Perpektong kombinasyon ang scouting at Reserve Officer Training Corps

November 28, 2018

HINDI lamang ang ROTC ang kailangang buhayin.

Kasama sa aking matagal nang advocacy na gawing mandatory ang Boy Scout at Girl Scout sa elementarya at high school.

Kung biglaan mong isasabak sa basic military training ang mga nasa Grade 11 at Grade 12, by that time na dumating sila sa ganyang antas, matitigas na ang kanilang mga bungo.

Palagi nating minemenos ang pagiging scout gayong dito lahat mahuhubog ng isang bata ang kanyang pagkatao.

Dito magsisimulang matutong makipagkapwatao ang isang bata. Hindi sa mga gadgets! Dito rin niya malalaman ang importansiya ng pagiging laging handa.

Kapag inihanay mo ang Oath of Scout, malalaman mong narito ang lahat ng sangkap ng isang mabuting Pilipino.

Ikinararangal kong sabihin na mahabang panahon akong naging scout. Mula elementarya ay naging patrol leader ako. Doon ay naranasan naming mag-camping at mag-hiking.

Tinuruan kaming maging responsable dahil kami mismo ang nagluluto ng aming pagkain at kami rin ang naghuhugas ng aming pinagkainan. Pati ang pagligpit ng aming mga pinaghigaan ay kami rin ang nag-aayos. Nagdarasal din kami bago kumain at bago matulog.

Ang highlights ng camping ay ang kanya-kanyang production sa gitna ng bon fire. Doon ay ipapakita ang talento as a group at hindi indibiduwal. Mula sa mga “yelling” hanggang sa mga skit na may mga moral story.

Nang mag-high school, naging Assistant Scout Master din ako na ang nasa ilalim ng aking liderato ay mga first year hanggang 4th year na mahigit 200.

Naniniwala akong kailangan natin ng ROTC. Alisin muna natin ang mga duda ng katiwalian sa sistema, doon muna tayo sa pangangailangan.

Aminin natin, marami sa ating mga kababayan ang wala sa kanilang sistema ang pagmamahal sa bayan. Dahil din yan sa mga pulitikong nagwalanghiya at hindi nagmalasakit sa kanyang bansa.

Higit pa sa paghahanda ng mga kabataan na ipagtanggol ang bansa sa anumang panlabas na puwersa, ang ROTC ay maghuhulma ng disiplina at patriotism basta tama lamang ang training.

And by the way, hindi lamang ako Boy Scout, dumaan din ako sa Citizen Military Training sa college o MS 11 at MS 12 sa Lyceum kaya may awtoridad ako na sabihing kailangan nating buhayin ang ROTC. CMT ang tawag sa ROTC namin.

Katulad ng sinasabi natin, kung gagawing mandatory ang scouting sa elementarya at sekondarya, mas magiging madali ang transition sa kanila sa ROTC.

Para maniwala kayong mahuhulma ang buong pagkatao kapag dumaan sa scouting ang mga bata, tingnan nyo mabuti ang Oath of Scout: On my honor, I will do my best, to do my duty, to God and my Country.

Tingnan nyo ang traits ng isang scout: The Scout is trustworthy, loyal, courageous, industrious, resourceful, obedient, kind, helpful, courteous and brother to all scouts.

Kung nasa puso na ito ng mga bata bago pa sila sumampa sa ROTC, mas madali na silang maihuhulma sa pagmamahal sa bayan at sa kanilang kapwa.

Perfect combinations ang scout at ROTC para makalikha tayo ng mga future good citizens ng ating bansa. allanpunglo@gmail.com