PhilHealth’s ‘daya-lysis’ vs libreng dialysis sa Maynila

KUNG mayroon mang dapat maging modelo ng pagkakaloob ng libreng dialysis service sa mga mahihirap nating kababayan, dapat siguro tingnan ng DoH ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa ilalim ng liderato ni Mayor Joseph Estrada.

Habang hindi malaman ng ibang  mandurugas sa PhilHealth at ng kanilang kasabwat sa pribadong medical facilities kung paano lalamangan ang gobyerno sa pamamagitan ng “daya-lysis”, ang lokal na pamahalaan ng Maynila ay mahabang panahon nang nagbibigay ng libreng dialysis sa  kidney patients.

Nito lang nakaraang araw, muling binisita ni Mayor Estrada ang dialysis center sa Gat Andres Bonifacio Medical Center sa Tondo para tingnan ang mga pasyente. Kasama ng hospital director na si Dra. Aquino, kinumusta ni Mayor Erap ang kondisyon ng ospital at ng mga pasyente.

Mismong si Dra. Aquino ang nagsabi na mahigit 100,000 patients na ang nagamot ng dialysis center magmula nang buksan ito ni Mayor Estrada. Aabot sa mahigit 59 dialysis machines ang nasa pasilidad ng Maynila na pinakikinabangan ng mga mahihirap na pasyente.

Maaaring nabigo si Mayor Estrada na makabalik sa panibagong termino na pinanghihinayang ng maraming mamamayan ng lungsod. Pero sa tingin natin, sapat ang mga nagawa ni Erap para mahalin siya ng mga mamamayan dahil kung makikita nyo ang pasilidad ng mga ospital ng Maynila, ang mga palengke at ang maraming local government facilities, mag-iisip din kayo kung bakit siya natalo.

Malaking pasasalamat ng mga pasyente na nakausap natin dahil sa proyektong ito ni Mayor Erap dahil kauna-unahan ang dialysis center na ito na libre sa buong bansa. P2,500 hanggang P3,000 ang isang sesyon ng dialysis na tatlo hanggang apat na beses isang buwan pero libreng ibinibigay ng Maynila.

Isipin nyo kung P150 bilyon ang sinasabing questionable payments ng PhilHealth sa dialysis at iba pang sakit, sobrang sinop naman ng Estrada administration para mabigyan ng libreng pasilidad ang  kidney patients.

Katunayan, aalis si Erap sa Maynila na may maiiwanang P14 bilyong pondo sa lungsod na sinertipkahan na ng City Treasurer. Kumpara noong 2013 nang dumating si Mayor Erap ay baon sa utang ang lungsod.

Aabot sa P4.4 bilyon ang mga utang na nabayaran ni Erap sa loob lamang ng dalawang taon niya ng pagiging alkalde. Kaya iyong mga walang magandang masabi kay Mayor Erap, hanggang pintas na lamang ang kaya nilang gawin pero tanungin mo sila kung ano na ang nagawa nila para sa bayan, nakanganga lang!

Naniniwala tayong taas-noo si Erap na lalabas ng city hall dahil personal nating nakita ang kanyang sinsiridad na ayusin ang pamamahala ng lungsod na hindi pa nangyari sa kasaysayan ng kapitolyo ng bansa.

allanpunglo@gmail.com