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Gov. Umali at sa PNP at AFP na tumulong para maging matagumpay ito.  

Maraming maraming salamat po sa lahat ng mga bumuo ng misyong ito sa liblib na lugar na pinakinabangan ng daan-daang mga residente.  

Talaga namang nakakataba ng puso na makita ang mga kapos-pulad nating mga kababayan na hindi madalas maabot ng mga serbisyong gaya nito.

Noong nakaraang taon, naging hitik din ang ating mga serbisyo, proyekto at aktibidad. Masasabi nating isang produktibong taon ang 2019. Isa sa naging matagumpay nating proyekto ang NPC Election Pulse 2019 media forum na naging daluyan ng mga plataporma ng mga kandidato para sa midterm elections at napagkunan ng balita ng mga kasamahan natin sa midya.

Dahil sa tagumpay nito, nagpatuloy ang nasabing media forum matapos ang eleksyon at tinawag nating Report to the Nation. Hanggang sa kasalukuyan nagpapatuloy ito upang maging daluyan ng mga isyung panlipunan at pinagkukunan ng mga balita ng mga kasamahan natin sa midya.

Isa rin sa malaking tagumpay ng NPC ang masolusyunan ang pagkakautang nito sa SSS mula sa penalties na umabot sa P7.1 milyon dahil sa hindi pagbabayad ng obligasyon ng mga dating ‘namumuno’ sa NPC na puro kawalang-hiyaan ang ginawa sa ating organisasyon.

Matagumpay din nating naisagawa ang ikalawang taon ng NPC-NCCA-PAGCOR Apolinario Mabini Awards at nabigyan ang mga kasamahan natin sa hanapbuhay ng pagkilala dahila sa patuloy na nag-aambag sa ating propesyon sa kabila ng kanilang kapansanan. Mabuhay po kayo!

Nagkapagsagawa din tayo ng bloodletting activity kasama ang Philippine Red Cross (PRC) noong Mayo 25. At dahil sa patuloy nating pagbibigay serbisyo, ipinagpapasalamat natin ng malaki ang pagbibigay ng PRC ng libreng insurance cards para sa ating mga miyembro.

Nariyan din ang matagumpay nating 7th NPC-PHILRACOM NPC Benefit Race sa Manila Jockey Club Race Track sa Carmona, Cavite nitong Oktubre 19. Ang nakalap natin dito ay ating inilaan para sa educational assistance sa ating mga NPC scholar.

Muli rin tayong nagkaroon ng Memoramdum of Agreement sa TESDA upang makapagbigay ng libreng training para sa mga kasamahan natin sa media. Ito’y pagpapatuloy ng nauna nang MOA ng TESDA at NPC at sa tulong ni TESDA Comm. Sid Lapena muli itong napagtibay.

Syempre ang ating pakikiisa at masasabing tagumpay nating lahat sa naging hatol sa Ampatuan Masaker na isang dekada nating ipinaglalaban. Sa pagtungo natin sa mismong pinangyarihan ng krimen sa pagdalo natin sa pagbaba ng hatol hindi tayo bumitaw upang makuha ang hustisya.

Marami pa tayong mga nagawa noong nakaraang taon at hindi na natin iisa-isahin pa at baka maubusan na tayo ng espasyo.

Sa nalalabing buwan ng aming termino bilang mga opisyal ng NPC, hindi dito natatapos ang aming trabaho. Alam nating marami pa tayong kailangang gawin.  

Kaya naman sa mga miyembro at mga bagong miyembro natin isang paalala na makapagbayad nawa tayo ng ating obligasyon para sa NPC lalo na sa nalalapit nating eleksyon ngayong Mayo upang tayo ay makaboto.

Magkita-kita tayo ulit sa Mayo sa eleksyon ng NPC at abangan ang bagong line up ng Press Freedom Party!