Perwisyo, hindi serbisyo ang PLDT; Unyon sa BoC “pumalag” na

October 10, 2019

“NAGKAROON” ng aberya ang mga “linya” ng ‘Philippine Long Distance Telephone Company’ (PLDT) noong Oktubre 7, kung saan maraming lugar ang apektado, partikular na sa Maynila.

At isa sa “minalas” na “madamay” ay ang linya ng National Press Club (NPC) na “isa” na sa “pinakamatandang kostumer” ng PLDT.

At alam mo ba, Mr. Manny V. Pangilinan, kailangan pang magpunta sa mismong tanggapan ng PLDT sa Pedro Gil, ang isang empleyado ng NPC para sa ‘follow-up’ dahil kung pagtawag sa telepono ang gagawin, eh, walang mangyayari, hindi ba dear readers?

Aber, nasubukan na ba ninyont tumawag sa ‘customer service’ nang PLDT kung saan mas matagal pa kayong “nganga” bago may sumagot sa kabilang linya?

(For a similar experience, try calling up Globe customer service, hehehe!)

Noong Miyerkules, dahil nga “tinutukan” ng NPC ang reklamo sa PLDT, may dumating sa tanggapan ng NPC at “inayos” na ang kanilang linya pero, bagaman puwede nang tawagan ang ‘landline,’ ang internet connection—na binabayaran ng halos P7,000 kada buwan ng NPC para sa mabilis na ‘Internet service,’ aba’y “usad-pagong” ngayon sa baaaggaaal, sanamagan!

At nang muli nating pinapuntahan ang PLDT branch para magreklamo, aba’y ayaw makipag-usap nang kahit sino sa kanilang mga opisyal doon!

At yung nakipag-usap naman, ang hirit siyempre eh, “magpasensiya” na muna dahil talaga raw may pagkakataon na “bumabagal” ang kanilang internet service at isa pa, “residential customers” daw ang prayoridad nila at hindi mga ‘commercial establishments,’ katulad ng NPC—na uulitin natin ay isa na sa pinakamatandang kostumer ng PLDT.

Eh, anong katwiran naman kaya ito, NTC Commissioner, Gamaliel Cordoba, aber? Sobrang taas kung maningil itong ating mga “telcos” pero ang serbisyo, “harang!”

Hindi ba kayo nakokonsensiya dyan sa NTC sa sandamamakmak na reklamong natatanggap ninyo laban dito sa PLDT?

O talagang mga manhid na lang din kayo sa hinaing ng publiko katulad nitong mga telcos na dapat ay “dinidisiplina” ninyo?

Kunsabagay, PDU30, matagal na talaga sa puwesto itong si Commissioner Cordoba—panahon pa ni PGMA—eh baka puwede mo na siyang palitan ng isang lingkod-bayan na alam pa ang mga salitang “konsensiya” at “malasakit.” Abangan!

***

Isang pahayag mula sa Bureau of Customs Employees Association (BOCEA), ang natanggap natin, mga kabayan.

At pagkaraan ng matagal na panahong “pananahimik,” tila “napuno” na ang “salop” ng kanilang “pagtitimpi” sa ilang mga “reporma” na ipinatutupad ngayon sa Aduana ni Comm. Jagger Guerrero.

Partikular sa isyu ng ‘NVVS’ (national valuation verification system), hayagang sinabi ng BOCEA na ito ay “labag sa batas” (‘against the law), partikular sa mga probisyon ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) o ‘Republic Act 10863.’

Eh, kung labag nga ito sa batas, mga kabayan, eh masasabi kayang “criminal act” ang umano’y “sapilitan” na pagpapatupad nito?

Bukod sa pagiging “iligal,” sinasabi pa ng BOCEA na nilalabag din ng NVVS ang ating mga tungkulin at obligasyon sa GATT-WTO kung saan isa ang ‘Pinas sa mga ‘original signatory’ nang itinatag ito noong 1994.

Layunin ng GATT-WTO na pabilisin at gawing mas ‘transparent’ ang daloy ng mga transaksyon at negosyo, mga kabayan. At ang umano’y “sapilitan” na pagpapatupad ng Aduana dito sa NVVS ay hindi pabor sa negosyo (anti-trade).

Sa ganang atin naman, nauunawaan natin kung bakit kahit alam nilang “sablay,” ‘no choice’ ang mga customs appraisers at kahit ang mga district collectors kundi “ipalunok” sa mga importer at mga ‘traders’ itong NVVS value.

Eh, dangan kasi, hinihingan sila ng paliwanag ng tanggapan ni AOCG Deputy Commissioner James Dy Buco at Import Assessment Service (IAS) director, Yasser Abbas, ahahay!

Sa sitwasyon ngayon sa Aduana na “kaunting sablay” ay nangangahulugan na puwede kang matapon sa kangkungan o kaya naman ay masampahan ng kasong administratibo, eh, talagang ‘no choice’ na lang ang mga ‘frontline employees’ ng BoC kundi “ipatupad” itong mistulang ‘benchmark value’ ng NVVS—kasehodang “malugi” nang husto ang mga importer, huhuhu!

Sa ganitong sitwasyon, ang “naiipit” ay ang mga may transaksyon sa Aduana na walang magawa kundi “sumuka” na lang ng dagdag-bayad sa buwis kesa naman “maipit” ang kanilang mga kargamento at “malumpo” naman sila sa bayad sa ‘arrastre’ at ‘storage.’

At bagaman hindi kasama sa reklamo ng BOCEA, sinasabi naman ng ilang miron na itong NVVS at iba pang mga “reporma” ay para lang sa mga “hindi pinagpala” o mga “nabasbasan,” hihihi, ayy, huhuhu!

Sabagay nga, “sasakit” ba naman ang ulo ni Comm. Jagger sa “dumadalas” na insidente ng smuggling—dahilan para muling mag-imbestiga ang Kongreso at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC)—kung “walang tinititigan” at “walang tinitingnan” ang kanyang mga pinagtitiwalaan, aber?

At kumusta na rin kayo d’yan sa ‘House of Thebes,’ hane?

Ang haba talaga ng “buwenas” ninyo, mga bosing! Ilang administrasyon na sa BoC ang dumating at umalis, kayo, andyan pa rin dahil hanggang ngayon pala, kayo pa rin ang mga “pinagpala,” yeheyy!!!

Abangan!